top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| July 11, 2022



Sa isang relasyon, dapat ay give and take. Kumbaga, dapat may ambag ang bawat isa, saanmang aspeto ng buhay n’yo ‘yan.


Pero paano naman kung “in a relationship” ka nga, ngunit tila ikaw na lang ang bumubuhat sa relasyon n’yo? ‘Yun bang, ikaw ang palaging nag-e-effort at nag-i-initiate ng mga bagay to keep the romance alive? Naku, besh, sign na ‘yan na nag-iisa ka sa relasyon na dapat ay “partner” kayo.


Gayunman, narito ang iba pang signs na nasa one-sided relationship ka:


1. NAGKA-CANCEL NG PLANO. Kapag napapadalas na ang pagka-cancel niya sa inyong mga plano, posibleng hindi siya invested sa inyong relasyon. Gayundin, ‘pag iba ang priorities niya at mas gusto niyang ibang tao ang kanyang kasama, patunay lamang ito na hindi ka niya pinahahalagahan.


2. WALANG ORAS SA ‘YO. Mas malala pa ito sa pagka-cancel ng plano. ‘Pag pakiramdam ng partner mo na hindi ka masyadong mahalaga sa kanyang buhay, asahan mo na kaunti ang oras niya sa ‘yo or worse, tuluyan ka na niyang dedmahin. Gayunman, ipinaliwanag ng mga eksperto na kailangan nating maging independent at some point, pero kailangang magtagpo o mag-fit pa rin kayo ng partner mo sa ibang aspeto ng buhay. Para mag-work ang isang relasyon, kailangang may quality time ang mag-partner. At kung willing kang maglaan ng oras para sa kanya pero hindi niya kayang gawin ‘yun sa ‘yo, alam na, besh.


3. NADE-DRAIN KA SA KANYA. Alam nating healthy ang isang relasyon ‘pag support system ng mag-partner ang isa’t isa, pero ‘pag nasa puntong handa kang damayan siya pero hindi siya ganu’n ‘pag ikaw ang nangangailangan ng suporta, problema ‘yan. Gayundin, ‘pag paulit-ulit itong nangyayari, mas madali kang made-drain at obvious na hindi na balanse ang relasyon n’yo.


4. ‘DI MO KAYANG MAGING HONEST. Ayon sa mga eksperto, kailangan mong ipakita ang totoo mong sarili sa iyong karelasyon. Ito ay dahil ‘pag nilimitahan mo ang iyong sarili sa “version” na magugustuhan ng partner mo, nangangahulugan ‘yan na masyado kang naglalaan ng effort para ma-please siya.


Gayundin, ‘pag pakiramdam mo ay makakaapekto sa inyong relasyon ang pagse-share o pag-o-open mo ng iyong feelings, for sure na magiging emotionally drained ka. Marahil, hindi niya kayang mag-handle ng mga ganu’ng sitwasyon, kaya naman, hindi niya naibibigay ang tamang response.


5. SIYA ANG NASUSUNOD. Sa lahat ng bagay, mapa-restoran, TV shows o schedule ng lakad, siya ang nasusunod at hindi mahalaga ang opinyon o mga gusto mo. Tandaan, sa isang healthy relationship, ang preferences ng bawat isa ay pinapahalagahan at iginagalang. Gayunman, sa one-sided relationship, isang tao lamang ang nasusunod sa lahat ng pagkakataon at ‘di niya kayang magsakripisyo para sa iyo, habang ikaw naman ay palaging nagko-compromise para masabing may “common ground” kayo.


6. NAGIGING IRITABLE KA NA. Yes, besh! Kapag patuloy na nadededma ang iyong mga wants at needs, pero todo-bigay ka pa rin sa kanya, hindi na naiiwasan ang resentment. At ‘pag patuloy mo itong nararamdaman at lumalala pa, make sure na aalamin mo ang rason kung bakit, gayundin, aaksiyunan mo ito.


7. IKAW LANG ANG NAG-I-INITIATE. Halimbawa, nagkikita o nagba-bonding lamang kayo ‘pag ikaw ang nagplano at hindi na ito nauulit kung hindi ka magpa-plano ulit. Gayundin, ikaw lamang ang nagri-reach out at hindi siya. Isa pang halimbawa, ikaw ang unang nagte-text o tumatawag, gayundin, palagi kang may regalo sa kanya, pero hindi niya ‘yun nagagawa sa ‘yo. Kumbaga, nagpapatuloy na lamang ang relasyon dahil sa ‘yo. Ouch!


