top of page
Search

ni Justine Daguno - @Life and Style | July 20, 2022



Walang halong chika, totoo ang inflation at damang-dama ito ng lahat — anumang estado sa buhay ay apektado ng pagtaas ng presyo ng mga produkto. Imagine, nag-grocery kami last week and more than x2 ang binayaran namin kumpara sa usual budget.


Pero kahit mag-disagree tayo sa nakakalokang inflation, meron naman tayong magagawa. So, ganito na lang, habang in denial at parang wala pang plano ang pamahalaan kung paano pababain ang inflation, mag-‘tipid tips’ na lang tayo na practiced by yours truly:


1. Planuhin na ang uulamin sa loob ng isang linggo para isang puntahan na lang sa palengke o grocery store. Mas makakamura rin kung bibili ng items na bultuhan o maramihan, may mga store kasi na nagbibigay ng discount kapag wholesale ang binili.


2. I-compare ‘yung Brand X at Brand Y. Halimbawa, sa wheat bread, imbes na Gardenia, NeuBake na lang dahil same manufacturer din naman sila, pero ang diperensya sa presyo ay nasa P10 hanggang P15.


3. ‘Wag marupok, maging loyal sa listahan. Kung ano ang nakalista ay ‘yun lang ang bilhin. Walang “deserve-deserve ko ‘to” pagdating sa budgeting, palubog na mindset ‘yan.


4. Kung gumagamit naman ng liquid hand soap, dishwashing liquid, etc., puwede itong paabutin sa mas matagal na panahon, like isang linggo or more—lagyan lang ng tubig.


5. Para sa mga working o may gala, palaging magbaon ng sariling tubig at snacks tuwing lalabas para makaiwas sa tukso o sa pagbili ng kung anu-ano na akala natin ay mura o sulit, pero kung mapaparami naman ng kain ay napagastos din, wala rin.


6. Maglaan ng isang araw para sa paglalaba. Magastos sa tubig, sabon at oras kung araw-araw tayong maglalaba. Well, para lang ‘yun sa mga pambahay, ha, ibang case naman kung naka-uniform.


7. Patayin ang kahit ano’ng hindi pinapakinabangan. Oops! Hindi kasama ‘yung ibang tao sa bahay, ha? Gamit lang, tulad ng appliances at gripo. Isara at i-unplug natin ‘yan para hindi nagko-consume ng kuryente o hindi nasasayang ang tubig.


8. Kilatising maigi ang “discounted offers” dahil madalas ay budol lang ‘yan. Imbes na nakatipid ng 20% ay na-over budget pa ng 30%. Tandaan, minsan ay marketing strategy ang promo, pero madalas ay scam ito.


9. Kapag kaya namang lakarin ang pupuntahan ay maglakad na lang. Kung may Sweatcoin app, aba’y goods dahil dagdag din ‘yan sa 10-K steps.


10. Malaking tipid din kung matututo tayong mag-compromise. Imbes na gumamit ng standard fan, clip fan na lang. Tandaan, kung bibili ng mga de-saksak na gamit, importanteng alamin kung mababa ang watts, pero napakikinabangan naman. Isa pang pagko-compromise, na sa pagkain naman, gumamit ng alternative sa mga produkto. Imbes na pork na medyo ‘gold’ ang presyo, mag-tokwa o chicharon na lang.


11. Again, bumili ng bultuhan. Pagtiyagaan ang sale na kailangan sa bahay sa Shopee o Lazada at sa mga suki nating supermarket. May pagkakataon kasi na nagbabago-bago ang presyo ng mga ito, like mas mura sa Shopee kumpara sa Lazada o much cheaper sa supermarket dahil madalas ay may ‘buy 1 take 1’ na, may ‘buy 2 get free item pa’. Bago mamili, always check ang prices, kaunting effort lang ‘yan, pagtiyagaan na lang.


12. Isa pang good thing sa mga online shopping app, oks bayaran ang mga bills in split, lalo na kung malaki ang bayarin. Pakinabangan nang husto ang Shopee, Lazada at iba pang apps na makaka-less at magagamit ang discounts o promos nila.

Oh, ha? Sana ay makatulong ang ambag nating chismis today— este tips, tutal palaging naghahanap ng ‘ambag’ sa lipunang ‘to, magbigay tayo ng isang dosenang tips. Chariz!

