top of page
Search

ni Melba Llanera @Insider | Jan. 25, 2025






Taliwas ang mga pahayag nina Nina at Nyoy Volante sa tanong kung natuldukan at maayos na ba ang samahan nila pagkatapos ng hiwalayan nila noong 2007. 


Hindi naging maganda ang breakup ng dalawa na may kaugnayan sa usaping pera. In fact, nauwi pa nga ito sa demandahan noong 2009. 


Sa huli ay iniurong din ni Nina ang demanda laban sa ex-boyfriend kung saan nagkaroon sila ng agreed compromise. 


Sa mga nakaraang interbyu kay Nina, nabanggit nito na ayaw na niyang makasama uli sa isang trabaho si Nyoy.  


Sa nakaraang interview namin kay Nyoy sa presscon ng Love: Sessionistas The Pre-Valentine Concert na magaganap sa darating na Pebrero 8 sa The Theater ng Solaire Resort and Casino, natanong ang singer kung baka siya ang dahilan kaya hindi sumama si Nina sa reunion concert ng Sessionistas. 


Paliwanag naman ni Nyoy, dapat ay kasama ang ex-girlfriend. Pero dahil mga singers sila na ang repertoire ay love songs, mabiling-mabili sila kapag ganitong panahon kung saan may Valentine concert din si Nina ng Pebrero 7, ang Love Matters (LM) na gaganapin naman sa New Frontier Theater. 


Ayon pa kay Nyoy, nagbabatian sila ni Nina ‘pag nagkikita at wala nang dapat pag-usapan pa dahil matagal na itong isyu. 


Tinanong din namin kung bukas ba siyang makasama sa isang show o concert si Nina, at agad naman kaming sinagot ni Nyoy na walang problema sa kanya pero dahil may kani-kanya silang career, mas maganda na i-explore kung sino pa ang puwede niyang makatrabaho.  


Sa panayam naman kay Nina sa Showbiz Update (SU) nina Kuya Ogie Diaz, Mama Loi, at Ate Mrena, tahasang sinabi ng singer na hindi pa sila okey ni Nyoy at hindi pa siya bukas na makatrabaho ang isang tao na hindi man pangalanan ay alam na kung sino ang pinatutungkulan niya. 


Ayon pa kay Nina, napatawad na niya ito pero bilang bahagi na ng nakaraan niya, ayaw na niyang maging parte pa ng buhay niya ang ex-BF. 


Tinanong din ang Soul Siren kung ano ang ginagawa niya ‘pag nagkikita sila. Ani Nina,

nag-iiwasan sila. 


Inaalam din ng manager niya kung sino ang makakasama niya sa isang show at depende sa manager niya kung sino ang gusto nitong makasama niya.  


Sa ngayon ay maligaya na si Nyoy sa piling ng kanyang asawa na si Mikkee Bradshaw, samantalang si Nina naman ay masaya na rin sa asawa niyang businessman na si Enrico Enriquez at may isa na silang anak na babae. 


Dahil sa magkaibang pahayag nina Nyoy at Nina, tama bang isipin na hindi pa rin pala sila okay talaga? 



SA ganda at husay ng pagkakagawa at sa full-house cast ng Incognito mula kina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Kaila Estrada, Anthony Jennings, Baron Geisler at Daniel Padilla, hindi kataka-taka na bukod sa mataas na ratings ng serye ay No. 1 show ito sa Netflix pagkatapos ng premiere nito noong Enero 17. 


Punumpuno ng aksiyon ang Incognito. Bilang isang private military company na lumalaban sa mga kriminal, kahanga-hanga ang mga hindi birong stunts na ipinapakita ng bawat cast.  


Sa panayam nga namin sa direktor ng Incognito na si Direk Lester Pimentel-Ong, bilib na bilib siya sa professionalism at pagiging game ng buong cast sa training na ginawa nila para sa mga delikadong stunts. 


Puring-puri rin ng Incognito director ang lahat dahil sa taping nila sa ibang bansa ay walang primadonna. Dito ay makikita mo na tumutulong magbuhat ang ilang cast ng mga gamit sa taping at walang feeling superstar sa mga ito.  


