top of page
Search

ni Gerard Peter - @Sports | July 21, 2021


ree

Apat na miyembro ng TNT Tropang Giga ang sasailalim sa Health and Safety Protocols at testing ng Philippine Basketball Association (PBA), habang ang koponan ng Terrafirma Dyip ay daraan sa magkakahiwalay na lugar pansamantala, dahilan upang mabago ang mga laro ngayong araw ng Miyerkules sa elimination round ng 46th season ng Philippine Cup sa Ynares Arena sa Pasig City.


Hindi na muna masisilayan ang paghaharap ng Terrafirma Dyip at Alaska Aces sa unang laro at Tropang Giga at Magnolia Hotshots sa main game, bagkus ay gagawin na lamang ang 3:00 p.m. match sa pagitan ng win-less na Phoenix Super LPG at Northport Batang Pier na susundan ng tapatan ng Aces at Hotshots ng 6 p.m.


The PBA games scheduled July 21, 2021 – Wednesday; Terrafirma Dyip vs Alaska Aces and TNT Tropang Giga vs Magnolia Pambansang Manok Hotshots have been postponed in accordance with the league’s Health and Safety Protocols,” pahayag sa inilabas na statement.


Inanunsiyo ng PBA kahapon ang pagkakalagay ng 4 na players ng TNT sa isolation kung ang mga ito’y positibo o negatibo sa COVID-19, gayunpaman ang iba pang manlalaro ay negatibo, ngunit kailangan ding i-isolate.


Lahat ng players ng Terrafirma ay negatibo sa testing, ngunit dahil sila ang huling katunggali ng TNT noong Hulyo 17, daraan rin sila sa parehong hakbang.


Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng unang kaso ng COVID-19 sa bagong season na nagbukas noong Hulyo 16 kasunod ng pagsang-ayon ng Local Government Units (LGUs) at sa quarantine protocols sa bansa.


Noong isang taon, sa isinagawang PBA Bubble sa Angeles University Foundation Gym sa Clark Pampanga ay nagkaroon ng bubble format na kinailangang manatili ng mga manlalaro, coaches at officials sa isang lugar lamang, kung saan sa Quest Hotel sa Clark ang mga ito namalagi.Ngayong bagong season ay napagdesisyunang ilagay sa closed-circuit system na (home-venue-home) ang mga laro.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | July 21, 2021


ree

Napanatili ng Pagadian City Explorers ang katatagan ng mga manlalaro nito sa mga huling bahagi ng huling quarter upang malampasan ang matikas na MisOr Brew Authoritea, 81-75 kahapon, sa pagpapatuloy ng elimination round ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Plaza Luz Gym, Pagadian City, Zamboanga del Sur.


Isinalpak ni big man Christian Manalo ang apat na mahahalagang free throws, habang kumamada ng mainit na three-point basket si Keanu Caballero sa mga huling minuto at segundo ng 4th period upang muling makabawi ang Explorers sa pagkatalo kontra tied-league-leader Clarin Sto. Nino nung Linggo ng gabi.


Humataw ng 16pts, 4rebs, 5 steals at 1 assist si Manalo habang rumehistro naman si Caballero ng 14pts 4rebs at 7 assists para iangat sa 4-1 panalo-talo kartada ang host team, at ibigay sa Brew Authoritea ang ikalawang sunod na pagkatalo. Nag-ambag naman ng 31pts sina Jeric Serrano, Mark Benitez at Von Dechos para sa Explorers. Kumana naman ng 16pts 2rebs at 3 assts si Ronjay Buenafe para sa MisOr


Sunod na makakalaban ng Pagadian ang ALZA-Alayon Zamboanga del Sur ngayong araw, Miyerkules, sa unang laro sa alas-2:00 ng hapon na susundan ng unbeaten na Clarin Sto. Nino laban sa Kapatagan Buffalo Braves sa main game sa alas-4:00 ng hapon. Kakaharapin naman ng MisOr ang undefeated na Jumbo Plastic Basilan Peace Riders sa darating na Biyernes, Hulyo 23 sa alas-6:00 ng gabi.


Samantala, nagtala ng isang dominanteng panalo ang Jumbo Plastic-Basilan Peace Riders ng araruhin ang Kapatagan Buffalo Braves sa record-setting na 118-84, nitong Lunes ng gabi sa main match, habang naibulsa ng Petra Cement-Roxas Vanguards ang kanilang ikalawang sunod na panalo ng higitan ang cellar-dweller at win-less na Iligan City Archangels, 84-79 sa 2nd game.


Kasunod ng naitalang highest scoring output na ginawa ng Misamis Oriental Brew Authoritea nung nakaraang Linggo, Hulyo 18 kontra sa parehong koponan na Buffalo Braves tungo sa 111-105 na panalo.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | July 20, 2021


ree

Ayaw na muling maulit pa ang naging pagkakamali noong nakalipas na laro ng JPS Zamboanga City kung kaya’t kumamada ang mga beteranong manlalaro upang kunin ang 85-75 panalo kontra Misamis Oriental Brew Authoritea sa unang laro kahapon ng Mindanao division sa pagpapatuloy ng elimination round ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Plaza Luz Gymnasium sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur.


Umariba ng husto si five-time PBA champion Jerwin Gaco ng rumerhistro ito ng 24 puntos at 12 rebounds para pamunuan ang JPS Zamboanga sa kanilang ikatlong panalo at makabawi sa masaklap na pagkabigo nitong nagdaang linggo kontra sa Petra Cement-Roxas Vanguard, 69-71.


Tumulong din sa 40-anyos na multi-titlist na kampeon sa halos nilahukang liga na PBL, ABL at MPBL, sina veterans Gabby Espinas na tumikada ng 14 pts, habang nagsipag-ambag sina Aaron Jeruta, Med Salim at NCAA champion Fran Yu ng kabuuang 31 puntos para sa 3-2 kartada.


May malaking 14-point lead ang JPS sa pagpasok ng 4th period, nang unti-unting tapyasin ng MisOr ang kalamangan mula sa pagtutulungan nina JR Cawaling, Francis Munsayac, Reil Cervantes, Andrew Estrella, Ronjay Buenafe at Mac Baracael ang kalamangan sa 4 na puntos, 79-75 sa 1:33 ng laro. Ngunit muling nagtulong sina Gaco at Espinas para ikonekta ang isang follow up layup at 3pt shot sa nalalabing 40 segundo upang siguraduhin ang panalo para sa Zamboanga City.


After our loss yesterday, Jerwin talked to the team to lift their spirits up,” wika ni JPS Zamboanga head coach Tony Pardo kasunod ng pagkatalo nitong linggo sa isang masakit na buzzer-beater laban sa Roxas. “He really led by example today.”


Namuno sa iskoring sa panig ng MisOr si Joseph Sedurifa sa 16 pts habang nagbigay tulong rin sina Estrella na may 13 pts at Baracael, 10pts.


Sunod na kakaharapin ng JPS Zamboanga ang Iligan City Archangels sa Biyernes, Hulyo 23 para sa 1st game, habang haharap ang Brew Authoritea vs. Pagadian City Explorers ngayong Martes, sa unang laro ng 2 p.m.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page