- BULGAR
- May 21, 2023
ni Gerard Arce @Sports | May 21, 2023

Puntirya ni four division World champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire na masuntok ang kanyang ika-limang division title bago subukang pagharian ang kasalukuyang pwesto sa bantamweight division.
Sapol ng magsimulang sumuntok sa professional career noong 2001, nagawang masungkit ng 40-anyos na tubong Talibon, Bohol ang kanyang unang titulo sa flyweight ng pabagsakin si power puncher Vic Darchinyan para sa IBF at IBO 112-pounds title noong Hulyo, 2007.
Sunod nitong napagwagian ang bantamweight title kay Fernando Montiel sa bisa ng second round TKO para sa WBC at WBO 118-lbs belt, habang napanalunan nito ang bakanteng WBO super-bantamweight kontra kay Wilfredo Vazquez Jr. via split decision noong Pebrero 2012.
Ibinulsa rin nito ang WBA undisputed featherweight title laban kay South African Simpiwe Vetyeka sa fifth round technical decision noong 2014 sa Macau. Muli itong bumaba sa 122 at 118 pounds at nakakuha uli ng mga titulo.
Hindi pormal na nakuha ni Donaire ang kampeonato super-flyweight division, kung saan nakuha lamang nito ang interim WBA kay Rafael Concepcion at dalawang beses matagumpay na nadepensahan.
“We’re looking to get his fifth division title, which we’re planning to get down to 115 pounds after his fight for WBC (bantamweight) title against the Mexican,” pahayag ni Rachel Donaire, asawa ni Nonito, matapos ang laban nina John Riel “Quadro Alas” Casimero at Fillipus “Energy” Nghitumbwa ng Namibia para sa World Boxing Organization Global super-bantamweight title sa Okada Manila Hotel and Casino sa Parañaque City.
Nakatakdang sumalang muna si Donaire laban kay Alejandro “Peque” Santiago para sa bakanteng WBC 118-lbs belt sa darating na Hulyo sa hindi pa matukoy na lugar.






