top of page
Search

ni GA / VA @Sports | August 16, 2023



Binigyan na ng clearance si Gilas Pilipinas big man Kai Sotto ng kanyang doktor upang maglaro sa paparating na FIBA World Cup, ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio kahapon.


Sinabi ni Panlilio na ang doktor ni Sotto ay nakipagpulong sa mga doktor ng koponan at anila ang 7-foot-3 center ay pwede nang maglaro para sa Gilas. "Sa tulong ng aming mga doktor, na-clear na nila [Sotto.] Malinaw na ang kailangan ni Kai ay upang mapabuti ang kanyang fitness sa mga darating na araw,” sabi ni Panlilio.


Samantala, isang magandang kaganapan na inaasahang makakatulong ng malaki sa Gilas Pilipinas sa ginagawa nilang preparasyon para sa 2023 FIBA World Cup ang pagbabalik sa ensayo ni reigning PBA Most Valuable Player Scottie Thompson sa closed-door practice nila noong Lunes sa PhilSports Arena sa Pasig.

Ayon kay Gilas Pilipinas therapist at strength and conditioning coach Dexter Aseron, binigyan na ng go signal ng doktor ang 30-anyos na si Thompson upang makapaglaro muli ng 5-on-5 basketball.

"So far so good (for Thompson). He started practicing last (Monday) night," pahayag ni Aseron.

Matatandaang namahinga si Thompson sa paglalaro makaraang magtamo ng "metacarpal fracture"sa kanyang shooting hand sa dulot ng Europe training camp sa Kaunas, Lithuania noong nakaraang buwan.

Sinasabing napapanahon ang pagbalik ng athletic at versatile Ginebra guard sa Gilas na sa nakaraang pocket tournament na nilahukan nila sa Guangdong, China ay lumarong may isa lamang lehitimong playmaker sa katauhan ni Kiefer Ravena.

Dahil dito, nag-eksperimento si Gilas coach Chot Reyes at pinaglaro sina CJ Perez at Chris Newsome sa point guard spot sa kanilang 2023 Heyuan WUS International Basketball campaign.


Makakaharap ng Gilas ang Dominican Republic sa Agosto 25 sa World Cup opener.


Makakalaban din ang Italy at Angola sa grupo nito. May tatlong tune-up games ang Gilas laban sa Ivory Coast, Montenegro at Mexico.

 
 

ni GA @Sports | August 16, 2023



Nauumayan sa exhibition fights ang nag-iisang eight division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao matapos kumpirmahin ni long-time boxing coach at Hall-of-Famer trainer Freddie Roach ang planong magbalik laban ito sa professional fight.


Nauna nang ibinunyag ang nakatakdang exhibition match ng 44-anyos na Filipino boxing legend kontra kay kickboxing icon Sombat “Buakaw” Banchamek sa isang boxing exhibition match na nakatakdang ganapin sa Enero 2024 sa Thailand. Subalit, tila isang daan lamang ito patungo sa inaabangang pagbabalik sa totoong bakbakan sa ibabaw ng ring.


I’m coming back,” pangiting pahayag ni Pacquiao sa ambush interview ng 210 Boxing TV matapos manood ng laban nina undisputed welterweight kingpin Terrence “Bud” Crawford at Errol Spence Jr. nitong nagdaang Hulyo 29 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada sa Amerika. “I have a special fight for a tune-up for recovery,” dagdag ni Pacquiao ng matanong ang susunod na makakalaban.


Sa isa namang panayam ng Boxing Social sa YouTube channel, inamin naman ng 63-anyos na American trainer na nagawa niyang makausap sa telepono ang kanyang prize-fighter upang iparating ang patuloy na kagustuhang sumabak sa ibabaw ng ring para sa sinabi nitong “totoong laban.” “I talked to Manny on the phone and he said he wants to fight one more time. He does.


He wants a real fight,” pahayag ni Roach, kasunod ng huling pagkatalo ng dating Senador kontra Yordenis “54 Milagros” Ugas sa 12-round unanimous decision para sa World Boxing Association (Super) 147-pound title nung Agosto 21, 2021. “I haven’t let him choose anyone yet. But it’s just, his heart, he wants one more fight.”

 
 

ni GA @Sports | August 15, 2023



Pinarangalan bilang Best Opposite Spiker si National University Lady Bulldogs Alyssa Solomon sa katatapos lang na 2023 Southeast Asian Women’s Volleyball League (SEA V.League) kasunod ng dalawang legs na ginanap sa bansang Vietnam at Thailand, kung saan hindi pinalad na makakuha ng panalo ang bansa sa kompetisyon.


Nalasap ng Pilipinas, na kinatawan ng halos manlalaro ng NU Lady Bulldogs kabilang si UAAP season 84 Rookie/MVP Mhicaela “Bella” Belen, kontra Indonesia sa 25-22, 21-25, 22-25, 24-26 nitong nagdaang Linggo sa Chiang Mai, Thailand.


Ito ang ikatlong sunod na pagkakataong hindi lumapag sa podium finish ang Pilipinas matapos ang third place sa 2019 first at second leg na ginanap sa Nakhon Ratchasima at Santa Rosa Sports Complex sa Laguna.


Muling nagkampeon ang host country Thailand ng taunin ang Vietnam sa Finals sa ikatlong beses, habang nanatiling bronze medalists ang Indonesia sa four-team regional women’s volleyball league.


Tumapos sa kabuuang 0-6 kartada ang Pilipinas sa dalawang leg sa Vinh Phuc sa Vietnam at Chiang Mai, upang maging kapareho ng men’s volleyball team na nagtapos sa parehong resulta na ginanap sa Indonesia at Pilipinas.


Ang season 84 UAAP Best Opposite Spiker at 2022 Shakey’s Super League Collegiate MVP ang ika-apat na Filipina na nabigyan ng individual award sa SEA V.League matapos dalawang magkasunod na leg kinilala sina F2 Logistics Cargo Movers Majoy Baron bilang Best Middle Blocker at Dawn Macandili bilang Best Libero sa second leg nung 2019 at si Kyla Atienza bilang Best Libero ng Creamline Cool Smashers nung 2022 ASEAN Grand Prix.


Hinirang namang tournament MVP si Thai hitter Chatchu-on Moksri, habang ang team mate nito na sina Jarasporn Bundasak at Piyanut Pannoy ay kinilalang 1st Best Middle Blocker at two-time Best Libero, ayon sa pagkakasunod.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page