top of page
Search

ni Angela Fernando @Entertainment News | July 18, 2024



MJ Lastimosa

Inihirit ng mga abogado ni Angelina Jolie na tapusin na ang away at iurong ang demandang isinampa ni Brad Pitt kadikit ng French vineyard.


Matatandaang nasa isang legal na laban pa rin tungkol sa pag-aari ng Château Miraval at mga negosyo sa paggawa ng alak na sinimulan nila nu'ng 2008 at naging 50-50 na kasosyo hanggang 2021 ang mag-asawa. Ang nasabing demanda ay nagsimula nang magpasya si Jolie na ibenta ang kanyang bahagi.


Nagsampa kalaunan ng demanda si Pitt tungkol sa bentahan, na sinasabing ang pagbebenta ay labag sa kanilang naunang kasunduan kung saan dapat ay bibilhin ni Pitt ang parte ng dating asawa.


Nagsampa naman ng mosyon nu'ng Abril ngayong taon ang mga abogado ni Jolie kung saan binigyang-diin nilang tumanggi si Pitt na bilhin ang parte ni Jolie sa winery maliban kung pumayag siyang pumirma ng mas malawak na non-disclosure agreement (NDA).


Sinabi nilang ang NDA ay isang pagtatangka ni Pitt na pagtakpan ang kanyang pang-aabuso kay Jolie at sa kanilang mga anak na itinanggi ng mga abogado ni Pitt.


Naglabas ng pahayag ang abogado ni Jolie na si Paul Murphy sa Entertainment Tonight kamakailan, na nagsasabing sinubukan ni Pitt na kontrolin si Angelina sa pamamagitan ng paghingi ng mas malawak na NDA.

 
 

by Eli San Miguel @Entertainment News | July 15, 2024



File photo


Pumanaw na sa edad na 53 ang tinaguriang "the iconic bad girl of the nineties" na si Shannen Doherty, na sikat sa mga TV series na “Beverly Hills, 90210” at “Charmed.”


Kinumpirma ng publicist na si Leslie Sloane ang pagpanaw ng Hollywood actress, matapos ang matagal na panahong pakikipaglaban sa cancer.


"It is with a heavy heart that I confirm the passing of actress Shannen Doherty. On Saturday, July 13, she lost her battle with cancer after many years of fighting the disease," pahayag ni Sloane sa People magazine.


Noong 2015, isinapubliko ni Doherty ang pakikipaglaban niya sa breast cancer. Iniulat din nitong nakaraang taon na may tinanggal na tumor o bukol sa kanyang utak, at kumalat na ang cancer sa kanyang buto.


Nakilala nang husto si Doherty noong napasama siya sa cast ng 90's TV show na "90210," bilang si Brenda. Kabilang din sa mga cast sina Luke Perry (bilang si Dylan McKay) at Jennie Garth (bilang si Kelly Taylor).


Binansagan bilang "the iconic bad girl of the nineties" ng People magazine si Doherty dahil sa kanyang reputasyon bilang party girl, late na pagdating sa set at pakikipag-away sa mga katrabaho, pati sa kanyang mga boss.

 
 

ni Eli San Miguel @Entertainment News | July 11, 2024



Showbiz news

Tila hindi nauubusan ng pasabog para sa mga fans ang global pop star na si Taylor Swift dahil naglabas din siya ng mga new version ng kanyang collaboration song kasama ang sikat na "Sunflower" singer na si Post Malone.


Inilabas ng Grammy-winning pop star ang acoustic version at additional remix ng kantang "Fortnight." Tampok sa acoustic version ng lead single ni Swift mula sa kanyang album na "The Tortured Poets Department" ang simple at mabagal na tugtog ng gitara, na swak para sa malamig at malumbay na gabi.


Ipinakita nina Swift at Malone ang kakayahan nilang bigyan ng pagkakataon na madama ang kanta sa mas emosyonal at bagong perspektibo. Sa kabilang banda, ang additional remix ng indie pop duo na Cults para sa "Fortnight" ay nagdagdag ng mas masigla at mabilis na tempo sa kanta.


Maaari nang mapakinggan ang mga new version sa lahat ng pangunahing streaming platforms. Unang inilabas noong Abril 19 ang "Fortnight" bilang lead single mula sa “The Tortured Poets Department,” isang sorpresang double album na inilabas ni Swift sa parehong araw.


Ang standard edition ng kanyang pinakabagong album ay mayroong 16 na kanta. Sa pagdadagdag ng dalawang version, mas marami nang pagpipilian ang mga fans sa kung ano'ng version ng "Fortnight" ang mas swak sa kanilang mood.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page