top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | June 20, 2024



File photo

“Ay, wala na s’ya, wala na ‘yun, oo,” ang pahayag ni Kim Chiu sa nakaraang launching niya bilang endorser ng consumer finance at buy now pay later app na BillEase, nang kumustahin namin sa kanya si Atty. Oliver Moeller, ang EXpecially For You searchee na ngayon ay pumalaot na rin sa mundo ng showbiz at parte na ng Cornerstone Entertainment. 


Marami ang kinilig at inakala ng iba na mauuwi sa ligawan ang pagtatagpo ng dalawa sa segment ng It’s Showtime at sinundan pa ng pagdalaw muli nito sa naturang noontime show, kung saan ay inamin ni Atty. Oliver na may mga dinalaw siyang kaibigan. 


Sa interview din ng TV Patrol ay inamin nito na crush niya si Kim, pero nang tanungin ito kung nanliligaw ba siya sa Kapamilya actress ay hanging ang naging sagot ni Atty. Oliver na sa tingin niya ay hindi tama na sagutin niya ito nang walang permiso na galing kay Kim. 


Marami ang kinilig at nagsabing bagay talaga sina Kim at Atty. Oliver, kaya’t tiyak na marami rin ang madidismaya sa pagkumpirma ngayon ng aktres na mukhang walang kinapuntahan ang pagpapareha sa kanila.


Nang kumustahin naman namin ang nababalitang espesyal na relasyon nila ng kapareha niyang si Paulo Avelino, inamin ni Kim na marami silang pinagsasamahan ngayon ng aktor at natutuwa siya na marami ang nagmamahal at tumatangkilik sa tambalang KimPau sa mga shows na Linlang at What’s Wrong with Secretary Kim


Kuwento nga sa amin ni Kim ay natatawa at nagkukuwento na raw sa kanya sa ngayon si Paulo — na kilalang tahimik at malihim sa ibang tao — sa tagal na rin nilang magkatrabaho. 


‘Di lang namin alam kung purely work ba o may relasyon na namamagitan sa dalawa dahil nang tanungin kung lumalabas ba silang dalawa sa personal na level, sumagot si Kim na hindi, dahil abala siya.


‘Di na rin nabigyan ng pagkakataon si Kim na matanong tungkol sa naging pahayag ng ex-boyfriend niyang si Xian Lim na ‘di siya ang nag-initiate ng breakup kundi ang aktres, pero sa nakikita namin ngayon sa Chinita Princess ay mukhang nasa moving on process na ito at tanggap na ang kinauwian ng relasyon nila. 


Nakatulong nang malaki ang magandang itinatakbo ng kanyang career at sa tingin namin ay magiging maingat at mas matalino na ito sa susunod na pakikipagrelasyon lalo’t dalawang beses na siyang nabigo sa pag-ibig at nasaktan.



Sa presscon ng Season 2 ng Si Manoy ang Ninong Ko, nakausap namin si Gelli de Belen, isa sa mga hosts ng show at natanong namin kung nagbukas ba ng saloobin niya at nanghingi ng payo sa kanya ang kaibigan na si Carmina Villaroel, dahil sa kabi-kabilang pamba-bash na natanggap nito dahil sa breakup ng anak na si Mavy Legaspi kay Kyline Alcantara at naudlot na espesyal na relasyon nina Cassy Legaspi at Darren Espanto. 


Balik-tanong sa amin ni Gelli ay bakit si Carmina ang binash gayung hindi naman ito ang nakipag-break? 


Ayaw mang magsalita sa isyu dahil alam niya na magagalit sa kanya si Carmina ay makahulugan ang isinagot ni Gelli na ang ina ay ina, ‘wag itong kuwestiyunin ng kahit na sino lalo’t iba ang pagmamahal ng ina sa kanyang mga anak.


Kinumusta rin namin kay Gelli ang mga anak nila ni Ariel, na ngayon ay nasa Canada para tapusin ang pag-aaral. 


Ayon sa actress-TV host ay maayos ang buhay ng mga anak nila roon. Nauna nang umalis ang asawang si Ariel Rivera pa-Canada for series of shows. Dadalawin din nito ang mga anak nila at susunod sa kanila si Gelli.


Sa ngayon ay hindi muna tumatanggap ng mga serye si Gelli at pokus muna sa taping ng Si Manoy ang Ninong Ko kung saan iba't ibang panig ng bansa ang pinupuntahan nila para pakinggan at solusyunan ang problema o hinaing ng mga kababayan natin. 


