top of page
Search

ni G. Arce @Sports | February 6, 2024



Unti-unti nang natitikman ng 2-time champions na Petro Gazz Angels ang bangis ng diskarte at mga turo ni Japanese head coach Koji Tsuzurabara na magiging daan ng koponan para lalong patibayin ang mga manlalaro na kinabibilangan nina 2-time MVP Myla Pablo, team captain Remy Palma, lefty spiker Aiza Maizo-Pontillas, Jonah Sabete at Fil-Am Brooke Van Sickle.


Mismong si Tsuzurabara ang nagsabing magiging matindi ang pagdaraanang pagsasanay ng Angels na planong makabawi sa pagkakatanggal sa semifinals sa nagdaang dalawang sunod na komperensiya sa 2023 edisyon ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational at Second All-Filipino Conference. 


Expects everyone me to do Japanese style. My basics are not Japanese style but my own original style,” pahayag ni Tsuzurabara sa post ng Petro Gazz sa Instagram page nito. “It is very important to change the mindset. After practice, I catch up to the players one by one. I want to understand the player’s character. I must make players of good character.”


Pinalitan ng 59-anyos na Japanese coach si Timmy Sto. Tomas para gabayan ang 2-time Reinforced Conference champions, matapos ang paggabay sa U-19 ng Kinh Bac Bac Ninh ng Vietnam, na minsang sumabak sa 2023 PVL Invitational Conference, habang may malawak na karanasan ito sa Hitachi Belle Fille sa Japan V,.League Division 1, Al Hedayah ng Saudi Arabia, Thailand U-20 at U-21 National team, Malaysia National team, Myanmar national team, Hamilton Huskies sa New Zealand, Oita Miyoshi Weisse Adler sa Japan V.League, at Chinese Taipei national team.


Si Tsuzurabara ang ikalawang foreign coach na tinapik ng isang koponan sa PVL kasunod ng pagkuha kay NXLed Chameleons Taka Minowa, na ngayo’y director ng volleyball operations.


 
 

ni G. Arce @Sports | February 6, 2024




Lalo pang mas kinabiliban at kinaaliwan ng kanyang mga tagahanga at tagasunod ang naiibang kakayahan at kahusayan ni Second All-Filipino MVP Cherry Ann “Sisi” Rondina matapos nitong maipakita ang  angking kasipagan na sadyang nakakahawa sa kanyang mga kakampi habang lumalapit ang panibagong season ng Premier Volleyball League simula Peb. 20.


Maituturing na ibang pagbabago ang inihatid ng 27-anyos na power spiker sa koponan ng Choco Mucho Flying Titans ng tulungan ang koponan na makuha ang kanilang unang podium finish sa nagdaang komperensiya sa bisa ng runner-up finish laban sa winningest team na Creamline Cool Smashers.


Sa kanyang Instagram post ay ipinakita ng tubong Compostela, Cebu ang naiibang determinasyon na dulot ng kanyang magandang ipinapakita sa bawat laro. Subalit bukod sa agarang opensang ibinibigay ng 5-foot-6 outside spiker ay nakakahawa rin ang 'work ethic' nito dahil sa sipag sa pagsasanay lalo na sa paghasa ng kanyang mga abilidad at kakayahan sa paglaro upang matulungan ang Flying Titans na maiukit ang 10-1 kartada sa preliminaries at nagawang makapasok sa Finals sa unang pagkakataon.


You lose, you try again. You win, you keep going. No results, keep going. Bad results, keep working. Great results, keep working. Moral of the story, Keep Working,” ayon sa inilabas na mga salita sa kanyang social media post, kung saan naglagay pa ito ng caption na, “The most beautiful thing that you can wear is confidence.”


Hindi ito pinalampas ng kanyang mga tagahanga na tila napahanga higit na sa kanyang mataas na talon at malakas ng hambalos, na sinabayan pa ng sipag at tiyaga sa pag-eensayo. “I love your positive attitude! Pag may ganun talaga, mag-follow na ang skills at knowledge,” saad ni chrisdhyll_mutia sa naturang post, na sinundan naman ng mensahe ni chefdeniseph na, “Grabe yung talon.” 

 
 

ni G. Arce @Sports | February 5, 2024




Napanatili ni Team Lakay fighter Carlo “The Bull” Bumina-ang ang kanyang malinis na kartada kasunod ng matagumpay na knockout victory upang simulan ang kanyang taon ng may mahalagang panalo para mabigyan ng tsansang makakuha ng mahalagang kontrata sa One Championships.


Nagsagawa ng matinding arm triangle choke si Bumina-ang laban kay Chinese fighter Xie Zhipeng upang tapusin ang laban sa 1:29 ng first round upang masiguro ang kanyang ika-apat na sunod na panalo sa ONE Friday Fights 50 sa Lumpinee Boxing Stadium sa Bangkok, Thailand.


Hopefully they give me a contract with another win. But more so than the wins, I know they’re looking at my performance before they give me that six figure contract,” wika ni Bumina-ang na aminadong mahalaga ang kanyang laban. “I’m just focused on getting that victory, getting that contract will follow in the future if I continue winning.


Hindi na hinayaang mawalang saysay ang pagnanais ng 29-anyos na Pinoy fighter ng pasukuin si Zhipeng na sinimulan ng isang malakas na kanang hook upang mapabagsak sa mats sa nalalabing segundo ng kanyang laban.


Mabilis nitong sinundan sa grounds si Xie upang isagawa ang ground and pound na banat na kanyang dinala sa mount at siguraduhin ang arm-triangle submission. Hindi na nagawa pang makuhang mag-tap pa ng Chinese na natuluyang makatulog dulot ng submission.


Dahil sa naturang galaw ay nabiyayaan ang 5-foot-5 ng performance bonus na USD 10,000 para masundan ang panalo nito kay Ilyas Dursun sa ONE Friday Fights 44 sa Disyembre, habang nasundan din ito ng panalo kina Denis Andreev at Reza Saedi.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page