top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 26, 2021




Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang Professional Regulation Commission (PRC) na makapagsagawa ng licensure examinations sa Mayo at Hunyo, ayon sa Malacañang ngayong Biyernes.


Ipinagpaliban ng PRC noong nakaraang taon ang licensure examinations na nakaiskedyul mula Oktubre hanggang Disyembre upang maiwasan ang mass gatherings dahil sa COVID-19.


Pinayagan naman ng IATF na ituloy ng PRC ang pagsasagawa ng licensure examinations noong Enero hanggang Marso.


Pahayag ni Presidential Spokesperon Harry Roque, "Inaprubahan din po ng IATF ang request ng Professional Regulation Commission na magsagawa ng licensure examinations for professionals sa Mayo at Hunyo ngayong taon habang istriktong ipinatutupad ang health protocols ng Department of Health.”


Samantala, ayon din kay Roque, ang mga mag-e-exam mula sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ay hindi hinihikayat na bumiyahe sa modified GCQ areas para makakuha ng PCR test.


Ilan sa mga nakaiskedyul na PRC exams ngayong Mayo at Hunyo ay para sa civil engineers, dentists, nurses, physical therapists, criminologists, architects, at interior designers.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 26, 2021




Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na magbukas ang simbahang katoliko sa Semana Santa simula ika-1 ng Abril hanggang sa ika-4, kung saan 10% capacity lamang ang puwedeng makapasok sa loob, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong umaga, Marso 26.


Aniya, “This is good news for those who want to hear mass during the Holy Week. Nag-request po ang CBCP at nakinig po ang IATF.”


Nilinaw pa ni Roque na ang mga pupunta sa simbahan ay dapat magparehistro muna.


Dagdag pa niya, ipagbabawal na rin ang audio visual feed sa labas ng simbahan upang maiwasan ang pagtitipon ng mga hindi makakapasok sa loob.


Nauna namang sinabi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi nila itataboy ang mga nais pumasok sa simbahan lalo na ngayong Semana Santa.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 19, 2021




Muling ipinagbawal ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang operasyon ng ilang establisimyento sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) sa loob nang 2 linggo dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19, ayon sa Malacañang.


Simula ngayong araw, March 19 hanggang April 4, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, suspendido ang operasyon ng mga sumusunod: Driving schools; Traditional cinemas; Videos and interactive game arcades; Libraries; Archives; Museums and cultural events; Limited social events; at Limited tourist attractions, except open-air tourist attractions


Samantala, ang pagsasagawa ng mga pagpupulong, conferences at exhibitions sa mga “essential gatherings” at maging ang mga religious gatherings ay nililimitahan lamang sa 30% capacity ng venue sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.


Limitado rin sa 50% capacity ang mga dine-in restaurants, cafes, at personal care services. Nilinaw naman ni Roque na maaaring itaas ng lokal na pamahalaan hanggang sa 50% capacity ang mga religious gatherings batay sa kondisyon ng kanilang nasasakupang lugar.


Pahayag ni Roque, “Binibigyang discretion din ang mga lokal na pamahalaan na taasan ang venue capacity na hindi lalagpas ng 50 percent base sa mga kondisyon sa kanilang lugar.


“Hinihikayat ang mga ahensiya ng pambansang pamahalaan na ipagpaliban muna ang mga non-critical activities kung saan magkakaroon ng mga pagpupulung-pulong o mass gatherings.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page