 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | January 23, 2022




Napakabilis ng panahon, tapos na ang pangatlong linggo ng January!


Bagama’t tapos na nga ang pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon sa mga Pinoy at iba pang lahi, sa susunod na buwan pa lamang magdiriwang ng New Year ang mga Chinese sa buong mundo, kung saan tinatawag din itong Lunar New Year dahil nakabase ang petsa ng selebrasyon sa mga yugto ng buwan.


Ibang lahi man kung iisipin, malapit sa atin ang tradisyon ng mga Chinese, sapagkat malaking porsiyento ng ating populasyon ay Chi-Noy o Chinese-Pinoy ang lahi. Gayundin, kahit walang bahid ng pagka-Chinese ang ilan, marami sa ating mga kababayan ang sumusunod sa kanilang mga pamahiin sa paniniwalang tunay ang suwerte.


Kasabay ng pagdiriwang ng Lunar New Year, narito ang ilan sa mga diumano’y pampasuwerte at pag-iwas sa malas sa buong taon:


  1. PAGPAPAGUPIT NG BUHOK. Marami ang naniniwala na dapat new year, new hair. Pero bago pumunta sa mga salon, wait muna. Sa kasabihan kasi ng mga Chinese, oks magpagupit ng buhok sa bisperas ng Chinese New Year bilang simbolo ng paghiwalay sa patapos na taon. Pero take note, huwag na huwag sa araw mismo ng Lunar New Year dahil pinaniniwalaan namang mapuputol ang pagpasok ng magandang kapalaran sa bagong taon.

  2. PAGSA-SHAMPOO. Iwasan din ang pagsa-shampoo ng buhok sa mismong araw ng Lunar New Year dahil para sa mga Chinese, pampawala ito ng suwerte. Kumbaga, puwedeng maligo, pero ‘wag magbabad at tamang banlaw lang ng tubig ang gawin. Isa pang rason kung bakit may ganito silang tradisyon ay dahil pang-iwas din umano ito sa mga sakit, kung saan kapag nagkasakit sa Chinese New Year, mamalasin na raw nang buong taon.

  3. PAGLILINIS NG BAHAY. Kailangang maglinis ng bahay sa bisperas nang matanggal ang lahat ng malas na dumating noong nakaraang taon. Dapat mag-focus sa paglilinis dahil kailangang matapos ang paglilinis bago maghating-gabi at hindi ito dapat abutan ng pagpasok ng Lunar New Year. Ipinagbabawal ang anumang uri ng paglilinis sa unang araw ng bagong taon — mula sa pagwawalis ng kalat, pagpupunas o pagpapagpag ng alikabok hanggang sa pagtatapon ng basura sapagkat katumbas ito ng pag-aalis o pagsasayang ng buwenas.

  4. PAGHAHANDA NG SIOMAI. Hindi lang masarap o paborito ng marami sa atin ang siomai at iba pang uri ng dumplings, dahil para sa mga Chinese ay pampasuwerte ang mga ito. Ang Chinese word para sa dumplings ay “jiao zi”, tulad ito sa ancient word na ang ibig sabihin ay pagpapalit ng bago sa luma. Tulad din ang tradisyunal na dumplings sa hugis ng ginto na ginagamit na pera noong sinaunang panahon sa China. Kaya ang isang platong dumplings ay maihahalintulad sa isang tumpok na ginto. In short, tila pagma-manifest ng kaperahan ang ibig sabihin ng dumplings kapag naghanda o kumain ng dumplings sa Lunar New Year.

5. PAGHAHANDA NG TIKOY. Kapag sinabing Chinese New Year, aminin nating isa ang tikoy sa mga bagay na pumapasok sa ating isipan. Ito ay dahil nakasanayan na ang pagreregalo at paghahain nito bilang simbolo ng mahigpit na pagsasama ng pamilya, magkakaibigan at magkakatrabaho. Anila’y dumidikit o sa pamamagitan nito’y dirikit ang suwerte sa atin dahil sa malagkit na pagkaing ito.

6. PAG-IWAS SA MATALIM NA BAGAY. Sa mismong araw ng Lunar New Year, makabubuting iwasan ang paggamit ng matatalim na bagay, tulad ng gunting, kutsilyo at karayom. Sa paniniwala pa ng mga Chinese, kung may baby sa bahay, maaari umanong maging kasing liit ng butas ng karayom ang mga mata ng baby kapag gumamit ang mommy nito ng karayom sa anumang gawain. Samantala, kapag kutsilyo at gunting naman ang kanyang ginamit, mapuputol daw ang yaman ng pamilya.

