top of page
Search

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 25, 2020


ree


Gaano kayo kadalas na walang ginagawa? ‘Yung tipong, nakaupo lang sa sofa o nakahilata lang sa higaan at nakatingin sa kawalan, nagmuni-muni, basta walang ‘physical activity’?


Panigurado, para sa iba ay ‘katamaran’ ang termino sa ganitong senaryo.

Ngayong quarantine period, marami sa atin ang kahit nasa bahay lamang ay may kani-kanyang ganap o abala pa rin sa buhay. Merong nagwo-work-from-home, nag-o-online class, nag-aaral ng mga bagong skills at iba pa. Pero para sa iba na wala sa nabanggit, ‘wag kang mag-alala at ma-guilty, ‘ika nga nila, “Ano’ng magagawa mo, eh, wala kang magawa?”


Well, alam n’yo ba na ang ‘pause’ sa gawain o pansamantalang pagtigil sa paggawa ng mga bagay-bagay o ‘doing nothing’ ay merong magandang benepisyo sa atin?

  1. MAKAPAG-IISIP NANG MAAYOS. Ayon sa pag-aaral mula sa University of Virginia, ang pagmumuni-muni o hindi paggawa ng anumang physical activity ay magandang paraan upang maipahinga, hindi lamang ang katawan kundi maging ang isipan. Mare-relax ang utak, at mas makapag-iisip tayo nang maayos dahil wala masyadong pressure o dapat patunayan.

  2. MAS NAGIGING COMPASSIONATE. Tinalakay sa pag-aaral ng HSE Laboratory of Positive Psychology, na kapag ang tao ay madalas walang ginagawa, hindi man ito physically productive ay sobrang produktibo naman ng kanilang isipan. Isa rin sa mga naidudulot nito ay ang pagiging compassionate sa kapwa. Ito ay dahil mas lumalawak ang kanilang pang-unawa o pag-intindi sa mga bagay-bagay.

  3. TOTOONG NAKAKAPAGPAHINGA. Sa resulta ng survey ng British Journal of Psychology, mula sa 18,000 participants, humigit-kumulang 15,000 sa mga ito ang aminadong ang “spending time on my own” o ‘doing nothing’ ang kanilang pangunahing paraan upang tunay na makapagpahinga o makapag-recharge sa tila hindi matapus-tapos na struggle sa buhay.

  4. MAS NAGIGING CREATIVE. Ayon sa research mula University of Buffalo, lumalabas na ang indibidwal na gumugugol ng oras nang mag-iisa at walang ginagawa ay mas mahusay na nai-express ang kanilang sarili sa creative na paraan.

  5. OKS SA PAG-SOLVE NG PROBLEMA. Kapag walang ginagawa ang tao, mas nakapag-iisip ito at mas madaling makapagso-solve ng problema. Hindi siya distracted, kumpara sa iba na hindi malaman ang uunahin o gagawin dahil sa dami ng mga ginagawa o pinagkakaabalahan.

  6. NAKAPAGRE-REBOOT ANG UTAK. Kasabay ng bawat pagkilos ang paggana ng utak, kapag may ginagawa tayong anumang bagay ay palagi itong kasama, kaya naman ang pansamantalang ‘pause sa mga gawain’ ay malaking bagay upang makapag-refresh ang isipan.

May pinagkakaabalahan man tayo o wala, tandaan na hindi ito basehan ng ating pagkatao. Okay lang kung maraming ginagawa o busy-busy-han sa life, pero wala ring problema kung mas gusto mo magmuni-muni. Lahat tayo ay may kani-kanyang paraan upang ‘wag maging harsh sa ating sarili, kaya ‘wag ma-guilty kung iba ang paraan mo sa iba. Okay?

 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 19, 2020


ree


Lahat tayo ay apektado ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic—mula sa malaki hanggang maliit na negosyo, gayundin ang mga simpleng empleyado.


Bawat isa ay may kani-kanyang bayarin o pinagkakagastusan kaya’t kung minsan, kahit pa halos doble-kayod na ay kulang na kulang pa rin.


Sa mga ganitong pagkakataon ay sobrang mahalaga na maging maparaan tayo.


At isa sa mga diskarte na maaari nating gawin upang maging oks ang ating pinansiyal na aspeto ay ang pagsisimula ng mga negosyo.


Narito ang ilan sa mga ‘patok na negosyo’ na puwede nating gawin kahit may pandemic:

1. MEDICAL SUPPLIES. Puwedeng magbenta o mag-resell ng mga alcohol, sanitizers, gloves, PPEs etc.. Sa panahon ngayon na may kinahaharap na krisis sa kalusugan ang bansa, ang medical supplies ay isa sa mga bagay na kailangan ng lahat.

2. GROCERY ITEMS. Sobrang oks din ngayon ang nagkaroon ng sari-sari store o ‘yung kahit simpleng tindahan lamang na makapagbebenta ng mga de-lata, noodles, sabon, shampoo, toothpaste at iba pang pangunahing produkto na bagama’t maliit lamang ang puhunan ay siguradong may kita naman.

