top of page
Search

ni Gerard Peter - @Sports | March 22, 2021



ree

Magbabalik laban ang dalawa sa miyembro ng Team Lakay sa magkahiwalay na event ng ONE Championship sa susunod na buwan.


Susubukang putulin ni dating two-time ONE Lightweight champion Eduard “Landslide” Folayang (22-10, 6KOs, 2Subs) ang two-fight losing skid laban kay dating 2006 K-1 HERO’s Light Heavyweight Grand Prix champion at 2002 Busan Asian Games men’s under-81kgs judo gold medalist Yoshihiro “Sexyama” Akiyama (15-7-2, 6KOs, 7Subs) ng Japan sa Abril 29 sa ONE on TNT IV.


Matatantya naman ang tibay at tatag ni Filipino rising star Lito “Thunder” Adiwang (12-3, 7KOs, 4Subs) kay dating House of Fame flyweight champion at dating UFC fighter Jarred “The Monkey God” Brooks (16-2-1, 2KOs, 6Subs) ng Estados Unidos sa undercard match ng ONE on TNT II sa Abril 15.


Pursigido ang 36-anyos na dating three-time Southeast Asian Games Sanda, Wushu gold medalist na muling makabalik sa winning form kasunod ng kambal na pagkatalo noong isang taon kina Pieter “The Archangel” Buist ng The Netherlands via 3rd round split decision noong Enero 31 sa ONE: Fire and Fury at kay Antonio “The Spartan” Caruso ng Australia sa pamamagitan ng unanimous decision noong Oktubre 30 sa ONE: Inside The Matrix. Hindi pa nakakaranas ng tatlong sunod na pagkatalo ang dating Universal Reality Combat Champion (URCC) welterweight champion sa kanyang karera sa mixed-martial arts.


Sapol ng makuha ng 2005 Wushu World Championship bronze medalist ang kanyang ikalawang hawak sa lightweight title noong Nobyembre 23, 2018 laban kay Amir Khan sa ONE: Conquest of Champions sa Mall of Asia Arena sa Pilipinas, apat sa limang laban nito ay nagmula sa pagkatalo, kabilang ang pagkawala ng titulo kay Japanese Shinya “Tobikan Judan” Aoki nung Marso 31, 2019 sa pamamagitan ng arm-triangle choke at sinundan ng isa pang submission na rear-naked choke kay dating UFC lightweight titlist Eddie “The Underdog King” Alvarez sa ONE: Dawn of Heroes noong Agosto 2, 2019 sa bansa. Tanging ang panalo lamang nito ay nanggaling kay Amarsanaa Tsogookhuu ng Mongolia dahil sa Technical Decision sa Masters of Fate nung Nobyembre 8, 2019.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | March 22, 2021



ree

File photo from facebook @Pawie Fornea


Walang imposible sa isang pangarap kung ito’y iyong pinagsumikapan at hindi sinukuan, anuman ang kaharaping hirap at balakid sa buhay.


Ang pagpapatunay na lahat ng hirap sa simula ay may kapalit na tagumpay sa oras na makamit ang lahat ng ninanais na pangarap – at para kay Navy Ensign Mary Pauline “Pawie” Fornea, hindi balakid ang kahirapan at pasakit makamit lamang ang mga inaasam na hangarin.


Dahil sa pagsusumikap ng 27-anyos na Davaoena, nakamit nito ang kanyang limang taon na pag-aaral bilang foreign school cadet ng Philippine Military Academy (PMA) sa the United States Naval Academy (USNA) kung saan nagtapos ito ng may parangal sa kursong Bachelor of Science Degree majoring in Naval Architecture and Marine Engineering and Robotics and Controls Engineering – isang parangal na minsan lamang ang isang Filipino na makatanggap ng ganitong klase ng papuri.


Bukod dito ay isinasabay ng University of the Philippines (UP) Mindanao Food and Technology graduate ang pagiging parte ng Philippine national team matapos magwagi ito ng bronze medal sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games Mixed relay event ng Duathlon kasama sina women’s individual gold medalist Monica Torres, Efriam Inigo at Emmanuel Comendador.


