ni Eli San Miguel @Overseas News | Oct. 26, 2024
Photo: Unconfirmed image, Tehran explosion site sa Iran - The Times of Israel / Circulated
Inatake ng Israel ang mga pasilidad ng militar sa Iran ngayong Sabado ng madaling-araw bilang tugon umano sa mga kamakailang pag-atake ng Tehran sa Israel. Ilang oras ang lumipas, inihayag ng militar ng Israel na natupad na ang kanilang mga layunin.
Iniulat ng media ng Iran ang sunud-sunod na pagsabog sa loob ng ilang oras sa kabisera at sa mga kalapit na base militar, na nagsimula bandang 2 a.m. (2230 GMT noong Biyernes).
Bago magbukang-liwayway, sinabi ng pampublikong brodkaster ng Israel na natapos na ang tatlong bugso ng pag-atake at tapos na ang operasyon.
Sinabi ng Iran na matagumpay na na-counter ng kanilang air defense system ang mga pag-atake ng Israel sa mga military target sa mga lalawigan ng Tehran, Khuzestan, at Ilam, na nagdulot lamang ng "limitadong pinsala" sa ilang lugar.