top of page
Search

ni GA @Sports | August 10, 2023



Mga laro sa Sabado (Filoil EcoOil Centre, San Juan)

Game 2: Best-of-three

2 p.m. – UST vs UPHSD (for Bronze)

4 p.m. – DLSU vs ADU (Finals)


Pinagtuunan ng ngitngit at gigil ng dismayadong University of Santo Tomas Golden Tigresses ang NCAA 98th season third placer University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas ng walisin ito sa bisa ng straight set 25-15, 25-22, 25-15 kahapon upang mamuro sa battle-for-bronze sa best-of-three series ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.


Malaking panghihinayang na mabitin para sa Finals match ang Espana-based lady squad matapos mabigo sa UAAP defending champion na De La Salle University Lady Spikers sa semifinals noong nagdaang Linggo sa nagtapos sa deciding fifth set pabor sa DLSU, kaya’t walang habas sa pagbuhos ng atake ang UST na bumitaw ng kabuuang 75 puntos, kabilang ang dominasyon sa service ace sa 16.


Pinagbidahan ni Regina Jurado ang kumpol ng mga puntos sa 19 mula sa 14 atake at limang aces para mangailangan na lamang ng isang panalo para sa third place finish sa nationwide competition. “Basta para sa amin kailangan lang laruin lang 'yung game ng maayos dahil hindi naman basta-basta 'yung kalaban namin,” paliwanag ni Jurado matapos ang laro na tinukoy ang kawalan ng kumpiyansa pagdating ng set 2 kaya naging dikit ang laban sa 25-22, gayundin ang pagkadismaya sa pagkatalong sinapit sa La Salle. “Nakaka-boost ng confidence given na champion team at maraming nawala sa amin at ‘di pwedeng magrelax lang.”


Sumegunda sa puntusan si Angeline Poyos na tumapos ng 13 pts mula sa 12 atake at Xyza Gula sa 10 pts mula sa walong atake, habang nag-ambag rin si Mary Banagua ng 10 pts.


 
 

ni MC / GA @Sports | August 7, 2023



Pagkatapos pamunuan ang Philippine women’s football team sa 2023 FIFA Women’s World Cup, dinadala ni Alen Stajcic ang kanyang kaalaman sa Isuzu UTE A-League Men, ang men’s professional football league sa Australia.


Si Stajcic ay pinangalanan noong Huwebes bilang bagong head coach ng Perth Glory sa A-League Men tournament matapos bumitiw sa Filipinas Football Team.


Sa isang ulat na nai-post sa website ng koponan, isinasaalang-alang ng CEO ng Glory na si Anthony Radich ang appointment ni Stajcic bilang isang malaking hakbang para sa club.


“Siya ay isang taong nagtataglay ng lahat ng mga katangiang kinakailangan upang dalhin ang club na ito sa loob at labas ng field at ang mataas na kalibre ng appointment na kailangan at nararapat ng Perth Glory,” sabi ni Radich.


“Si Alen ay lubos na iginagalang, hindi lamang bilang isang coach, ngunit napakahalaga, bilang isang tao na may pinakamataas na karakter at integridad.”


Samantala, tamang gabay ang kinakailangan ng mga batang grupo nina Julienne Castro, Judiel Nitura at Natalie Estreller ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights sa katauhan ng beteranong tactician na si Oliver Almadro sa darating na bagong season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) 99th season ng women’s volleyball tournament.


Hahawakan ng multi-champion coach sa UAAP ang volleyball program ng Muralla-based squad, subalit tututok ang dating Letran alumni sa women’s team na umaaasang mapapa-angat sa nakalipas na fifth place finish.


Inilahad ni Letran athletic diretor Fr. Vic Calvo O.P. sa isang report na magiging malaking tulong si Calvo para muling buhayin ang volleyball program ng letran na huling beses nagkampeon nung 1999 mula sa pagtutulungan ng magkapatid na Mayette at Michelle Carolino, habang may kabuuang walong titulo ang koponan.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | August 6, 2023



Kinakailangang plantsahin at linawin ni 2020+1 Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial ang isyu nito patungkol sa kanyang susunod na laban sa professional career upang mabigyan ng daan ang paglahok sa 19th Asian Games sa Set. 23 hanggang Okt. 8 sa Hangzhou, China.


Inilahad ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo na nakipag-ugnayan na ito sa three-time Southeast Asian Games gold medalist na kumpirmahin ang tunay na araw at buwan ng susunod na laban sa pro-career, kung saan tangan nito ang unbeaten rekord na 4-0 kasama ang dalawang knockout panalo.


Eumir told me he will speak to (Sean) Gibbons about the date of his fight,” saad ni Manalo patungkol sa kalinawan ng tungkulin ni Marcial para sa susunod na laban sa ilalim ng MP Promotions ni Manny “Pacman” Pacquiao at Gibbons, na presidente ng naturang promotional stable.


Lumabas sa report na planong isalang ang 27-anyos mula Lunzuran, Zamboanga City sa ikalimang laban sa Setyembre sa hindi pa matukoy na kalaban kasunod ng promotional contract umano nito na pinirmahan sa Premier Boxing Champions (PBC). Sinabi ni Gibbons na kinakailangan na nitong isantabi ang pangarap sa Olympiad dahil wala na umano itong dapat patunayan sa pagkakapanalo ng medalya noong 2021 Summer Games.


Anuman umano ang magiging kalalabasan ng usapan nina Marcial at Gibbons ay mananatiling buo ang desisyon ng ABAP sa naturang usapan, dahil walang ibang boksingero ang nakatakdang humalili sa puwestong maaaring iwan ng 2019 Yekaterinburg World Championships silver medalists. “No Plan B, he’s our only boxer in that weight class,” bulalas ni Manalo. “John Marvin went up to 92kg already to make place for Eumir. He knows that.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page