top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | February 27, 2023




Mga laro bukas (Martes):

(San Andres Sports Complex)

9:00 n.u. – EAC Generals vs Letran Knights (men’s)

12:00 n.t. – EAC Lady Generals vs Letran Lady Knights (women’s)


Malaking parte ang iniambag na magagandang sets ni playmaker Venice Puzon upang ibigay sa Lyceum of the Philippines University Lady Pirates ang kanilang ikatlong sunod na panalo at makasosyo sa three-way liderato matapos pasabugin ang Jose Rizal University Lady Bombers sa bisa ng 22-25, 25-17, 25-22, 25-17 panalo, kahapon sa 98th National Collegiate Athletic Association (NCAA) women’s volleyball tournament sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.


Matapos masubsob sa unang set, nabuhayan ng loob ang Lady Pirates para kunin ang matinding tatlong sunod na set upang makumpleto ang malupit na comeback na panalo para makasosyo sa liderato kasama ang University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas at defending champions De La Salle-College of Saint Benilde Lady Blazers sa 3-0 kartada.


Naging mahusay ang pamamahagi ng 15 excellent sets ni team captain Puzon na nagbigay rin ng dalawang puntos mula sa tig-isang atake at ace, upang mapasahan ng mahusay na hambalos sina Joan Doguna sa kabuuang 19pts mula sa 16 atake at tatlong service ace na sinundan ng mahusay na opensa at depensa ni Janeth Tulang sa 17pts sa 11 atake at anim blocks, habang may ibinuhos si Johna Dolorito ng 14pts sa 12 atake tig-isang block at ace.


Tanging si Mary May Ruiz ang tumapos ng doble-pigura sa 12 pts sa 10 atake at dalawang blocks, habang nag-ambag sina Sydney Riegos ng siyam, Karyla Jasareno sa walo at Riza Rose sa 7 puntos.


Sunod na makakatapat ng Muralla, Intramuros-based squad para sa kanilang pagtatangka sa ika-apat na panalo ang three-time champions na Arellano University Lady Chiefs sa Miyerkules.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | February 25, 2023




Mga laro ngayong araw (Sabado):

(San Andres Sports Complex)

9:00 n.u. – San Beda Red Lions vs CSB Blazers (men’s)

12:00 n.t. – San Beda Lady Spikers vs CSB Lady Blazers (women’s)


Nanatiling walang bahid ng pagkabigo ang Lyceum of the Philippines University Lady Pirates ng mabilis na tinapos ang last season Final Four-member San Sebastian College-Recoletos sa bisa ng 25-14, 25-16, 25-21 straight set kasunod ng solidong atake ni Jewel Maligmat na ibinuhos lahat ng puntos sa atake upang tulungang makasosyo sa liderato ang koponan kahapon sa 98th National Collegiate Athletic Association (NCAA) women’s volleyball tournament sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.


Tumabla sa 2-0 kartada ang Muralla, Intramuros based lady squad para samahan ang defending champions College of Saint Benilde Lady Blazers, three-peat titlist Arellano Lady Chiefs at Perpetual Help Lady Altas.


Maagang dinomina ng Lady Pirates ang laro kontra Baste kasunod ng mabilis na 2-0 panalong sets, subalit pilit na sinubukang dalhin ng Lady Stags ang laro sa 4th set nang makuha ang 15-13 bentahe mula sa banat ni Kristine Dionisio. Dinala naman ni Johna Dolorito sa tabla ang laro sa 16, habang dinala sa 20-18 ni Joan Doguna ang laro at patungong 24-20 kasunod ng service ace. Bumigay na lang sa laro ang Lady Stags dulot ng panibagong error na umabot sa kabuuang 29 sa laro.


Muling matutunghayan ang laro ng Lyceum sa Miyerkules sa pakikipag-agawan sa undefeated streak sa Arellano Lady Pirates, habang pipiliting makabangong ng San Sebastian laban sa Mapua sa Linggo.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | February 17, 2023




Mga laro ngayong araw (Sabado):


(Philsports Arena)

4:00 n.h. – Cignal HD Spikers vs. Petro Gazz Angels

6:30 n.g. – F2 Logistics Cargo Movers vs. Creamline Cool Smashers


Hahanapin ng Creamline Cool Smashers ang kanilang ika-apat na sunod na panalo kontra sa kaabang-abang na F2 Logistics Cargo Movers, habang mag-uunahan na makadalawa ang nakakita ng linaw ng koneksyon na Cignal HD Spikers at kargadong Petro Gazz Angels sa pagpapatuloy ng mga aksyon at hatawan sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.


Nananatiling malinis ang lahat ng panalo ng Creamline na may nakulektang 9-0 sets ng walisin ang pare-parehong Petro Gazz, Cignal at utol na Choco Mucho Flying Titans tangan ang 3-0 kartada at asam na maipagpatuloy ang winning streak kahit wala ang team captain nitong si Alyssa Valdez na nagpapagaling pa rin sa injury.


Nais namang makabawi ng F2 sa huling pagkatalo laban sa unbeaten na Chery Tiggo Crossovers na tila nanlumo sa pagkuha ng mga puntos mula sa atake ng lumikha lamang ng 22-of-142 kabuuang atake, habang hinayaang makabuslo ng 54 puntos sa atake ang Crossovers.


Maghaharap ang dalawang bigating koponan sa pinakatampok na laro ng 6:30 p.m., habang bago ang naturang salpukan ay pilit muling kokonekta ang Cignal laban sa 2022 Reinforced Conference titlist Angels sa unang laban ng 4 p.m.


Naging eksplosibo ang tatlong hatawera ng Cool Smashers na sina volleybelle/beauty queen Michelle Gumabao, heavy hitter Jema Galanza at middle blocker Ced Domingo na pare-parehong umiskor ng 15 puntos. Nagdagdag din si Galanza ng 11 digs at walong receptions, habang nag-ambag din si back-to-back MVP Tots Carlos ng 6 puntos at 8 receptions, gayundin si Jeanette Panaga na may 5 puntos.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page