top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | October 30, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Matagal na nating binabanggit-banggit sa kolum na ito ang pagiging plastic at pakitang-tao ng ilang “pilantropo” kuno.

Kung tutulong ka sa kapwa, dapat ay lihim na lihim lang.


----$$$--


KAPAG iniyabang at ipopropaganda ang charity — hindi charity ‘yan at hindi pagtulong.

Ang popularidad na inaani ng pilantropo kuno — ay awtomatikong singil o bayad sa kanyang ipinopropagandang pagtulong.


----$$$--


MARAMING ganyan sa social media, ang “bayad sa tulong” -- ay paghigop ng maraming engagement, views, like at comment.

Iyan ang monetization.


----$$$--


IYAN mismo ang inilalarawan sa isyu na kinasasangkutan nina Vice Ganda at Heart Evangelista.

Ano ang moral high ground ni Vice Ganda sa pagtulong kuno sa isang public elementary school na idinidikit kay Heart?

Tulong o paandar?


----$$$$--


IKINUWENTO kasi ng komedyante sa noontime show na may “bulok na paaralan” daw sa “probinsya ni Heart Evangelista”.

Iniyabang niya na nagpagawa siya ng eskwelahan dito at nagkaloob ng reading materials.

Ano ang motibo ng kanyang pagyayabang?


----$$$---


TAMA lang ang pagpalag ng ayudante ni Heart na si Resty Rosell sa patutsada ni Vice.

May malisya ang “propaganda” ng komedyante lalo pa’t may tsismis na posibleng kumandidato itong senador.

Maaari ring umaakto siyang “attack dog”.


----$$$--


KUNG nais niyang umagaw ng publisidad at manatiling pinag-uusapan  -- bago mag-eleksyon, huwag siyang sumakay sa personalidad ng ibang tao.

Pinakamahalaga, huwag niyang sakyan ang “sitwasyon” ng isang pobreng public school.


----$$$--


DAPAT unawain ni Vice na may sariling pondo ang public school — at imposibleng siya ang “magpagawa ng gusali” — at kung tumulong man siya — iyan ay kusa niya, pero hindi nakasandal sa kanyang tulong ang “operasyon” ng public school.

Dapat siyang humingi ng paumanhin sa mga guro, opisyal at mga magulang ng mga estudyanteng matagal nang nag-aaruga ng naturang institusyon.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 23, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Kayraming views ang social experiments ng mga vlogger sa internet.

Mararamdaman dito ang tindi ng pagdarahop ng ilang pamilya sa mga liblib na pook sa bansa.

-----$$$--

SA ilang siyudad, mayroon ding social experiment sa pagtulong sa mga may “mental problem” — at nakabagbag ng damdamin ang mga eksena.

Maraming pribadong tao ang nagkukusang sumaklolo sa kapwa Pinoy na pinagkakaitan ng tulong ng gobyerno!

-----$$$--

SA dinami-rami ng post, wala tayong nakikitang “social experiment” ng DSWD na siyang nakatokang sumaklolo — sa mga hopeless persons.

Tila makakapal ang mukha ng mga nangangasiwa sa DSWD — parang wala siyang Diyos!

----$$$--

ANG pinagkakagastusan ng DSWD ay ang “cash incentive” na hindi “transparent” ang transaksyon.

Pinaniniwalaang isinusugal lang, pinampapa-rebond ng buhok ang mga ibinibigay ng DSWD sa mga naghihirap-hirap.

----$$$--

BAKIT hindi nag-uulat nang regular ang gobyerno kung paano ginastos ang badyet sa sinasabing pagtulong sa mga nangangailangan?

Nasaan ang COA, nasaan ang Ombudsman?

Dahil hindi inilalantad ang proseso kung paano ginastos ang “badyet” sa cash incentives —malaki ang tsansa rito na mistulang flood control projects ang posibleng kinahinatnan.

----$$$--

ANG DSWD at LGU ay may hiwalay na programa — sa mga “inilalarawan” na mahihirap — pero itinatago ang proseso.

Kung may ghost projects, posibleng may “ghost beneficiaries or ghost recipient”.

