top of page
Search

ni Melba Llanera @Insider | Jan. 9, 2025






Ngayong extended ang 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) hanggang January 14, mas malaki ang tsansa na makabawi ang mga producers sa laki ng production cost na nagastos nila sa mga official entries sa taunang film festival. 


Nangunguna pa rin ang And The Breadwinner Is (ATBI) na pinagbibidahan ni Vice Ganda. 


Nang makapanayam namin ang TV host sa nakaraang Gabi ng Parangal noong December 27, ayaw pang i-claim ito ni Vice dahil hindi pa naglalabas ang MMFF ng official gross. Pero nakarating sa kanya na puno ang mga sinehan at sold-out ang mga screenings. 


Inamin naman niya na hiniling niyang mag-No. 1 sila, pero hindi inasahan dahil hindi niya puwedeng iutos sa mga manonood kung sino ang gustong panoorin ng mga ito. 


Ayon kay Vice, hiniling niya ito para mapanood ng mga tao ang sama-sama nilang effort para makapagpalabas ng isang magandang pelikula.  


Maikokonsidera namin na ito ang pinakamagandang pelikula na nagawa ni Vice dahil bukod sa maganda ang istorya at may kurot sa puso, mahuhusay ang mga gumanap dito — mula kina Vice, Malou de Guzman, Gladys Reyes, Jhong Hilario, Maris Racal at marami pang iba.  


Kaya ayaw panoorin…

TOPAKK, HOLD ME CLOSE AT MY FUTURE YOU, MAS MAHAL NG P200 ANG TIKET KESA SA MMFF MOVIE NINA VICE, ATBP.



HANGGANG ngayon nga ay usap-usapan pa rin ang hindi pagkaka-nominate nina Aga Muhlach at Direk Dan Villegas ng Uninvited, maging nina Direk Jun Lana at Eugene Domingo para sa pelikulang And The Breadwinner Is (ATBI) sa mga kategoryang dapat sila na-nominate. 


Kinlaro na rin naman ni MMFF Chairman Romando S. Artes na wala silang kinalaman sa naging resulta ng mga nanalo o sa linya ng mga nominado dahil sakop ito ng jury ng MMFF at wala silang kontrol ditoa noong nanood kami sa ilang sinehan, nakalagay ang mga pelikulang Topakk, Hold Me Close (HMC) at My Future You (MFY) sa Director’s Club, kung saan ang halaga ng ticket ay nasa P590 kumpara sa regular theaters na P390 lang na pinagpapalabasan ng ibang MMFF entries. 


Hindi biru-biro ang dagdag na P200 para makapanood ka ng isang pelikula, kaya’t hindi kataka-taka kung mas pilahan ang mas murang ticket kahit pa gustong panoorin ng iba ang mga pelikulang nasa Director’s Club. 


Nawa’y magawan ito ng paraan ni MMFF Chair Artes, lalo’t sa panayam namin sa kanya ay nabanggit niya na may kontrol sila kung ano’ng mga pelikula ang dadagdagan at babawasan. 


Hiling namin ay mabigyan sana ito ng karampatang aksiyon nang makabawi-bawi naman ang ibang MMFF entries.  



BAGO pa man ang Gabi ng Parangal ng 50th Metro Manila Film Festival (MMFF), nainterbyu na namin si Ms. Vilma Santos thru Messenger. 


Tinanong namin ang Star for All Seasons kung may pressure ba sa kanya na mahuhusay ang mga aktres na kalaban niya sa Best Actress category tulad nina Lorna Tolentino, Aicelle Santos, Julia Montes, at Judy Ann Santos, na siya ngang nag-uwi ng award nu’ng gabing iyon. 


Para sa Star for All Seasons, kapag may ginagawa siyang role sa ngayon ay hindi niya iniisip kung panlaban ito o hindi dahil ang pokus niya ay makapasok sa karakter na ginagampanan at maibigay kung ano ang hinihingi ng role. 


Sa dami na ng awards at pagkilala na naipagkaloob kay Ate Vi, hindi na big deal sa kanya kung manalo o matalo. 


Alam namin na sobra niyang naa-appreciate sa tuwing nananalo siya, pero alam din naman niya na kung ‘di papalarin na manalo ay hindi na ito para indahin o ikasama ng loob niya.  