3. PAGKAIN. Sa anumang ganap, pagkain pa rin ang pinaka-patok na negosyo sa lahat dahil bihira lamang ang tumatanggi sa ganitong produkto. Kung may talent o skills ka sa pagluluto ng anumang putahe o pagbe-bake ng cake o pastries, pakinabangan mo ito para makapagsimula ng negosyo.

4. HALAMAN. Dumarami ngayon ang nahihilig sa paghahalaman o ‘yung tinatawag na ‘plantito’ at ‘plantita’. Marahil, bukod sa ‘therapeutic’ naman talaga ay mas marami rin tayong time para sa iba’t ibang kapaki-pakinabang na gawain. Kapag oks ang mga halaman mo, puwede mo itong ibenta sa iba o puwede rin namang mag-resell nito—mula sa paso, sprout hanggang sa halaman mismo.

5. DELIVERY SERVICES. Dahil hindi lahat ay ‘puwedeng lumabas’, patok ngayon ang mga delivery services. Kung meron naman kayong sasakyan, maaari rin itong gamitin para mag-deliver ng mga items. Puwede rin mangontrata o sumali sa mga groups.

Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging madiskarte, wala namang masama sa pagnenegosyo lalo na kung wala naman tayong lalabaging anuman sa batas. Kaya naman, kung may naisip na kayo ay simulan na ito, ‘wag lang puro plano. Gets mo?

 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 12, 2020


ree


Habang quarantine ngayon, maraming time ang bawat isa para sa kani-kanilang social media. Karamihan sa atin, ito ang ginagamit para sa trabaho o negosyo, para maka-bonding ang mga kaibigan, iba pang mahal sa buhay o kakilala, o para manatiling update sa iba’t ibang ganap.


Pero ang sobrang pagbabad online ay hindi rin maganda, lalo na kung ang mga tao sa ating feed ay hindi karapat-dapat o nagdudulot lamang ng stress sa atin. Kaya naman, bilang solusyon ay dapat natin silang iwasan. Well, sinu-sino nga ba ang mga dapat nating i-delete o ‘tanggalin’ na sa ating social media?

1. TAO SA ‘PAST’ NA HINDI MO NAMAN KA-CLOSE. Friends ba kayo sa FB ng classmate mo noong high school o elementary, pero hindi talaga kayo nagpapansinan sa personal? Kung sa palagay mo, halos isang dekada na kayong hindi nag-uusap, walang problema kung ‘mawala’ na siya sa friend list mo. Malamang, hindi rin niya mapapansin kung i-unfriend mo siya. Hindi lahat ng ganap ng ibang tao ay dapat nating malaman. Bukod sa wala namang ‘substance’ sa kanila ay ganundin sa atin.

2. ‘ALWAYS RIGHT’ NA MGA TAO. Sila ‘yung mga kaibigan o kakilala, at madalas, miyembro ng pamilya na ang buhay ay umiikot lamang sa mga ‘ideya’ na pinili nilang paniwalaan. Hindi nila kayang tumanggap ng pananaw ng iba. Kapag nag-open ng discussion sa kanila, madalas itong nauuwi sa maiinit na argumento kasi ayaw nilang tanggapin o kilalanin man lang ang opinyon ng iba. Kung nakikita mo sila sa iyong feed at hindi ka komportable, i-delete mo na.

3. SUKI NG UNVERIFIED INFORMATION O FAKE NEWS. Minsan, sa sobrang pagka-‘woke’ ng iba, wala na silang pakialam kung maling impormasyon man ang kanilang naikakalat sa kapwa. Meron din namang share lang nang share, kahit hindi naman ito napatunayan ng mga eksperto o kinauukulan. ‘Yung tipong naniniwala agad, kahit out of the context naman. Well, ang mga taong suki ng fake news ay mga taong hindi mo kailangan sa iyong buhay.

4. MGA TAONG MAHILIG SA ARGUMENTO. Masuwerte ‘yung mga taong kaya pang problemahin ‘yung mga bagay-bagay sa kabila ng mga personal nilang problema. Oks lang makipagpalitan ng kuro-kuro, pero madalas ay toxic din. ‘Yung tipong hindi mo sure kung pinatutunayan ba niyang ‘smart kid’ siya o may dugong troll lang. ‘Pag ganyan nang ganyan, nakaka-stress kaya ekis na ‘yan.

5. NANGTI-TRIGGER NG ANXIETY. Sa panahon ngayon, walang problema sa pagpili sa sarili kaysa sa iba. Walang masama sa pagbibigay ng space sa ‘yo at sa ibang tao, lalo na kung hindi na nga healthy, malakas pa maka-trigger ng anxiety.

Sa totoo lang, hindi basehan ang social media para manghusga tayo ng kapwa. Kani-kanyang trip naman talaga pagdating sa platforms na ito. Pero siyempre, hindi naman ‘yun tungkol sa pangingialam natin sa mga naiisip o gusto nilang gawin kundi tungkol sa impact ng mga ito sa atin. Hindi tino-tolerate ang mga ‘toxic people’, kundi nilulubayan para na rin sa sarili nating kapakanan. Okay?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page