top of page
Search

ni GA @Sports | November 28, 2023



Mga laro ngayon (Martes)

(Philsports Arena)


2 n.h. – Farm Fresh vs Galeries

4 n.h. – Choco Mucho vs Gerflor

6 n.g. – Creamline vs Chery Tiggo


Magkakasukatan ng husay, galing at diskarte ang mga semifinalists na Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers na planong ibigay ang unang pagkatalo sa una sa pinakatampok na laro, habang iaangat pa lalo ng Choco Mucho Flying Titans sa siyam na sunod na panalo ang laro kontra kulelat na Gerflor Defenders sa nakahandang triple-header matches ngayong araw sa 6th Premier Volleyball League (PVL) 2nd All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Tatangkain ng Creamline na pahabain ang unbeaten winning streak sa siyam na pagbibidahan nina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Michele Gumabao, Jeanette Panaga, Kyle Negrito at Kyla Atienza kontra sa mga batang grupo na pinamumunuan ni Ejiya “Eya” Laure.


Para sa akin, wala sa akin 'yun depende sa naglalaro, para sa amin point by point, set-by set yun ang iniintindi namin so kung may ganung mga hype, wala naman sa'min 'yan, basta kami maglalaro kami point by point, kung ano 'yung result accept lang talaga,” wika ni Creamline head coach Sherwin Meneses. “Bata rin at matatangkad at malakas mamalo, tingnan naming mabuti kung anong advantage sa kanila.”


Inaasahang susundan ng 5-foot-7 na dating pambato ng Adamson Lady Falcons na si Galanza ang pagbibida sa nagdaan nilang pangwawalis kontra NXLed Chameleons noong Huwebes patungo sa unang silya sa semifinals.


Diniskarga ng Chery Tiggo ang F2 Logistics Cargo Movers sa come-from-behind sa 27-25, 11-25, 17-25, 25-22, 15-10 noong Sabado sa pangunguna nina Mylene Paat at Eya Laure para masungkit ang ika-anim na sunod na panalo.


Susubukan namang panatilihin ng Titans ang winning streak upang mapatibay ang pagkakahawak sa solo second.

 
 

ni GA @Sports | November 22, 2023



Mga laro bukas (Huwebes)


(Philsports Arena)

2:00 n.h. – Galeries vs Akari

4:00 n.h. – Creamline vs NXLed

6:00 n.g. – Choco Mucho vs PLDT


Muling nakabalik sa panalo ang Petro Gazz Angels sa pagbida ni power-hitter Jonah Sabete nang sunugin ang masigasig na laro ng Farm Fresh Foxies sa 4th set, 25-22, 19-25, 25-16, 26-24 upang putulin ang 4-game losing skid kahapon sa mas tumitinding mga tagpo sa elimination round ng 6th Premier Volleyball League (PVL) Second All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Kumana ang dating Bulacan State University outside spiker ng kabuuang 21 puntos mula sa 16 atake kabilang ang 3 blocks at 2 aces, habang sumalo rin ito ng 10 excellent digs upang dalhin sa 5-4 kartada ang Petro Gazz para sa solo 6th place at bahagyang makahiwalay sa three-way tie. “Lagi ko naman sinasabi sa sarili ko na magtrabaho lang ako, sundin ko lang 'yung laging sinasabi ng coaches ko and syempre mas lalo na yung system ni coach na kailangang kapag nagka-error kailangang pumuntos ulit. Ang laking bagay na ang laki ng tiwala ni (Djanel) Cheng sa amin sa mga wing spiker niya,” pahayag ng 5-foot-5 spiker na patuloy na pinaiiral ang mataas na successful attack rate at masipag na digs na kanyang nagamit higit na ang tatlong mahalagang digs na sumalba upang makaungos ang Petro Gazz sa magkasunod na panapos na atake ni Gretchel Soltones.


Sumegunda si Soltones sa 16 puntos mula sa 13 atake kabilang ang 12 excellent receptions, habang nag-ambag din sina Aiza Maizo-Pontillas ng 13pts at 12 receptions at tig-10pts nina Marian Buitre at Kecelyn Galdones. Namahagi ng 22 excellent sets si Cheng kasama ang 3 puntos.


 
 

ni GA / Clyde Mariano @Sports | November 20, 2023



Binigo ng San Miguel Beermen ang ambisyon ng Meralco Bolts na kunin ang pangatlong sunod na panalo at nilasing ang Bolts, 93-83, sa Commissioner’s Cup sa 2023-24 PBA kagabi sa Smart Araneta Coliseum.


Galing sa pagkatalo sa unang laro sa NLEX, 113-117, sa overtime, sa Ynares Center sa Antipolo, pinagbuntungan nang kanilang galit ang Meralco at dinomina ang laro at itarak sa mahinang boltahe ng Bolts ang unang talo sa tatlong laro.


Ang top-of-the-key triple ni Chris Ross laban sa defensive arms ni Chris Newsome ang susi sa pagkaiwan sa Bolts, 88-81. Tumapos si Ross ng 10 points.


Pinamunuan ni import Ivan Aska ang balanseng opensiba ng SMB na umiskor ng game high 27 points, 11 sa fourth quarter, at 13 rebounds sa pangalawa niyang appearance sa SMB.


Samantala, kinubra ng Savouge RTU Basilan ang kanilang ikatlong panalo at solong second spot sa Pool D upang matakasan ang bagsik ng Xentro Mall-Generals sa first set tungo sa 20-25, 32-30, 25-20, 25-22 sa unang laro ng triple-header na mga laro ng 2023 Spiker’s Turf Invitational Conference kahapon sa Paco, Maynila.


Humambalos si Jhun Lorenz Senoron ng game-high 21 puntos mula sa 20 atake, habang sumegunda sa iskoring si Renzel Antonio sa 18pts kasama ang 16 kills at dalawang service aces, gayundin ang kontribusyon nina Luke Constantino sa 11pts at John Anthony Deseo sa 10pts, samantalang nagpamahagi si John Kenneth Hernandez ng 25 excellent sets.


Nung una, alam ko naman talagang kaya nilang ilabas ang tunay na laro nila kahit di namin nakuha ang first set. Nakita ko naman na ginagawa nila lahat kaya sabi ko basta ilabas niyo ang laro niyo kahit kaninong team lalaban tayo,” wika ni head coach Sabtal Abdul.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page