top of page
Search

ni GA @Sports | November 16, 2023


Mga laro ngayon (FilOil EcoOil Arena)

2 n.h. – NXLed vs Galeries

4 n.h. – F2 Logistics vs Cignal

6 n.g. – Petro Gazz vs Choco Mucho


Tatlong koponan ang maghahanap na mapahaba ang kanilang winning streak sa mas lumalalim na mga tagpo sa 6th Premier Volleyball Leage (PVL) Second-All-Filipino Conference ngayong araw sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.


Hahanapin ng Choco Mucho Flying Titans na makuha ang kanilang ika-anim na sunod na panalo at makasosyo sa ikalawang pwesto kontra sa magbabawing Petro Gazz Angels sa tampok na laro sa alas-6:00 ng gabi, habang nais din ng Cignal HD na kunin ang ika-limang sunod na panalo sa reresbak na F2 Logistics Cargo Movers sa second-game sa alas-4:00 ng hapon, gayundin ang maghahanap ng kanilang unang winning streak na NXLed Chameleons laban sa walang panalong Galeries Tower High Risers sa pambungad na bakbakan sa alas-2:00 ng hapon.


Lumipad paibabaw ang Choco Mucho sa pangunguna ni ace playmaker Deanna Wong na mahusay ang pamamahagi ng opensa upang mabigyan ng maliwanag na hambalos sina Isabel Molde, Maddy Madayag, Kat Tolentino at high-flyer Chery Anne Rondina para talunin ang Akari Chargers sa straight set 25-23, 25-21, 25-19 nitong nagdaang Sabado.


Nais naman ng Angels na maputol ang kanilang three-game losing skid na huling dinanas sa Cignal sa fourth set sa 15-25, 23-25, 25-18, 25-19 na pilit iaangat ni Gretchel Soltones, Aiza Pontillas, Jonah Sabete, Remy Joy Palma at Djanel Cheng.


Ipagpapatuloy naman ng Cignal ang kanilang nabuong magandang laro na pinagtrabahuhang maigi nina Frances Molina, rookie Vannie Gandler, Jovelyn Gonzaga, Ria Meneses, at Roselyn Doria, kahit wala ang kapitana nito na si Rachel Ann Daquis na kasalukuyang may 5-2 kartada.


 
 

ni GA @Sports | November 10, 2023




Mga laro sa Sabado

(Philsports Arena)

2 n.h. – Cignal vs Petro Gazz

4 n.h. – Akari vs Choco Mucho

6 n.g. – PLDT vs Chery Tiggo


Naging madali ang nakuhang mga panalo ng parehong F2 Logistics Cargo Movers at PLDT High Speed Hitters nang kapwa walisin ang Quezon City Gerflor Defenders 25-10, 25-16, 25-14 at Galeries Tower High Risers sa 29-27, 25-14, 25-18 sa magkasunod na mga laro ng nakalinyang quadruple-header kahapon sa 6th Premier Volleyball League (PVL) second All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Sinandalan ng Cargo Movers ang 30-anyos na middle blocker na si Aby Marano na tumapos ng 10 puntos mula sa anim na atake, dalawang blocks at dalawang aces upang makamit ang unang winning streak sa komperensya sa 4-2 kartada katabla ang Cignal HD Spikers.


Yung pagka-slow sa start ng game at latter part, usually kase nagstart kami aarangkada kami tapos pagdating sa gitna magstop kami until na short kami sad ulo, kaming this game, talagang we see to it na dapat kapag naglaro tayo from the start hanggang dulo ipakita natin na strong talaga tayo,” pahayag ni Marano patungkol sa ipinakitang laro ng kanilang koponan kasunod ng natikmang dalawang pagkatalo.


Nagawang manguna sa iskoring ng isa pang La Salle alumna na si Victoria “Ara” Galang na tumapos ng double-double sa 11 puntos kasama ang 11 excellent digs at tatlong receptions, gayundin sina Ivy Keith Lacsina sa inambag na 10 puntos mula sa lahat ng atake at Jolina Dela Cruz sa siyam puntos at tatlong receptions na sunod na makakatapat ang Creamline Cool Smashers sa Martes.

 
 

ni GA @Sports | November 7, 2023



Sa edad na 44 ay hindi pa rin nawawala ang kagustuhang sumabak sa mas mataas na kalidad ng upakan ang nag-iisang 8th-division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao na maluwag sa kaloobang makasagupa ang matitinding katapat kabilang ang undefeated at knockout-puncher na si Gervonta “Tank” Davis sa hinaharap.


Buong tapang na sinagot ng future international boxing Hall of Famer ang katanungan ng posibilidad na makaharap nito ang World Boxing Association (WBA) Regular lightweight titlist sakaling umakyat ito sa kategorya nitong welterweight division.


Davis is a good fighter, a good fighter, [but] If he wants [to] and comes up to 147, then we can fight. 145, maybe,” pahayag ni Pacquiao sa panayam ng FightHub TV ng bumisita ito sa Riyadh, Saudi Arabia matapos dumalo sa isang imbitasyon. “It’s not a problem for me, I’m an experienced fighter.”


Huling beses sumabak sa professional bout ang tubong Kibawe, Bukidnon at ipinagmamalaki ng General Santos City laban kay Yordenis “54 Milagros” Ugas ng Cuba noong Agosto 21, 2021 na nagresulta sa 12-round unanimous decision pabor sa 2008 Beijing Olympics bronze medalist para sa WBA (Super) 147-pound title belt.


Simula nito ay inanunsiyo ni Pacquiao ang kanyang pagreretiro upang tumutok sa pinakamataas na puwesto sa pulitika, subalit muling hindi pinalad sa 2022 Presidential Election.


Muling nagbalik sa salpukan si Pacman nang sumabak ito sa exhibition match noong Dis. 11, 2022 kontra kay South Korean fighter DK Yoo sa Korea International Exhibition Center na nagtapos sa unanimous decision sa kanilang 6-round bout. Nakahanda ring humarap sa isa pang exhibition match kontra kay Muay Thai at Kickboxing icon Sombat “Buakaw” Banchamek ng Thailand sa Enero 2024.


Kinumpirma rin ni Pacquiao ang nilulutong laban kay dating undefeated at retired Future Hall of Famer Floyd “Money” Mayweather Jr. para sa pinaka-aasam na Pac-May 2 rematch na plano sa Disyembre sa Tokyo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page