top of page
Search

ni G. Arce @Sports | February 18, 2024


Photo: PVL / FB


Magiging sentro ng atensyon kung tunay na magiging epektibo ang mga bagong papalo sa koponan ng PLDT High Speed Hitters na sina Kim Fajardo, Majoy Baron, Shiela Kiseo, Kiesha Bedonia at Kim Kianna Dy upang mabitbit sa kauna-unahang podium finish ang koponan sa darating na 7th season ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference simula Pebrero 20 sa Philsports Arena sa Pasig City.


Masisilayan ang mga bagong manlalaro, maliban kay Dy, na hinihintay ang kabuuang pagrekober sa injury, sa ikalawang araw ng hampasan sa Pebrero 22 kontra sa Galeries High Risers sa unang laro sa alas-2:00 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.


Pansamantala namang mamamahinga sa laro ang beteranong middle blocker na si Mika Aereen Reyes dulot ng inorperahang kanang balikat.


Magiging kabalikat si Fajardo ni playmaker Rhea Dimaculangan, habang katulong naman sa depensa si Baron sina Dell Palomata, Jessey De Leon at Rachel Anne Austero. Magsisilbi namang karagdagang opensa ang mga dating Far Eastern University Lady Tamaraws na sina Kiseo at Bedonia para kina Filipino-Canadian spiker Savannah Dawn Davison at Fiola Ceballos, samantalang aantayin ang debut game ni Dy na hahalinhinan muna ni rising spiker Erika Mae Santos at Jules Samonte para sa opposite, habang magiging pangunahing taga-damba sa depensa sina Maria Viray at team captain Kath Arado.


“'Yung pressure to handle the team, wala. Veterans kasi mga kasama ko, so pinapadali nila 'yung trabaho ko as a captain,” wika ni Arado patungkol sa kanyang mga beteranong kakampi sa koponan. “Sobrang gaan nila kasama, lalo na 'yung mga pumasok sa amin.”


Maituturing na bagong klase ng pamumuno ang dadalhin ng 25-anyos na UAAP season 77th Rookie of the Year, two-time UAAP Best Digger, Best Reciever at Best Libero na si Arado.

 
 

ni G. Arce @Sports | February 11, 2024



Tiyak na dadalhin ni Akari Chargers playmaker at team captain Michelle Cobb ang panibagong pagkabigong nalasap sa katatapos lang na mini-tournament bilang parte ng karanasan na kailangang subaybayan at baguhin habang papalapit ang bagong season ng 7th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference simul Pebrero 20.


Hindi pinalad ang Chargers na maiselyo ang panalo laban sa collegiate team na Adamson University Lady Falcons ng kapusin ito sa fifth set sa 19-25, 27-29, 25-21, 25-23, 9-15 sa katatapos lang na Akari Cup nitong Miyerkules ng hapon sa Adamson Gymnasium.


Sinubukang maghabol ng Akari matapos mameligrong mawalis upang mapwersa ang deciding set para sa winner-take-all finals. Gayunpaman, nanatiling kalmado ang 24-anyos na setter sa naging kahinatnan ng laro, upang magsilbing aral sa mga naging pagkakamali sa kabuuan ng laro na kanilang mababago sa itatakbo ng mga laro sa PVL.


Wala umanong maaaring maging anong dahilan o palusot sa nakuhang pagkatalo na naglaro wala ang twin towers na sina Dindin Santiago-Manabat at Celine Domingo kontra sa batang-batang grupo ng Adamson na naghahanda naman para sa nalalapit na pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament sa Pebrero 17.


Marami kaming natutunan sa game na ito kasi first of all, down kami ng two sets. Doon namin talaga makikita kung ano 'yung mga real-life situations na kung paano namin i-overcome 'yun. So importante sa amin 'yung experience na 'yun. Na-experience namin 'yun dito,” pahayag ng dating De La Salle University Lady Spikers playmaker sa One Sports.


 
 

ni G. Arce @Sports | February 8, 2024



Hindi pinalampas ni PLDT High Speed Hitter opposite spiker Kim Kianna Dy ang pagkakataon na makasamang muli ang kanyang mga dating kakampi sa nabuwag na F2 Logistics Cargo Movers upang isagawa ang mala-mini reunion sa paboritong lugar nilang volleyball court.


Matagal na nakasama ni KKD ang mga dating katropa sa Cargo Movers na sina Dawn Macandili-Catindig ng Cignal HD Spikers at sina Aby Marano at Ara Galang ng Chery Tiggo Crossovers kasunod ng pagtatapat ng dalawang koponan sa isinasagawang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League, na minsan nilang ibinulsa noong 2021 edisyon para sa dating koponan.


Inilabas ni Dy sa kanyang social media story ang muling pagsasama para makapagpakuha ang mga ito sa magkahiwalay na larawan, matapos ang walong taong pagsasama sa Cargo Movers kasunod ng limang kampeonato sa Philippine Super Liga at isa sa PNVF, kung saan tinanghal na MVP at Best opposite hitter si Dy, habang Best Middle blocker si Marano at si Macandili-Catindig naman ang Best Libero.


Sa naturang laro ng Cignal at Chery Tiggo ay nagtagumpay ang una sa pamamagitan ng straight set sa 28-26, 25-19, 27-25, kung saan tumapos ng apat na puntos si Marano at lima kay Galang, habang patuloy na nagpamalas ng husay sa floor defense si seven-time pro-league Best Libero na si Macandili-Carindig.


Patuloy namang nagpapalakas si Dy para sa kanyang pagbabalik sa laro para sa PLDT sa darating na 7th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Pebrero 20 kasama ang mga dating kakampi sa Cargo Movers na sina Kim Fajardo at Majoy Baron upang matulungan ang koponan na makuha ang kauna-unahang podium finish sa liga sapol ng 2021 Open Conference. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page