top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 1, 2021




Marami ang nagulat at nagtaka kung paano napapayag si Daniel Padilla na tanggapin ang role sa Kun Maupay Man It Panahon (Whether the Weather is Fine) na isa sa mga pelikulang lalahok sa 74th Locarno Film Festival na gaganapin sa Switzerland mula sa Agosto 4 hanggang 14.


Hindi kasi ang reel and real-life partner ni Daniel na si Kathryn Bernardo ang leading lady niya sa pelikula kundi ang baguhang si Rans Rifol, bagama't kasama rin naman nila ang magaling at respetadong aktres na si Ms. Charo Santos.


Sa ginanap na send-off presscon ng FDCP (Film Development Council of the Phils.) last Friday para sa mga Filipino delegates na magko-compete sa Locarno Filmfest, natanong si Rans kung sa tingin ba niya ay susuportahan ng KathNiel fans ang pelikula nila ni DJ gayung hindi nga si Kathryn ang kasama ng aktor sa movie.


Pag-amin ni Rans, natutuwa siya dahil sa social media, ang dami naman daw nagpahayag ng suporta sa movie nila ni DJ at sinabing excited na nga raw silang panoorin ang pelikula kahit wala sa cast si Kathryn.


Well, good kung ganu'n! Eh, kasi 'di ba, nu'ng si Kathryn ang gumawa ng movie with Alden Richards titled Hello, Love, Goodbye, may mga nagbanta pang ibo-boycott ang movie dahil hindi si Daniel ang partner ng aktres.


Anyway, happy si Rans at puring-puri sina Daniel at Ma'm Charo dahil napakagaan daw katrabaho ng mga ito at very supportive and down-to-earth.


Samantala, ang Kun Maupay Man It Panahon na idinirek ni Carlo Francisco Manatad ay kalahok sa Concorso Cineasti del Presente (Filmmakers of the Present Competition) section ng 74th Locarno Filmfest.


Ilan pa sa mga pelikulang lalahok sa iba't ibang category sa Locarno Filmfest ang documentary na Aswang ni Alyx Ayn Arumpac, ang short films na Excuse Me, Miss, Miss, Miss ni Sonny Calvento at Next Picture ni Cris Bringas, at Sam ni Direk E Del Mundo.

Lalahok naman ang producer na si Stelle Laguda sa Open Doors Lab, isang producer-centric training program na may anim na araw para sa walong filmmakers upang mahasa ang kanilang kakayahan at kamalayan sa international marketplace.


Para sa karagdagang impormasyon sa Locarno Film Festival 2021 at sa mga kalahok na pelikula at proyekto, bisitahin ang kanilang opisyal na website sa www.locarnofestival.ch.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 28, 2021



Marami ang natuwa sa kulitan ni Ivana Alawi at ng kanyang ina at mga kapatid sa kanyang latest vlog na Mermaid for a Day.


May pasabog kasing pa-mermaid costume ang sexy YouTuber na nag-ala-Dyesebel.


Ani Ivana, fan daw talaga siya noon pa man ng mga pelikula at teleserye tungkol sa mga sirena tulad ng Marina at Dyesebel, kaya happy siya na nagkaroon ng katuparan ang kanyang dream na lumabas bilang mermaid kahit man lang sa kanyang vlog.


Puna naman ng iba, ang green mermaid tail daw nito na may purplish top ay inspired sa character ni Ariel sa Disney animation film na The Little Mermaid.


Kuwento pa ng sexy actress, bet din daw niyang maging international model. Kaya naman, nang mapili siyang calendar girl ng Tanduay, sobra ang kanyang naging excitement.


“Malaking karangalan para sa akin na ako ang napili nilang calendar girl. Proud ako na i-represent ang isang brand na hindi lang Pinoy-made kundi kilala sa buong mundo,” ani Ivana.


Sa loob ng apat na taon, ang Tanduay ay itinanghal na World’s No. 1 Rum, ayon sa Drinks International Magazine, kaya naman doble ang naging kasiyahan ni Ivana.