Kilala rin si Ate Vi na humble, mabait at marunong magpahalaga sa mga nagmamahal sa kanya. 


Nu’ng Linggo ay dinalaw ni Ate Vi ang puntod ng namayapang Ed de Leon sa Mother Theresa Columbary sa La Loma. Si Tito Ed ang isa sa pinakamalalapit na reporters sa Star for All Seasons. Alam namin na masaya ngayon si Tito Ed dahil nadalaw na siya ng kanyang idolo at pinakamahal na artista sa buong industriya.  

 
 

ni Melba Llanera @Insider | Dec. 9, 2024






Umamin si Enchong Dee na tulad ng iba ay dumaan din siya sa mental health problem dala ng mga pangamba sa buhay. Labis ang pasasalamat niya sa kanyang pamilya, mga kaibigan at sa kanyang management kaya't nalagpasan niya ito. 


Ayon pa kay Enchong, malaking bagay talaga ang suporta na nanggagaling sa kanyang support system at pagrespeto na ibinigay ng mga ito sa kanya kapag kailangan niya ng oras para sa sarili.  Nakapanayam namin ang Kapamilya actor sa nakaraang presscon ng Topakk at sinabi sa amin ni Enchong na napakahalaga rin ng pangungumusta sa mga mahal natin sa buhay, na madalas hindi natin alam na may mabigat na palang pinagdaraanan.


Parte ng pelikulang Topakk kasama sina Cong. Arjo Atayde at Julia Montes sa ilalim ng Nathan Studios at idinirehe ni Direk Richard Somes, nagpapasalamat din si Enchong na kasama siya sa naturang 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na kauna-unahang action film pala ng Kapamilya actor. 


Tinanong namin kung ano ang mga paghahanda niya para magampanan ang role bilang sundalo, at ayon kay Enchong, mind-setting ang ginawa niya at kung ano ang ipagawa sa kanya ay ginawa na lang niya. 


Naging hamon din ito kay Enchong para ipakita kung nasaang pahina na siya ngayon bilang isang versatile actor na kahit anong role ang ibigay sa kanya ay gagampanan niya nang buong puso.


Nanalo bilang Best Supporting Actor sa 2023 MMFF para sa pelikulang Gomburza, para kay Enchong ay ipinapasa-Diyos na lang niya ang lahat gaya nu’ng nakaraang taon kung papalarin ba na kilalanin ang husay na ipinakita niya sa Topakk. Pero ang tatlong awards na nakuha niya nu’ng nakaraang taon ay isang napakalaking blessing na para sa kanya. 


Bahagi rin siya ng upcoming Korean adaptation series ng ABS-CBN, ang It's Okay Not To Be Okay (IONTBO), kung saan makakasama niya sina Anne Curtis at Joshua Garcia. Masaya si Enchong na makakatrabaho niya rito ang aktres sa kauna-unahang pagkakataon at ito rin ang proyekto na magkakaeksena sila nang mahahaba ni Joshua. 


Dagdag pa ni Enchong, ipinagpapasalamat niya na kakaiba rin ang role niya sa naturang serye at nakita na ng Kapamilya actor ang lalim niya bilang aktor at nararapat lang na pinagkatiwalaan siya ng isang mapanghamong papel gaya nito.


Lilipad na siya pa-Spain para sa nalalapit na Kapaskuhan. Kasama ang buong pamilya ay du'n sila magse-celebrate ng Pasko para makasama ang nakatatandang kapatid na si AJ Dee at mabuo ang kanilang pamilya sa espesyal na okasyon.



PARA kay David Ezra, anak ng batikang singer na si Dulce at mahusay na composer na si Danny Cruz, hindi niya ipagpapalit ang role niya bilang Orly sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Isang Himala (IH) sa kahit na sampung palabas o proyekto. 


Paliwanag sa amin ni David, ang Himala kasi na unang ginampanan ni Nora Aunor ay isang klasikong pelikula at bahagi na ng kultura nating mga Pilipino. 


Ang role bilang Orly ay unang binigyang-buhay ni Spanky Manikan at ang pagkakaiba ng atake ng role niya ngayon kumpara kay Spanky ay mas may emosyon at pagsisisi ang bagong Orly sa kanyang nagawa sa istorya. 


