top of page
Search

ni Gerard Peter - @Sports | April 27, 2021




Pupuntiryahin ng Tubigon Bohol Mariners na makuha ang ikalawang sunod na panalo at mabitbit ang magandang momentum sa nagdaang laro sa pakikipagharap sa No.2 ranked na KCS Computer Specialist Mandaue City sa unang laro, habang patuloy na magmamalinis ang MJAS-Zenith Talisay City Aquastars laban sa nahihiraang Dumaguete Warriors sa main game ng featured double header ng 2nd round elimination ng Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.


Susubukang makabawi ng Mariners laban sa Computer Specialist ng 4 p.m. matapos itong tambakan sa unang pagtatapat sa 71-97, habang ganito rin ang nais ng Warriors na makaganti sa Aquastars na pormal ng pasok sa twice-to-beat semifinal round dahil sa malinis na 8-0 kartada sa main game ng 7 p.m.


Matapos bitbitin ang Mariners sa unang panalo, muling susubukang magpakitang gilas ni dating UE center/forward Narciso “Pari” Llagas Jr. na matulungan ang koponan na mas maiangat pa sa team standings bago ang nalalapit na pagpasok ng quarterfinal round.


More aggressive at sipag lang pagdating sa next game. Sana tuloy-tuloy na iyong magandang laro para makuha namin yung mas magandang improvement at mas mamataas pa 'yung game namin pagpasok ng quarterfinals,” wika ni Llagas.


Nagtala ng tournament high at season-high na 35 puntos ang 36-anyos na Cavite City-native na si Llagas para ihatid sa unang panalo ang Mariners sa 1-6 kartada. Dinaig ng 6-foot-4 stalwart ang 27 marka na itinala ni Dumaguete Warrior Jerick Nacpil nang manaig ang koponan kontra sa Mariners noong Abril 16. Tiyak na tutulong kay Llagas si league scoring leader Joesph Marquez, Jerry Musngi, Jonathan Ibarra, Jumike Casera at hometown bet Wade Cabizares.


Pursigido ang Computer Specialist na makabawi sa nakaraang pagkatalo nito sa 73-81 na pagkatalo sa Aquastars nitong Sabado. Muling magtutulong-tulong sina Shaq Imperial, Gileant Delator, Raffy Octubre, Gryann Mendoza at Jonel Bongaciso na mapatibay ang pagkakahawak sa ikalawang pwesto sa 5-2 marka.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | April 26, 2021




Sakmal ng takot at pagkagitla ang lahat ng manonood ng live maging ang fans sa telebisyon ng UFC 261 nang malagim ang kinalabasan ng laban nina dating UFC middleweight champion Chris Weidman dahil nalasap niya ang nakahihindik na leg injury nang mabali ang kanang binti matapos isipa sa tuhod ni Uriah “Prime Time” Hall, tumupi ito at maranasan ang matinding sakit at saka ito na-stretcher palabas ng octagon. Natigil ang laban pabor kay Hall via 1st round TKO ng 17 seconds Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Pilipinas) sa jampacked Vystar Veterans Memorial Arena sa Jacksonville, Florida sa U.S.


Itinigil din ang laban nina Anthony “Lionheart” Smith at Jimmy “Brute” Crute matapos ang unang round kasunod ng doctor stoppage sa light-heavyweight bout.


Ang siksik-liglig na aksyon at excitement na hinatid ng UFC 261 sa pagbibigay daan muli sa mga tagasuporta’t tagahanga sapol ng magkaroon ng pandemic para masaksihan ang maningning at dumadagundong na knockout victories sa main cards kabilang na ang tatlong mabibilis na pagtatapos para sa championship titles.


Sadyang walang makapipigil sa bangungot na dala ni UFC welterweight champion Kamaru “The Nigerian Nightmare” Usman ng sentensyahan nito si UFC “BMF” titlist Jorge “Gamebred” Masvidal sa loob lang ng 2 rounds upang mapanatili ang titulo sa main event rematch.


Muli namang napasakamay ni “Thug Rose” Rose Namajunas ang UFC Strawweight title matapos tagpasin ang dating kampeon na si Zhang “Magnum” Weili (21-2) ng China sa pamamagitan ng matinding head kick na nagpatumba sa Chinese fighter sa 1:18 ng unang round.


Mahigit tatlong taon na rin ang nakararaan ng itarak rin ng 28-anyos na Milwaukee, Wisconsin-native na si Namajunas (10-4, 2KOs, 5 Subs) ang nakakawindang na KO kay dating champ na si Joanna Jedrzejczyk ng Poland vis 1st round, at sa pagkakataong ito, muling naulit ang pangyayari ng patumbahin nito ang Chinese defending champion sa unang round.


 
 

ni Gerard Peter - @Sports | April 24, 2021




Patuloy na napanatili ng MJAS Zenith-Talisay City Aquastars ang malinis na kartada nito nang muling durugin ang wala pa ring panalong Tubigon Bohol Mariners, 97-65, habang nabiktima ng Tabogon Voyagers ang ARQ Builders Lapu-Lapu City Heroes, 76-73, para kumuha ng isang malaking upset, Huwebes, sa pagbubukas ng ikalawang elimination round ng Visayas leg ng Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.


Nakatakdanng sumabak ang anim na koponan ng Visayas division ngayong araw, kung saan unang magsasagupa ang Voyagers at ang win-less na Mariners sa unang laro NG 2 p.m. habang susubukang makaulit ng Lapu-Lapu City Heroes sa hilahod na Dumaguete Warriors sa 5 p.m. samantalang pipiliting mabahiran ng KCS Computer Specialist Mandaue City ng pagkatalo ang unbeaten na Talisay City Aquastars sa main game sa 8 p.m.


Sa takbo ng mga laro, hindi mapigilan sa pagratsada ang Aquastars sa pagkamit ng ika-anim na panalo nang ilublob muli ang Voyagers na kanilang tinalo sa inaugural game noong Abril 9 sa pamamagitan ng 104-66 na dominasyon, sa pagkakataong ito ay tila naulit ang pagdurog nang kuminang para sa Aquastars ang Quadruple-threat nitong sina Patrick Jan Cabahug, Val Acuna, Jaymar Gimpayan at Jaymo Eguilos.


Kumana ng 13 points at tig-2 rebounds at assists si Cabahug, habang nanguna sa opensa si dating UE sharpshooter Acuna sa 14 points, katulong sina Gimpayan na may 13-7 puntos at Eguilos na may 11 puntos, samantalang nanguna sa Mariners si Jonathan Ibarra na may 16 puntos at umalalay sina league scoring leader Joseph Marquez na may 14 pts at double-double ni Pari Llagas sa 13pts.


Naisalba ng Aquastars ang malamyang simula at naghabol sa 24-35 sa second period, ngunit, sapat ang lakas at determinasyon ng Talisay City squad, sa pangunguna nina Acuña at Gimpayan sa naibabang 11-0 run para agawin ang bentahe sa 48-41 sa kaagahan ng third period.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page