It is really my passion to serve Filipino people on my own way,” wika ni Fornea noong Huwebes ng umaga sa TOPS: Usapang Sports sa Sports on Air webcast, na patuloy na nagsisilbi bilang miyembro ng Front-liners na lumalaban upang masugpo ang mapaminsalang coronavirus disease (Covid-19). “Focus kami sa pagbibigay ng serbisyo sa taong bayan kaya maituturing kong special yung pagiging athlete at frontliner.”


Ikinuwento ni Fornea ang karanasan niya ng mga panahong nagsasanay at nag-aaral ito sa USNA na sa tindi ng pinagdaanang paghihirap ay maging ang pagtulog ng tama sa oras ay hindi na niya magawa dahil sa rami ng mga ginagawa. “Kadalasan talaga kulang na kulang iyong tulog namin kada gabi. Dalawa hanggang tatlong oras lang ang tulog ko tapos overload pa ako every semester at walang summer breaks dahil tuloy pa rin ako sa pag-aaral,” kwento ni Fornea.


Ibinahagi rin ni Fornea ang kanyang dinanas na kakulangan sa pinansyal nung mga panahong salat ito sa salapi at kinailangang itaya ang naitatabing allowance sa isang kompetisyon na kinalauna’y nagwagi at kumulekta ng sapat para sa isang buwang gastusin.“Iyong natitira kong allowance, ipinambayad ko bilang entry fee sa isang 10k marathon. Isinugal ko talaga para sumapat iyong panggastos ko sa isang buwan. Ibinuhos ko talaga yung lakas ko para manalo kaya iyon nanalo naman,” paliwanag ni Fornea, na idinagdag pang nagsimulang maging atleta sa edad na 9-anyos sa pagiging atleta, ngunit hindi pinalad na mapabilang sa national team kung kaya’t lumipat ito sa Triathlon at Duathlon sa edad na 15 lamang.




 
 

ni Gerard Peter - @Sports | March 20, 2021



ree

Sakaling palaring makapasok sa 2021 Tokyo Olympics, pupuntiryahing mabawian ni 2019 AIBA women’s World champion Nesthy Petecio ang mga katunggaling tumalo sa kanya sa mga nagdaang international competitions – higit na ang Japanese boxer na tumalo sa kanya sa quarterfinals ng Asia-Oceania qualifying meet noong isang taon.


Inamin ng 30th Southeast Asian Games gold medalist na sakaling tuluyang mapagbigyan ang mataas na ranking sa Asian continental at makapasok sa Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan simula Hulyo 24-Agosto 8, paghahandaan niyang maigi at pag-aaralan pa ang mga posibleng makakalaban, higit na ang tumalo sa kanya sa quarterfinal round ng 2020 Asia-Oceania Qualifying Tournament sa Amman, Jordan na si Japanese Sena Irie.


Lahat po ng nakatalo sakin, lalo na yung huli kong nakalaban. Lagi ko sinasabi sa sarili ko na babawi ako sa susunod na laro namin,” wika ni Petecio sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging, matapos na malasap ang 1-4 iskor ng mga hurado laban sa Japanese boxer, na siyang magiging daan na mismo niya sa pagpasok sa quadrennial meet.


Bukod kay Irie, kabilang sa mga kinakailangang pataubin ni Petecio sa under-57kgs category ay sina Khouloud Himi ng Tunisia, Keamogetse Kenosi ng Botswana, Lin Yi-Ting ng Chinese Taipei, Skye Nicholson ng Australia at Im Ae-Ji ng South Korea.


Kung pagbabasehan ang Asian ranking ay ikalawa rito si Petecio, ngunit dahil nagkwalipika na ang nangunguna rito na si Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei, ay kinukonsidera ng numero uno ang two-time Asian Championship medalist.


Nais ding mabawian ng 28-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur ang 2018 Jakarta-Palembang Asian Games gold medalist na si Yin Junhua ng China na tumalo sa kanya sa Round of 16 eliminations ng naturang kumpetisyon sa iskor na 2-3 at noong 2014 Incheon Games. Gayunpaman, hindi pa rin nakakapasok ang 30-anyos na 2016 Rio Olympics silver medalist matapos malaglag sa 2020 Asian-Oceania qualifying tourney.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page