Ilan lamang ang ating mga nabanggit sa napakahabang listahan ng pamahiin ng mga Chinese. Bagama’t walang scientific explanation, hindi maitatangging marami sa atin ang naniniwala sa mga ito – Chinese man o hindi. Para sa mga Pinoy, walang mawawala kung maniniwala dahil kung titingnan nga naman ang status ng buhay ng mga Chinese, mayaman o asensado sila.


Pero tandaan, totoo man o ideya lang ang “suwerte”, kailangan pa rin nating magbanat ng buto dahil kailanma’y wala sa “sabi-sabi”, kundi sa pagsisikap at tiyaga nakukuha ang tunay na ginhawa sa buhay. Ganern!


 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | January 17, 2022




Lipat dito, lipat doon.


Pabagu-bago ng trabaho dahil sa iba’t ibang dahilan. Mayroong tinanggal dahil may nakaaway o may kasalanan, meron din namang hindi nakuntento, nagsawa o sumuko na.


Pero ‘ika nga, hangga’t may kumpanyang tumatanggap o nangangailangan ng tao, apply lang nang apply!


Pero sa kabilang banda, kung may mga taong hindi nagtatagal sa trabaho, mayroon din namang mga empleyado na halos iginugol na ang buhay sa kumpanya. Sila ‘yung mga nabibigyan ng oportunidad na magtagal sa industriya.


Tunay na masuwerte ‘yung mga inaabot ng tatlo hanggang limang taon, lalo na ‘yung mga inaabot ng dekada. May sikreto nga ba sila? Well, narito ang ilan sa mga katangiang dapat taglay ng empleyado upang magtagal sa trabaho:


1. MAPAGKAKATIWALAAN. Bagama’t gasgas na ang linyahang, “Honesty is the best policy”, truly na mahalaga ang tiwala sa lahat ng pagkakataon. Kung walang tiwala sa ‘yo ang employer mo, kahit pa ano’ng pagmamalaki ang iyong gawin, mamimili ka pa rin sa dalawa: mapapalayas ka o ikaw ang lalayas sa kanila dahil ipararamdam nila sa ‘yo na wala silang tiwala sa kakayahan mo at pandagdag ka lang sa bilang ng mga empleyado.


2. MERONG INITIATIVE. Walang may gusto sa taong walang initiative o pagkukusa, aminin natin o hindi, nakakaumay ang mga taong kailangan pang sabihan ng mga dapat nitong gawin. ‘Ika nga, hindi eskuwelahan ang professional field, bagama’t may matututunan, kailangan ay may kaalaman na bago pa sumabak sa laban. ‘Ika nga, kung gusto mo umabot ng dekada, magbida-bida ka!


3. MAY PRINSIPYO. Bulok ang mga taong walang prinsipyo sa buhay. Sila ‘yung mga taong umaasa o naniniwala lang sa sinasabi ng iba. Walang sariling disposisyon at mahilig lang magpatangay sa kung ano ang nar’yan sa harap niya. Tandaan, prinsipyo ang madalas na basehan kung may kakayahan ba sa hinaharap o wala ang empleyado na magtagal sa kumpanya.


4. MAPAPAKINABANGAN. Aminin man natin o hindi, lahat naman ay oportunista, lalo na ang mga negosyante, kaya hindi nila pinatatagal ang mga bagay hindi nila napakikinabangan. Kumbaga, kapag wala namang kuwenta, dapat hindi na pinatatagal o idini-dispose na. Kaya kung gusto mong magtagal sa kung nasaan ka man ngayon, siguraduhing may function ka sa kumpanya.


Madalas na payo ng matatanda sa kabataan na sulitin ang pag-aaral at ‘wag magmadali dahil kapag nakapagtapos na sila’y habambuhay na ang pagkayod o pagtatrabaho. Truly naman, kaya kung pipiliin mong maging empleyado, dapat tanggap mo ang katotohanang malaking porsiyento ng buhay mo ang mapupunta sa pagtatrabaho. At dahil d’yan, siguraduhing pipili ka ng kumpanya na ramdam mong para sa ‘yo nang sa gayun ay magtatagal ka. Gets mo?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page