Sa ilalim ng direksiyon ni Pepe Diokno at gaganap bilang Elsa si Aicelle Santos, isa itong musical film kung saan idadaan sa kanta ang bawat eksena, na tiyak na magugustuhan ng mga manonood lalo’t mahilig tayo sa musika.


Naikuwento rin ni David na inaani niya ang kabutihan at husay sa pakikisama na itinanim ng kanyang ina sa mga nakatrabaho nito sa industriya. Sa maraming pagkakataon na kapag nalaman ng ibang tao na anak siya ni Dulce ay iba ang respeto at pakikisama na ibinibigay sa kanya. 


Proud na proud si David sa ina, lalo’t kapag naikukuwento sa kanya ng ibang tao kung paano sila itinrato nang maganda ng batikang singer. 


Ayon kay David ay ganito rin ang iminulat sa kanilang magkakapatid ng ina na matutong rumespeto at tumrato nang pantay-pantay sa lahat ng tao.

Graduate si David ng Conservatory of Music sa University of Santo Tomas (UST) at bukod sa teatro ay nagtrabaho rin sa Disneyland sa Hong Kong sa loob ng tatlong taon. 


Hindi rin itinago ni David na engaged na siya sa kanyang non-showbiz girlfriend for eight years. 


Kung mabibigyan ng tsansa ay bukas din si David na gumanap sa ibang pelikula at serye. Sa training na pinagdaanan niya sa teatro at hitsura ni David, naniniwala kami na maganda rin ang tatakbuhin ng kanyang showbiz career basta mabigyan lang ng oportunidad.



SA nakaraang mediacon at pasasalamat ng Lamoiyan Corporation founder at president na si Dr. Cecilio Pedro, nahingan ito ng reaksiyon sa nauusong scams kung saan nasasangkot ang ilan sa mga artista natin. 

Ayon kay Dr. Pedro, walang shortcut ang tagumpay sa bawat bagay, kaya kinakailangang pinagtatrabahuhang mabuti. 

Dagdag pa ng matagumpay na businessman, kapag nag-shortcut ka ay mahihirapan kang i-sustain ito at sa huli ay babagsak lang ang lahat. 

Sa higpit ng kompetisyon ngayon ay kailangang dobleng kayod at sipag para madaig mo at malagpasan ang iyong mga kapanabayan, lalo’t kung sasabayan mo ito ng dasal.

Pangulo rin ng FFCCCII o Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., ikinuwento nito na isa sa mga tumutulong sa mga charitable projects ng FFCCII ay si Jose Mari Chan, na kapwa rin pala galing sa Ateneo tulad ni Dr. Pedro. 

Kabilang sa mga charity works nila ang pagpapatayo ng mga classrooms, pagbibigay ng relief goods at bigas sa mga nasalanta ng mga kalamidad, pati na rin ang fire brigade.


 
 

ni Melba Llanera @Insider | Dec. 5, 2024






“Deserve ni Francine na ipagmalaki s’ya. Ipapa-billboard ko pa,” ito ang naging pahayag sa amin ni Seth Fedelin sa naging tanong namin sa nakaraang presscon ng MMFF entry na My Future You (MFY), kung aaminin ba nila ni Francine Diaz ang kanilang relasyon kung sasagutin na ng kapareha ang panunuyo niya rito.  


Sinang-ayunan naman ito ni Francine at sinabing aaminin niya, pero hindi nangangahulugan na pagkatapos ng pag-amin niya ay hahayaan na niya na maging mausisa at manghimasok ang ibang tao sa relasyon nila. Para rin sa Kapamilya actress, naniniwala siya na ‘pag sinabi mong nagmamahalan kayo ay pinoprotektahan ng magkarelasyon kung anuman ang mayroon sila, pangangalagaan nila ito at hindi hahayaang pakialaman o panghimasukan ng iba.  


Magka-holding hands at sweet na sweet sa isa’t isa, kaya marami ang naniniwala na may relasyon nang namamagitan sa dalawa. Ito ay sa kabila ng mga pahayag ni Seth na sa ngayon ay kinukuha pa lang niya muli ang tiwala ng mga magulang ni Francine at gusto niya na maramdaman ng mga ito na karapat-dapat siya sa tiwala na ibibigay sa kanya at ligtas ang dalaga kapag siya ang kasama. 


