top of page
Search

ni GA @Sports | August 28, 2023


Natukoy na ang pangunahing sanhi na nagdulot ng atake sa puso ng anak ni NBA superstar at four-time MVP Lebron James na si Bronny – ito ang “Congenital Heart Defect.”


Karaniwang nakikita ang naturang karamdaman sa pagsilang pa lamang bilang sanggol at maaaring makaapekto sa istraktura ng puso ng isang sanggol at sa paraan ng paggana nito. Ayon sa medisina, maaari silang makaapekto sa kung paano dumadaloy ang dugo sa puso at palabas sa ibang bahagi ng katawan. Ang mga CHD ay maaaring mag-iba mula sa banayad (tulad ng isang maliit na butas sa puso) hanggang sa malubha (tulad ng nawawala o hindi magandang nabuong mga bahagi ng puso).


Nitong nagdaang Hulyo ay matatandaang inatake sa puso ang 18-anyos na University of Southern California (USC) Trojans guard habang nagsasanay at agad na nilapatan ng paunang lunas at Isinugod sa Cedars-Sinai Medical Center patungo sa Intensive Care Unit (ICU).


After a comprehensive initial evaluation at Cedars-Sinai Medical Center led by Dr. Merije Chukumerije and follow-up evaluations at the Mayo Clinic led by Dr. Michael J. Ackerman and Atlantic Health/Morristown Medical Center led by Dr. Matthew W. Martinez, the probable cause of Mr. James' sudden cardiac arrest (SCA) has been identified. It is an anatomically and functionally significant Congenital Heart Defect which can and will be treated,” ayon sa inilabas na statement ng James family.


We are very confident in Bronny's full recovery and return to basketball in the very near future.


We will continue to provide updates to media and respectfully reiterate the family's request for privacy.”


Itinuturing na isa sa top prospect ang incoming 6-foot-3 rookie mula Sierra Canyon School na kumakamada ng 14 puntos at limang rebounds sa kanyang senior year, kabilang ang paggawad rito bilang parte ng McDonald’s All-American ngayong taon.


Hindi pa matukoy ang hangganan ng pagpapahinga ni Bronny na kinakailangang magpagaling ng husto upang malapatan ang lahat ng kinakailangang paggamot upang muling makabalik sa paglalaro ng basketball.



 
 

ni GA @Sports | August 24, 2023



Todo paghahanda ang isinasagawa ni Ilongga spiker Fiola Ceballos ng PLDT High Speed Hitters upang lalo pang mapalakas ang arsenal patungo sa darating na komperensya ng 2023 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.


Handa na muling ipakita ng 5-foot-7 na outside hitter mula sa Bingawan, Iloilo ang kanyang bangis sa paghambalos upang maibangon ang koponan kasunod ng panibagong pagkalugmok sa medalya mula sa ikalawang 5th place finish sa nagdaang Invitational Conference matapos malaglag sa single-round semifinals.


Sapul nang mapadpad sa PLDT ang 29-anyos na dating pambato ng Central Philippine University Golden Lions sa Iloilo City ay hindi pa nakakaranas ng podium finish sa koponan matapos makilala ng husto sa beach volleyball kapartner si Guimarasnon spiker Jovelyn Gonzaga ng Cignal HD Spiker, na kanya ring pinagsilbihan ng dalawang taon.


Naging masaklap sa High Speed Hitters ang pagkakalaglag sa semifinals matapos mahigitan ng Cignal, F2 Logistics Cargo Movers, Creamline Cool Smashers at kampeon na Kurashiki Ablaze ng foreign guest team Japan, habang nasa ikaanim ang Kinh Bac Bac Ninh mula Vietnam. Noong nagdaang 2022 Invitational tourney ay nagtapos ito sa ika-apat na puwesto nang talunin ng Cignal.


Katu-katulong ng Western Visayas spiker sina Jules Samonte, Erika Santos, Jessey De Leon, Rachel Ann Austero at defensive specialist Kath Arado na sama-samang nagsasanay upang mahasa pa ang kakailangang galaw para sa pagbawi sa All-Pinoy tourney, kung saan tumapos sila ng 4th place sa unang komperensiya matapos yumuko sa Cargo Movers sa battle-for-bronze.

Hinihintay ng PLDT ang kumpletong pagbabalik sa laro ni heavy-hitter Jovelyn Prado, habang inaabangan din ang pagiging 100% ni Mika Reyes.

 
 

ni GA @Sports | August 23, 2023



Dinomina ng Choco Mucho Flying Titans ang Australia upang makaiwas sa agarang pagpapauwi para sa ikalawang panalo sa bisa ng straight set 25-15, 25-23, 25-10 nitong Lunes sa pagpapatuloy ng 2023 VTV Cup sa Lao Cai Gymnasium sa Vietnam.


Dahil sa panalo ay nakuha ng Choco Mucho ang 2-1 kartada sa ligang inorganisa ng Volleyball Federation of Vietnam (VFV) na pangunahing sponsor ang Vietnam Television, matapos ang nakapanlulumong pangwawalis ng Vietnam 1 na grupo ni Vietnamese superstar Tran Tri Thanh Thuy sa 21-25, 19-25, 16-25 nitong nagdaang Linggo.


Nagtulong-tulong sina Isa Molde, Kat Tolentino at high-flyer Cherry Ann “Sisi” Rondina upang iaangat muli ang Flying Titans upang hindi mabalewala ang pagsusumikap ng koponan na makabawi sa nagdaang pagkatalo.


Naging dikitan naman ang laban sa second set ng dumikit ang Australia sa 22-23 na nauwi sa table sa 23-23 dulot ng service error ni Viray. Subalit muling pinatunayan ni Rondina ang pagiging bayani sa koponan ng kumamada ng magkasunod na atake kabilang ang panapos na back-row atake para sa 2-0 iskor.


Lalo pang pinalobo ng Titans ang kalamangan ng dalhin sa pinakamalaking 16 puntos sa 22-6 kasunod ng mga errors ng Australia upang maiselyo ang ikalawang panalo at subukang mapataob ang Vietnam 2, na kinakalaban sa mga oras na isinusulat ang balitang ito.


Matapos ang laban sa Vietnam 2 ay makakalaban ng Titans ang Suwon ng South Korea ngayong Miyerkules.


Kasama rin sa koponang minamanduhan ni multi-titlist coach Dante Alinsunurin sina Desiree Cheng, Maddie Madayag, Bea De Leon, Aduke Ogunsanya, Maika Ortiz, Cherry Nunag, Regine Arocha, liberos Pang Ponce at Denden Revilla, setter Jam Ferrer at ace playmaker Deanna Wong.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page