Nakakatuwa lang na kahit walang franchise ay patuloy ang Kapamilya Network sa paggawa ng mga de-kalidad na serye na talagang tinututukan ng mga manonood.  


 
 

ni Melba Llanera @Insider | Jan. 20, 2025






“If may maayos na mga bagay, mangyayari at mangyayari ‘yun in God’s perfect time,” ito ang naging pahayag sa amin ni Kean Cipriano nang tanungin namin siya sa nakaraang Love: Sessionistas The Pre-Valentine Concert na magaganap sa darating na February 8 sa The Theater ng Solaire Casino and Resort Hotel, kung may tsansa pa ba silang magkaayos ng mga dating kasama sa bandang Callalily. 


Si Kean ang dating lead vocalist ng grupo at umalis siya sa grupo nu’ng 2022, kung saan hindi naging maganda ang paghihiwalay nila ng grupo na ngayon ay tinatawag nang Lily. 


Naniniwala rin si Kean na panahon na lang ang makakapagsabi, lalo’t hindi ito puwedeng pilitin kung hindi pa talaga oras.


Mas mabuting ayusin muna ng mga dating kabanda niya ang mga isyu nila sa sarili dahil kung mangyayari ito sa ngayon ay ‘di rin sila magkakaintindihan. 


Ayon kay Kean ay gusto niyang mag-usap sila pero sarado ang mga ito at naging sumbungan ang social media na lalong nagpagulo sa sitwasyon. Tinanggap na lang daw niya ang lahat, nag-move on siya sa kanyang buhay, nagpokus sa kanyang career, lalo’t maikli lang ang buhay.


Sa ngayon ay wala ring nangyayari na pinagbabawalan siya ng Lily na kantahin ang mga kanta nila at vice-versa. 


Paliwanag sa amin ni Kean sa sandaling nailabas na ang isang kanta, kahit na sino ay maaaring kantahin na ito. 


Para rin sa singer, hindi lang isang tao ang puwedeng magmay-ari nito dahil joint effort ito ng isang banda kung saan pinagsama-sama ang talento ng bawat isa.


Well, kung hindi man naging maganda ang relasyon niya sa mga dating kagrupo ay taliwas naman ito sa naging relasyon ni Kean sa mga kasamahan sa grupong Sessionistas. 


Patunay nga nito ay magkakaroon sila ng reunion concert na may titulong Love Sessionistas: The Pre-Valentine Concert kasama sina Ice Seguerra, Sitti, Princess Velasco, Duncan Ramos, Juris, at Nyoy Volante.


Excited na siya sa nalalapit na concert. Palaging inspirado si Kean na makasama ang grupo dahil naniniwala siya na ang grupo nila ay binubuo ng ilan sa pinakamagagaling at pinakamahuhusay sa larangan ng OPM. 


Nang tanungin namin kung ano sa palagay niya ang rason kung bakit nananatiling buo ang grupo, ayon kay Kean ay walang lugar ang kompetisyon at sapawan sa grupo nila at may mataas silang respeto sa bawat isa.



NAKAKALUNGKOT isipin na umurong sa kandidatura niya sa Senado si Manong Chavit Singson. Isyu sa kanyang kalusugan ang rason na ibinigay sa hindi pagkakatuloy ng kandidatura, dahil labas-masok nga sa ospital nitong mga nakaraang araw ang pulitiko sanhi ng pneumonia. 


Sa edad niyang 83, naisip nito na mas magandang magpokus na muna siya sa pagbuti ng kanyang kalusugan.


Hindi man natuloy ang pagtakbo, panalo naman si Manong Chavit sa puso ng maraming mga Pilipino. Hiling lang sana ng marami ay matuloy ang e-jeepney na naipangako ni Manong Chavit sa mga jeepney drivers, kung saan ibibigay niya ito sa mas mababang halaga.


Dasal namin ay ang mabilising paglakas ni Manong Chavit at maipagpatuloy niya sana ang pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng inilunsad niyang V-Bank.

