top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 29, 2024



Sports News
Photo: POC

Isa-isang nagpaalam ang mga pambato ng Pilipinas sa Paris 2024 Women’s Artistic Gymnastics Linggo ng gabi sa Accor Arena. Magiting na hinarap nina Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo ang napakataas na kalidad na mga kalaro kabilang ang ilang mga dating kampeon at alamat.


Unang sumalang ang tatlong Pinay sa Vault kung saan lumabas na pinakamataas si Finnegan sa 13.733, sapat para sa ika-10 puwesto at hihintayin matapos ang iba pang kalahok. Limitado sa hanggang dalawang atleta ang bawat bansa sa finals kaya ang tanging pag-asa ni Finnegan na umangat sa unang walo ay mangyari ang tulad ng kaso ng Estados Unidos na kinuha ang unang tatlong puwesto kaya kailangang gawing reserba ang isa. Nagtala ng 13.600 si Ruivivar at 13.266 si Malabuyo.


Numero uno si Simone Biles ng Amerika na may 15.300 at determinado na mabawi ang ginto na huli niyang hinawakan noong Rio 2016. Sumunod ang Uneven Bars at bigo muli ang tatlo na makapasok. Pumuntos si Ruivivar ng 13.200 para ika-26, Finnegan na 12.566 para ika-37 at Malabuyo na 12.500 para ika-39. Lalong sumadsad sa Balance Beam ang koponan at hanggang ika-36 si Malabuyo na 12.233.


Nasa ika-40 si Ruivivar na 11.866 at ika-43 si Finnegan na 11.466. Sinikap nilang tapusin ang gabi ng positibo sa Floor Exercise subalit 13.100 lang ang nakayanan ni Malabuyo para maging ika-20. Ika-27 si Finnegan sa 12.733 at ika-36 si Ruivivar sa 12.433. Sa gitna ng mga kabiguan ay may nabuong maliit na pag-asa na mapabilang si Ruivivar at pati na rin si Malabuyo sa All-Around Finals.


Tumatakbong ika-28 at ika-29 ang dalawa at maaaring makasingit sa listahan na 24 matapos alisin ang mga atleta galing sa mga bansa na may higit sa dalawang kinatawan.


Titingnan kung makakalaro din ang mga Pinay sa Team finals kung sasapat ang kanilang ipinagsamang 152.696 puntos na medyo may kalayuan sa ika-pitong Netherlands na 159.096. Walo lang ang papasok at hindi pa tapos magtanghal ang ilan pang bansa.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | July 15, 2024



Sports News

Medal Tally (as of 4:40pm)   G          S           B 

1.  National Capital Region    48        37        45       

2. Western Visayas                  34        24        27

3. Calabarzon                          33        29        33 


Namayagpag ng husto ang National Capital Region sa elementary girls swimming event matapos ang tig-limang gintong medalya na sinisid nina Sophia Rose Garra ng Malabon City at Alessandra Therese Martin ng Muntinlupa City, habang tig-2 gold medal ang nasungkit ng isang student-athlete mula sa taekwondo, table tennis at gymnastics na kinatampukan sa secondary girls ng nakababatang kapatid ni 2-time Olympian Edriel Carlos “Caloy” Yulo na si Elaiza Andriel Yulo para sa 2024 Palarong Pambansa sa Cebu City.


Solong nilangoy ng De La Salle Araneta University swimmer na si Garra ang 3 gold medal sa 50-meter backstroke, 100m backstroke at 200m individual medley, habang nakipagtulungan ito kina Gabrielle Gayle Ocampo, Adrienne Reese Tacuboy, Rielle Aislyn Antonio at kapwa golden girl na si Martin sa 4x100 at 4x50 medley relay.


Bukod sa dalawang ginto kasama ang mga nabanggit na swimmers, kumarera ang estudyante ng Paref Woodrose School na si Martin ng ginto sa 100-meter butterfly, 50m butterflystroke at 200-meter freestyle para maging pinakamaraming student-athlete na nagwagi ng ginto para sa powerhouse na NCR Region.  


Nakipagsanib-puwersa naman si Carlos Gabriel Docto ng University of Santo Tomas kina Christine Golez at Emmanuel Chris Josh Yamson sa Mixed doubles at doubles sa secondary boys, ayon sa pagkakasunod para sa dagdag na dalawang gintong medalya sa table tennis, habang ang kapwa Thomasian na si Eljay Marco Vista ay sumipa ng mga ginto sa Individual Poomsae Category A (below 59kgs) at Team Poomsae Boys (Group Boys) kasama sina Ateneo Junior High School Jose Lucas Llarena ng QC at John Paul Soriano ng ADT Montessori ng Pasig City.


Nagpamalas ng angking husay ang mga gymnasts ng NCR sa pangunguna ng 14-anyos na si Yulo mula sa Adamson University sa secondary girls sa Individual All Around (C3) at Team Championship.

 
 

ni Clyde Mariano @Sports | June 24, 2023




Dahil gusto niyang makalaro uli sa Olympics at matupad ang pangarap na manalo na hindi niya nagawa sa Tokyo, sinabi ni Carlos Yulo gagawin niya ang lahat sa gymnastics para makapasa sa World Cup na gagawin sa Antwerp, Belgium.

“Pinaghandaan ko ito dahil gusto kong makapasa sa qualifying at makalaro sa 2024 Paris Olympics,” sabi ni Yulo sa press conference dinaluhan ni Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann at Commissioner Olivia “Bong” Coo. “Hindi ako sumali sa Asian Games dahil mas mahalaga ang World Cup at qualifying sa 2024 Paris Olympics,” wika ng 23-anyos na si Yulo na Jpan-based gymnast na rin.

Sa gabay ni long time Japanese coach Munehiro Kugumiya, makikipagtagisan si Yulo sa prestigious competition na lalahukan ng mahigit 50 mga bansa. Gagawin ang World Cup sa Set. 30-Okt. halos kasabay ng Asian Games sa Set. 23-Okt. 8. “Sisikapin kong manalo. My mission and ultimate goal in Belgium to win and play in the Paris Olympics. I give all my best,” pahayag ni Yulo.

Kung papalarin si Yulo na makalaro sa 2024 Olympics at manalo ay magiging magiging makasaysayan, makahulugan at memorableng maitatala ang kanyang pangalan sa Philippine sports history bilang unang Pinoy gymnast na nanalo sa Olympics sa Paris na unang nilahukan ng Pinas ang quadrennial meet noong 1924.

Walang pang Pinoy gymnast na nanalo sa Olympic Games. Sumali sina Demetrio Pastrana at Fortunato Payao noong 1964 sa Tokyo at Ernesto Beren at Norman Henson noong 1968 sa Mexico.

Hawak ni Yulo ang momentum sa panalo ng individual all-around sa katatapos na 10th Asian Senior Artistic Gymnastics sa Singapore. Wagi rin siya sa FIG World Gymnastics sa Stuttgart, Germany at Fukuoka, nanalo sa Asian Gymnastic sa Doha, Qatar at nagwagi ng 4 na ginto at 2 pilak sa SEA Games.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page