8. IKAW LANG ANG NAGSO-SORRY. Kapag may pinag-awayan kayo, minsan o never siyang nag-take responsibility at humingi ng tawad. Madalas, ikaw ang nagpapatalo o nagso-sorry kahit wala kang kasalanan. Gayunman, ayon sa mga eksperto, ang pag-ako ng responsibilidad at paghigi ng tawad ay may malaking factor sa isang relasyon, ngunit kung isa lamang ang gumagawa nito, red flag ‘yan. Posibleng nahihiya siyang aminin ang kanyang pagkakamali at iiwas na humingi ng tawad o iga-gaslight ka niya hanggang maitanim sa isip mo na ikaw ang may mali.


Bestie, kung naitataguyod mo ang one-sided relationship n’yo, maniwala ka, hindi rin ‘yan sustainable. In short, hindi ‘yan magtatagal.


Kaya naman, bantayan mong mabuti ang mga signs at tingnan kung maglalaan siya ng oras at effort sa inyong relasyon, ngunit kung hindi, isip-isip ka na, bes.


Gaya ng nabanggit sa itaas, give and take sa isang relasyon, at kailangang pareho kayong nagbe-benefit dito. Gets mo?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| July 4, 2022



Nagtataka ka na ba dahil kahit todo-kayod ka ay walang natitira sa sahod mo?


Bago ang lahat, i-evaluate muna natin ang lifestyle mo — ikaw ba ‘yung tipong pagkasahod ay ala-Mathematician sa kakakompyut kung paano ito pagkakasyahin sa mga panggastos at bills o ikaw ay YOLO, kumbaga, dedma sa mga gastusin, basta may panggastos sa luho, pang-gimik o panlibre sa mga tropa?


Well, sabi nga, walang masama kung gagastusan ang mga luho kahit paminsan-minsan dahil deserve rin naman natin ito, lalo na kung talagang pinaghirapan natin. Pero sabi rin, lahat ng sobra ay masama, kaya naman, alamin natin ang mga senyales na maluho ka:


1. WALANG NATITIRA SA SAHOD. Hindi na tumatagal sa palad mo ang iyong sahod at madalas, ‘di mo pa nababayaran ang lahat ng bills at iba pang utang. Ang ending, patong-patong na ang mga utang at bayarin, short ka pa sa panggastos. Aray!


2. MAHILIG MAGPASOSYAL. ‘Yan tayo, eh! ‘Yung tipong, nagdadalawang-isip ka pagdating sa mga needs mo, pero pagdating sa mga gamit o luho, bumibili ka agad kahit imported o mamahalin para masabing sosyal ka at may ma-flex sa social media.


3. MAHILIG SA GIMIK KAHIT GIPIT. Kahit petsa de peligro, may nanganganib kang bayarin at nakatenggang utang, go ka pa rin sa gimik at ‘di mo kayang tumanggi ‘pag nagsimula nang magkayayaan ang barkada.


4. LAGING KUMAKAIN SA MAMAHALING RESTORAN. Sa totoo lang, ‘di mo afford kumain nang madalas sa mamahaling resto, pero alang-alang sa “content” o pang-post mo sa iyong socmed account, gora ka pa rin.


5. LAGING MAY TRAVEL. Halos every week ay may gala o travel ka, pero wala kang emergency fund. Mas gusto mong maglabas ng pera para mamasyal at ‘di para magtabi sa bangko para sa extra funds. Kumbaga, pasyal over ipon. Ganern!


6. BONGGA SA BAWAT OKASYON. ‘Yung hindi ka magpapakabog at kahit ano’ng okasyon ay gusto mong i-celebrate. At hindi lang basta celebration ang bet mo, kailangang bongga ang mga handa at lahat ng kapitbahay ay makakatikim ng handa. Besh, walang masama sa pagse-celebrate, pero isipin mo rin kung paano ang mga gastusin sa mga susunod na araw kung lahat ng pera ay ibubuhos mo sa isang okasyon. ‘Wag kang “party now, gutom later”.


7. LAGING NANLILIBRE. Masaya naman talagang manlibre sa mga kaibigan o pamilya natin, pero bago ang lahat, keri ba talaga ng budget o nagpapasikat ka lang para matawag na “financier ng barkada”? Naku bes, hinay-hinay lang, aware ka ba sa mga disadvantages ‘pag naging financier ka?


8. WALA SA PLANO ANG PAG-IIPON. Hindi rason ‘yung maliit na sahod kaya wala kang ipon. Bestie, kung nasa plano mo ang iyong future, kahit gaano kaliit ang sahod mo, kung disiplinado ka, tiyak na may maiipon ka.


Ngayong alam mo na ang mga senyales, taglay mo ba ang mga ito?


Kung oo, it’s time para baguhin ang ugali at lifestyle na ‘yan. Kahit gaano pa kalaki ang sahod mo, kung hindi mo kontrolado ang iyong paggastos at naniniwala kang babalik din naman ang mga perang inilabas mo, malamang na tatanda kang walang ipon.