“It’s a celebration for us, Pinoys. Pruweba lang na kapag gawang Pinoy, kaya nating makipagsabayan saanmang panig ng mundo. Malaki man ang pressure sa akin ngayon because I am representing the brand, masasabi kong swak at world-class ang produkto na kahit sa adult followers ko ay puwede kong irekomenda,” paliwanag niya.


Sa kabila ng pandemya, maituturing ding ‘lucky charm’ ng Tanduay ang social media influencer dahil nahigitan nito ang target nito noong 2020.


“Tibay ng loob, tibay Tanduay, sabi nga nila,” sey ni Ivana.


“Sa panahong ito, masasabi kong masuwerte dahil pinagkatiwalaan nila ako ng kanilang brand na mataas ang standard sa kanilang calendar girls. Ang wish ko lang ay makapag-ambag pa ako para sa success ng mga produkto,” pahabol niya.


Dagdag pa ni Ivana, nagbukas din daw ng ibang oportunidad sa kanya ang pagiging Tanduay calendar girl.


“Ang daming nangyari mula nang maging calendar girl ako. Now, I am looking forward na magkaroon ng international collaborations since Tanduay is a global brand na hindi naman imposibleng mangyari,” bulalas niya.


Bilang Tanduay girl, may mensahe rin siya sa kanyang mga followers.


“Pinadapa man tayo ng pandemya, kaya naman nating bumangon kung magtutulungan tayo.


Anumang pagsubok, kaya nating lagpasan, kung magpapakatatag lang tayo at magtiwala sa Diyos,” pagtatapos pa ni Ivana.


'Yun, oh!

 
 

MADLANG PIPOL KAY JINKEE: AMBISYOSA!


ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 25, 2021




Ewan kung makakatulong sa nababalitang pagtakbo diumano ni Sen. Manny Pacquiao sa pagka-pangulo sa 2022 elections ang pagiging totoo ng kanyang misis na si Jinkee Pacquiao at pagbibitaw ng pahayag na hindi naman masamang mangarap na maging First Lady siya ng 'Pinas.


Lumabas ang diumano'y pahayag na ito ni Jinkee matapos mainterbyu sa isang broadsheet ang kaibigan ng mga Pacquiao na si Tita Annabelle Rama, na nagtanong daw minsan kay Jinkee kung handa na ba siyang maging First Lady ng bansa.


Ang naging sagot diumano ni Mrs. Pacquiao kay Tita Annabelle ay: "Tita naman, sana magdilang-anghel ka. Siyempre, 'di naman masamang mangarap, pero wala pa sa ulo ko 'yan."


Kahit sabihin pa ni Jinkee na hindi pa ngayon 'yang pangarap niyang maging First Lady, marami pa rin sa mga kababayan natin ang naalarma at nag-react dahil mukhang totoo ngang tatakbo nang pangulo si boxing champ Manny Pacquiao sa upcoming elections.


At eto na nga, full support naman pala si Jinkee sa pagtakbo ng kanyang mister at tulad nga ng sinabi niya, malinaw na inaambisyon din niyang maging First Lady.


'Yan ay kung saka-sakaling pagkakatiwalaan ng ating mga kababayan si Sen. Manny Pacquiao para maupo bilang pangulo ng Pilipinas.


Pero dahil nga sa paglabas ng pahayag na 'yan ni Jinkee, umani siya ng samu't saring reaksiyon mula sa madlang pipol, na karamihan ay nagsasabing "ambisyosa" at "ilusyunada" ang misis ni Sen. Manny Pacquiao.


Ano naman daw kaya ang gagawin ni Jinkee sakaling maging First Lady siya, ang mag-exhibit lagi ng kanyang mga milyones na branded bags, dress and shoes?


Hamon pa ng iba, ibenta ni Jinkee ang kanyang mga luxury collection nang makatulong sa mahihirap at baka sa ganu'ng paraan, pagkatiwalaan pa ang kanyang mister sa layuning patakbuhin ang Pilipinas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page