 
 

ni Melba Llanera @Insider | Jan. 10, 2025






Nagpalipas ng gabi sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarter si Rufa Mae Quinto dahil hindi natapos ang proseso ng pagpipiyansa niya sa kasong 14 counts of violation ng Section 8 ng Securities Regulation Code. 


Napagsarhan sila ng business hours ng NBI, kaya hindi natapos ang pagpipiyansa niya. 

Ito ay may kinalaman sa kasong isinampa rin noong nakaraang taon sa aktres na si Neri Naig, kung saan nag-file ng reklamo ang ilang investors ng beauty clinic na Dermacare na pag-aari ni Chanda Atienza. 


Umabot sa P1.7 milyon ang halaga ng piyansa ni Rufa Mae para sa 14 counts kung saan P126,000 thousand ang halaga ng bawat kaso.


Pinaninindigan ng sexy comedienne na katulad ng iba ay biktima lang din siya at ayon sa abogado ng aktres na si Atty. Mary Louise Reyes ay may utang pa ang beauty clinic dahil hindi pa nababayaran si Rufa Mae sa pag-eendorso nito.


Ang kahanga-hanga lang kay Rufa Mae ay boluntaryo itong sumuko, kung saan nu’ng dumating ito ng bansa nu’ng January 8 mula sa Amerika ay sinalubong na sa airport ng NBI officers dahil nakipag-ugnayan na rin ang abogado niya sa tanggapan.


Sa nangyaring ito kina Rufa Mae at Neri, aral at babala na ito sa mga celebrities natin na mag-ingat at mag-background check na rin sa mga ieendorso nilang produkto para makaiwas na rin sila sa ganitong senaryo, lalo’t hindi biro ang masampahan ng kaso.



Napili ng Ahon Mahirap Partylist first nominee na si Wilbert Tolentino ang mga Malabonians para pagkalooban ng e-trikes at bigas. 


Kasama ang mayor ng Malabon na si Mayor Jeannie Sandoval at mga kapitan na nasasakupan nito nang mamahagi siya ng kanyang mga donasyon.  


Sa interbyu namin kay Wilbert ay ikinuwento nito na ang Malabon ang isa sa mga unang yumakap sa Ahon Mahirap, kung saan marami sa mga taga-Malabon ay miyembro ng organisasyon. 


Dahil dito, itinuturing na niya ang bayan na pangalawang tahanan niya. Ang naturang bayan din ang isa sa mga pinagkalooban ng Ahon Mahirap ng tulong noong tumama ang malalakas na bagyo sa bansa tulad ng Kristine at Carina.  


Kinumpirma rin sa amin ni Wilbert na si Herlene Budol ang mukha ng Ahon Mahirap, kung saan isa sa magandang ehemplo ang Kapuso actress ng taong nagmula sa hirap, nagsikap, umahon, at ngayon ay nararating na ang mga pangarap sa buhay tulad ng maging beauty queen at artista. 


Hindi man siya ang manager nito sa ngayon, ay hindi napuputol ang magandang samahan nilang dalawa. 


Natanong nga namin si Wilbert kung ano ang payo niya kay Hipon Girl nang masangkot sa kontrobersiya ng hiwalayang Rob Gomez at Shaila Rebortera. 


Ayon kay Wilbert, ipinakita sa kanya ng dating alaga ang palitan ng mga mensahe nito kay Rob, at masasabi niya na nadagdagan at nabawasan ng iba ang convo ng dalawa at pinalabas na may relasyon na namamagitan sa mga ito. 


Ang payo niya kay Herlene ay gumawa ng official statement para klaruhin ang balita, lalo’t wala itong kasalanan.  


Sa Ahon Mahirap Partylist first nominee rin namin nalaman na pagkalipas ng dalawang taon, anuman ang maging kapalaran niya sa public service ay muli siyang sasabak sa pageantry. 


Siniguro sa amin ni Wilbert na hindi niya gagawin ang mangurakot na siyang sakit ng karamihan sa mga pumalaot sa pulitika. Hindi pala siya kumukuha ng komisyon sa mga naging alaga tulad nina Herlene at Madame Inutz, at in fact, siya pa raw ang naglalabas ng pera para tumulong sa mga ito at sa iba pang nangangailangan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page