Ayon naman kay Francine, hindi siya nagmamadali at hinahayaan niyang mangyari nang kusa ang mga bagay-bagay. Pero kung may isa man siyang gusto,  ‘yun ay ang maging ‘future you’ niya ang matalik din niyang kaibigan kung saan kasundo, tanggap nila ang bawat isa, at buo ang suporta nila sa isa’t isa.  


Kapwa masaya at excited sina Francine at Seth sa pagkakasali ng MFY sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF). Sa kabila ng mabibigat at naglalakihang mga pelikula at artista na makakalaban nila sa takilya, naniniwala kami na laging may puwesto at tinatangkilik din ng masa ang romantic-comedy film, lalo’t karamihan ay seryoso ang tema ng karamihan sa mga MMFF entries. 


Bukod pa rito, naniniwala rin kami na buo ang suporta ng mga FranSeth fans kaya siguradong kabi-kabila rin ang mga block screenings na mangyayari bilang suporta ng mga tagahanga nila sa dalawa.  


Siniraan na nagnakaw sa grocery… 

MON, ‘DI NA ITINULOY ANG KASO SA CONTENT CREATOR



Hindi na itinuloy ni Mon Confiado ang reklamo niyang cyberlibel sa content creator na si Mr. Jeff Jacinto a.k.a. Ileiad. 


Kung matatandaan ay pormal na nagsampa ng reklamo si Mon sa tanggapan ng NBI noong Agosto dahil sa fake story na ginawa diumano ni Ileiad, kung saan may kuwento ito na nakita niya diumano sa isang grocery store si Mon, nilapitan para magpa-picture sana sa aktor pero dinuru-duro raw siya ng character actor. 


Bukod pa rito ay ipinost din niya na hindi raw binayaran ni Mon ang labinlimang Milky Way chocolates na kinuha ng aktor at sinigaw-sigawan daw nito ang cashier. 


Sa pangongompronta ni Mon sa naturang content creator, ay sinabi nito na meme o copy-pasta ang ginawa niya.  


Sa pagkakaalam ni Mon ay napadalhan na ng subpoena si Ileiad ng NBI, pero ‘di na niya dinaluhan ang mga sumunod na hearings dahil humingi na ng tawad ang content creator bukod pa sa napakaraming text messages ng ina nito na humihingi ng tawad at sinasabing mahirap lang sila at wala silang pambayad ng abogado. 


Para kay Mon, ay minabuti na niyang huwag na lang ituloy ang kaso dahil baka siya pa ang mapasama. Bukod sa busy na rin siya sa kabi-kabilang mga proyekto ay naturuan na rin niya ng leksiyon ang content creator na masama ang manggamit ng ibang tao na ikakasira ng imahe o pangalan na matagal na niyang inaalagaan.  


Labis naman ang pasasalamat ni Mon sa pagkapanalo bilang Best Supporting Actor sa katatapos na 39th Star Awards for Movies para sa pelikulang Nanahimik Ang Gabi (NAG).


Kuwento ni Mon, nu’ng nagsisimula pa lang siya ay tuwang-tuwa at malaking bagay na para sa kanya ang maisulat ng mga reporters sa mga columns ng mga ito. 


Ayon pa kay Mon, ay iba rin ang pakiramdam kapag nakatanggap ng award mula sa Star Awards, lalo’t sa loob ng tatlumpung taon niya sa industriya, ngayon pa lang siya nanalo rito sa kabila ng madalas naman siyang nano-nominate.  


Kabi-kabila ang mga proyektong nagawa at ginagawa sa ngayon ng character actor. Ilan sa mga ito ay Lilim ni Direk Mikhail Red, In Thy Name (ITN) na isang war film, isang pelikula na ang direktor ay si Direk Paul Soriano, at ang series na Cellblock na pinagbibidahan ni Jericho Rosales.


Napapanood din sa ngayon si Mon Confiado sa seryeng Lumuhod Ka Sa Lupa (LKSL) ng TV5.  

 
 
RECOMMENDED
bottom of page