Dito rin nakita ng TV host-actress kung gaano kahirap ang buhay ng mga Pilipino, kung saan para sa kanya ay malaki ang tulong na nagagawa ng Si Manoy ang Ninong Ko


Aminado nu’ng una na may takot na masabihan na ikinakampanya niya ang co-host na si Rep. Wilbert Lee ng Agri Partylist, sa kalaunan ay naisip ni Gelli na wala na siyang pakialam sa iisipin ng mga tao dahil ang mahalaga ay nakakatulong siya sa mga nangangailangan nating kababayan. 


Puring-puri naman ni Gelli si Rep. Wilbert Lee na nu’ng una ay inakala niyang seryosong tao, pero sa pagtagal ng pagsasama nila ay napansin niya ang pagiging kalog nito at masarap kausap.


Nasimulan nang mapanood ang Season 2 ng Si Manoy ang Ninong Ko nu’ng nakaraang Linggo sa GMA-7 sa ganap na alas-siyete ng umaga. Malapit sa puso ni Gelli ang show kahit hindi man niya pasukin ang pulitika. 

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | June 15, 2024



File photo

Dedma si Dominic Roque sa naging pahayag ni Bea Alonzo na hindi siya ang nakipag-break sa ex-boyfriend gaya ng naging espekulasyon ng maraming tao. Marami kasi ang nag-isip na ang Kapuso actress ang tumapos sa apat na taon nilang relasyon lalo’t nabalita nang maraming beses na gumagawa ng paraan si Dom para ayusin ang relasyon nilang dalawa. 


Lumabas pa nga noon na naghihintay sa sasakyan si Dom sa labas ng bahay nina Bea para sa pagdating nito. 


Naisulat din namin noon sa column namin dito sa BULGAR kung paano pinanindigan ng aktor si Bea sa kabila ng pag-amin ng lola nito na may agam-agam siya sa aktres kung paano ito bubuo ng pamilya, gayung ang priority nito ay ang kanyang career.


Sa mga Instagram posts din ni Dominic ay tila natanggap na rin nito ang kinahantungan ng relasyon nila ni Bea, kung saan ine-enjoy nito ang oras kasama ang mga kaibigan at pamilya. 


Sa parte naman ni Bea ay pokus ito sa kanyang pamilya at sa kanyang career. Inamin nito na nasa moving on stage pa lang siya at masakit sa kanya ang pinagdaanan niyang breakup.


Hindi pa rin klaro kung ano ba talaga ang cause ng breakup ng dalawa, kung totoo ba ang sinasabing nagpa-background check ang aktres sa buhay ng ex-boyfriend at kung anu-ano pang mga isyu. Kung magkaayos man o hindi sina Bea at Dom sa hinaharap at makahanap na ng kani-kanyang pag-ibig, tanging panahon na lang ang makakapagsabi lalo’t wala sa kanila ang may hawak kung ano ang mangyayari sa darating na panahon.



ISA lang si Congw. Lani Mercado sa 109 kongresist na nag-no sa House Bill 9349 (An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage) or Divorce Bill. May 131 kongresista namang bumoto para ipasa ang bill, habang 20 ang nag-abstain.


Paliwanag ng actress-politician, naniniwala siya na panghabambuhay ang kasal at isinasabuhay naman ito ni Lani kung ang pagbabasehan ay kung paano nito ipinaglaban ang matibay at buong pamilya nila ng asawang si Sen. Bong Revilla.


Sa panayam nga namin noon kay Sen. Bong, inamin nito na bilib siya sa pagmamahal at tatag ng asawa dahil sa kabila ng anumang pagsubok at mga isyu na kanyang pinagdaanan ay ‘di ito bumitaw sa kanya. 


Ayon pa nga kay Sen. Bong ay ‘di madaling maging asawa ang katulad niya at sinasaluduhan niya ang kakaibang tapang ni Lani at kung mahina-hinang klase ng babae ang napangasawa niya, malamang ay sumuko na. 


Biro nga sa amin noon ng actor/politician, hindi lang medalya ang ipagkakaloob niya sa asawa, kung hindi korona rin.


‘Di rin naman itinago ni Lani sa mga interviews niya na ‘di biru-birong luha at sakripisyo ang ibinigay niya manatili lang na buo ang kanilang pagsasama. 


Nagtagumpay naman si Lani dahil sa binitawang salita sa amin ni Sen. Bong na hinding-hindi niya iiwan ang asawa at pipiliin pa rin ito para makasama habambuhay.