----$$$--

TAMEME ang COA na bantayan ang proseso ng disbursement — at ikakatwiran din ang gasgas nang “kapos sa staff”.

Hanggang walang maayos na audit report at walang “nagbabantay” na independent group sa disbursement ng mga ayuda — mananatiling suspek ang mga opisyal ng pamahalaan.

----$$$--

MARAMING dapat i-audit, partikular ang “records” sa inilalabas na cash incentives sa mga senior citizens.

Paano matutukoy kung ang nag-receive cash ay ang totoong nakapangalan bilang beneficiaries?

 -----$$$--

WALA bang mag-o-audit kung patuloy pang nakakatanggap ng ayuda ang mga matagal nang patay na senior citizen?

Paano ‘yung senior citizen na lumipat na ng ibang lugar pero nasa listahan pa?

-----$$$--

PAANO natin matitiyak kung ‘totoong tao’ o totoong nagtatrabaho ang tumanggap ng “cash” sa TUPAD?

Dapat ay linawin ang proseso rito — at ilantad sa website, FB pages at social media — ang proseso at transaction sa paglalabas ng pondo.

----$$$--

BAKIT hindi tinutulungan ng DSWD ang mga “nagtitiyaga sa kamote, asin at mais” sa mga liblib na pook?Bakit hindi kinukupkop ng DSWD ang mga may “mental problem” na nagkalat sa lansangan?

----$$$--

HINDI lang makakapal ng mukha ng mga mandarambong sa pamahalaan, wala ring silang konsensya.

Wala silang mga kaluluwa!

Maihahanay sila sa mga tinatawag na “mga halang ang bituka”.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 22, 2025



Bistado ni Ka Ambo


May bagong pulutan ang mga “marites”.

Hinahanap si “Yedda”.


Tikom ang bibig ng mga taga-Tingog.


----$$$--


MAY tsismis sa Kamara na nag-Amerika si Rep. Yedda Romualdez.

Wala pang opisyal na pahayag ang kanyang partylist group.


----$$$--


WALANG abiso, walang press release.

Walang paramdam.

Nagpiyesta tuloy ang mga “marites”.


----$$$--


SINASABING basta-basta na lang nag-alsa balutan at nawala.

May official business ba, o personal trip lang? May leave of absence kaya o travel authority mula sa Kamara?


----$$$--


TAMEME lang ang kanyang opisina, pero sa labas, maingay ang bulung-bulungan.

Sabi ng iba, may tampuhan daw sa pamilya. ‘Yung iba naman, baka may iniiwasan.


----$$$---


DAPAT lang natin unawain kung anuman ang kanyang dahilan.

Napapagitna kasi sa sunud-sunod na kontrobersiya ang kanyang partner na si dating House Speaker Martin Romualdez.


-----$$$--


ISINASABIT kasi ang kongresista sa anomalya sa flood control projects.

Idinadawit din sa alegasyon ng kickback at insertions sa budget.


----$$$--


PINAKAHULI, humiling ang dating speaker ng postponement sa ICI hearing dahil daw sa “medical procedure.”

As expected na iyan.


----$$$--


PERO huwag ka, may kumakalat din na tsismis tungkol sa isang “special friend” daw na isang alyas “Aya”.

Isang “social influencer” ang bida na BFF umano ng isang aktres na inili-link naman sa kongresistang “first son”.


-----$$$---


LALONG kinikilig sa tsismis ang mga hitad na nagbabantay sa social media post na makakadagdag pa ng sakit ng ulo ng pamilya Romualdez.

Pero, wala tayo dapat “paki” sa personal na buhay ng mga kongresista, ang isyu kung sakaling mapabayaan na ang responsibilidad sa Kamara dahil sa kaliwa’t kanang intriga at alingasngas.


----$$$--


MAHALAGANG linawin ng opisina ni Rep. Yedda ang tunay na sitwasyon upang makaiwas siya sa walang basehang tsismis.

Totoo bang nag-US ang misis ni Cong. Martin?Official business ba o isang simpleng bakasyon?


----$$$--


KAILANGANG magpakita sa publiko ang ating bida.

Dapat linawin kung kailan siya makakauwi, kung siya man ay nagpapalamig lang ng “ulo” at nag-i-staycation lamang.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page