Hindi masamang gumastos, pero dapat ay alam mong pasok ito sa budget at ‘di maaapektuhan ang mga pangangailangan mo.


Gets mo?


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| June 27, 2022



“Adik sa kape”. Pamilyar ba kayo sa term na ‘yan?


Well, knows n’yo ba na hindi naman talaga nakaka-adik ang kape, bagkus, nagiging sanhi ito ng dependency?

Bagama’t ‘di natin itinuturing na “drug” ang caffeine, sey ng experts, kung tutuusin ay puwede itong ituring na ‘droga’ dahil ito ay stimulant na nakakaapekto sa ating central nervous system.


Ang totoo nga, isa ito sa mga “most commonly used drug in the world” at nasa 90% ng adults sa North America ang kumokonsumo ng caffeine araw-araw.


Gayunman, ayon sa mga eksperto, 400mg ng caffeine o katumbas ng apat na tasa ng kape ang pinaka-safe na makonsumo kada araw. Ngunit kung labis pa rito ang kinokonsumo mo o kaya naman, pakiramdam mo ay hindi ka makapag-function kung walang caffeine, beshie, posibleng may “caffeine dependence” ka na, pero bilang paglilinaw, hindi ka “addict”. Okie?


Samantala, anu-ano ang mga dapat malaman tungkol sa caffeine dependence at paano magbabawas ng kinokonsumong caffeine?


Sey ng experts, mali ang paggamit ng term na “caffeine addiction”, at bagama’t maaari umanong magresulta sa physical dependence ang caffeine use, hindi ito maaaring mauwi sa addiction.


Para mas malinaw, ang pangunahing senyales ng caffeine dependency ay hindi ka makapag-function nang walang caffeine. Dagdag pa rito, ‘pag walang “caffeine fix”, possible umanong magkaroon ng withdrawal symptoms pagtapos ng 12 oras mula sa huling caffeine intake. Narito ang ilan pang sintomas:

  • Headache o pananakit ng ulo

  • Fatigue o pagkapagod

  • Irritability o pagkairita

  • Brain fog o hindi makapag-isip nang maayos at hirap magpokus

  • Nausea o pagkahilo


Samantala, beshie, kung napagdesisyunan mo nang magbawas ng caffeine intake, narito ang ilang paraan para sa’yo:


1. CAFFEINE DIARY. Kung ikaw ay kumokonsumo ng maraming caffeine, makakatulong kung irerekord mo kung gaano talaga karami ang iyong nako-consume kada araw. Paliwanag ng mga eksperto, nakakatulong ito upang ma-track ang eskaktong dami ng caffeine intake, gayundin, upang mas maunawaan mo kung bakit ka naghahanap nito.

Sa isang pag-aaral noong 2016, ang mga excessive caffeine drinkers o ang mga kumokonsumo nang 600mg of caffeine kada araw ay nakapagbawas ng consumption sa tulong ng caffeine diary at counseling.


2. DECREASE CAFFEINE GRADUALLY. Upang maiwasan ang withdrawal symptoms, inirerekomenda ang unti-unting pagbawas ng caffeine intake. Halimbawa, magbawas ng isang cup kada isa o ilang araw. Bagama’t hindi natin tinatanggal ang posibilidad na makaranas ka ng withdrawal symptoms, hindi naman ito magiging malala.


3. HUMANAP NG ALTERNATIBO. Inirerekomenda rin ang ilang inumin na may mas mababang caffeine content. Halimbawa, black o green tea, dahil mas kaunti ang caffeine content ng mga ito kung ikukumpara sa kape o energy drinks.


4. MATULOG. Ayon sa mga eksperto, hindi kape ang panlaban sa mababang energy kundi sapat na tulog. Dahil dito, inirerekomenda ang quality sleep sa halip na nap o idlip lamang, gayundin ang pagkakaroon ng consistent bed time para ma-recharge ang energy at maiwasan ang sobrang pagkonsumo ng caffeine kinabukasan.


5. STAY HYDRATED. Ang pagkonsumo ng sapat na dami ng tubig ay nakatutulong upang “matunaw” ang caffeine sa katawan, gayundin upang ma-detoxify ng kidney ang caffeine.


Baka akala natin, “goods” o normal pa ang madalas na paghahanap natin ng kape o caffeine, pero hindi na pala. And worst case scenario ay maging sanhi pa ito ng ibang sakit.


Kaya paalala sa lahat, hindi naman natin sinasabing tuluyang tanggalin ang caffeine sa inyong buhay. Bagkus, ipinaaalala lang natin na ang lahat ng sobra ay nakakasama.


Kung sa tingin mo ay nagiging caffeine dependent ka, hinay-hinay muna at itsek ang iyong mga nararamdaman. At para mas sure, kumonsulta sa doktor dahil alam nila ang mga dapat gawin.


Okie?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page