PINIPILAHAN sa takilya ang mga foreign movies gaya ng Inside Out 2 at How To Make Millions Before Grandma Dies pero taliwas ito sa mga pelikulang Pilipino, na mula nu’ng nakaraang Metro Manila Film Festival 2023 ay hindi na pinilahan at kumita. 


Nakakalungkot na makita na walang nanonood at ilang araw pa lang ay pinu-pullout na sa mga sinehan ang mga Filipino films. 


Ang nakakabahala rito ay baka matakot na namang mag-produce ang mga local film producers at madalang pa sa patak ng ulan ang mga pelikulang ipalabas.


Ang nakakapagtaka lang ay kumikita ang mga foreign movies gayung ang mga Filipino films ay nilalangaw sa takilya. Nangangahulugan lang ito na kahit mahal ang tiket sa sinehan gaya ng inirereklamo ng karamihan ay papanoorin pa rin ito basta nagustuhan nila o nabalitaang maganda.


Isa kami sa mga humihiling na sana ay manumbalik ang sigla ng mga pelikulang Filipino dahil nangangahulugan ito ng trabaho sa mga taga-film industry at naniniwala kami na marami naman tayong magaganda at de-kalidad na mga pelikula pero hindi lang nabibigyan ng chance para mapanood at pag-usapan lalo’t napakalaking tulong ang word of mouth sa mga manonood.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | June 13, 2024



File photo

“Nakakatawa,” ang maigsing pahayag ni Marian Rivera nang tanungin namin sa nakaraang launching niya bilang endorser ng Center for Advanced Dentistry kung ano ang reaksiyon niya sa mga isyu na ipinupukol sa pagsasama nila ng asawang si Dingdong Dantes. 


Kamakailan kasi ay na-link si Dingdong sa dating young star na si Lindsay de Vera at nabalita pa ngang may anak diumano ang dalawa. 


Idinenay naman ng Kapuso actor ang isyu at sinabing wala itong katotohanan lalo’t mahal niya ang asawa at mga anak. 


Hiningan din namin ng payo si Marian para sa isang matatag at matibay na pagsasama ng mag-asawa lalo’t magsa-sampung taon na silang kasal ni Dingdong at maikokonsidera na isa ang relasyon nila sa mga nananatiling matatag at matibay sa kabila ng ilang intriga at pagsubok na rin ang kanilang pinagdaanan.


Ayon kay Marian, wala siya sa posisyon kaya mahirap magbigay ng advice, pero isa lang ang sigurado niya, kailangang transparent ang mag-asawa sa isa’t isa at dito ay mananaig ang pagbibigay at pagtitiwala. 


Mawawalang saysay din daw ang lahat sa isang pagsasama kung ‘di magiging sentro ang Diyos.


Kabi-kabila rin ang mga awards na natatanggap ni Marian mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa tagumpay ng Rewind. Labis naman ang pasasalamat niya sa mga taong sumuporta at nanood ng pelikula. 


Katatapos lang gawin ni Marian ang Cinemalaya entry na Balota. Masaya at excited siya sa pinagbidahang indie film dahil dito niya nagawa ang lahat ng first time na hindi niya nagawa sa mga mainstream movies niya. 


Wala raw siyang makeup dito, iba ang mga linyahan na malayo sa mga dialogues niya sa mga nagawang pelikula at hindi siya nagpa-double sa mga action scenes kaya nagkasugat-sugat siya. 


At dahil sa magandang experience niya sa paggawa ng Balota, bukas siya uling gumawa ng pelikula sa Cinemalaya.



Aminado si Patrick Garcia na malaki ang nagbago sa kanya mula nang bumuo siya ng pamilya at maging ama. 


May anak si Patrick kay Jennylyn Mercado, si Jazz Alex, at may apat na silang anak ng asawang si Nikka Martinez. 


Ani Patrick, nabago ang pananaw niya mula nang maging ama. Mas pinagbubutihan daw niya ngayon ang pagtatrabaho para maging magaling na provider at maibigay ang best sa mga anak. 


Bukod sa showbiz, may business din si Patrick, ang Fine Gentleman na pagawaan ng mga suits, at isang barber shop. 


Samantala, ilang araw na nag-No. 1 sa Netflix ang pelikulang A Journey na pinagbidahan nina Patrick, Kaye Abad at Paolo Contis. Ikinagulat at ikinatuwa ni Patrick ang mainit na pagtanggap ng mga manonood sa kanilang movie. Masaya rin siya na nakatrabaho ang dating mga kasama sa Tabing Ilog na naging mga kaibigan na rin niya. 


Sa ngayon, naghihintay sa isang pelikula si Patrick na hindi niya alam kung mapapanood sa filmfest o Netflix.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page