top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | February 28, 2024





Mga laro bukas (Huwebes) (Philsports Arena, Pasig City)


4 n.h. – Farm Fresh vs Capital1


6 n.g. – Akari vs Creamline 


Sumubsob nang husto sa sahig si team captain at ace libero Kath Arado upang bantayan ang depensa ng PLDT High Speed Hitters upang maiselyo ang panibagong straight set panalo sa bisa ng 25-17, 25-23, 25-22 kontra NXLed Chameleons sets sa unang handog na laro ng double-header ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.


Tumapos ang 3-time league Best Libero ng kabuuang 29 excellent digs at 12 excellent receptions para tanghaling best player of the game, habang lumista  si Filipino-Canadian Savannah Dawn Davison ng triple-double sa 13 puntos mula lahat sa atake, kasama ang 10 excellent digs at 10 excellent receptions, habang sumegunda sa opensa si middle blocker Jessey De Leon sa 11pts mula sa 9 NA  atake at 2 service ace, gayundin si multi-awardee middle blocker Majoy Baron na nag-ambag ng 10pts, samantalang namahagi ng husto sa opensa si playmaker Kim Fajardo na may 19 excellent sets at isang puntos.


Inumpisahan lang namin sa training, 'yung mindset lang talaga ng bawat isa na gusto naming i-continue yung panalo, kase pinaghihirapan namin sa training tsaka binibigay talaga namin 'yung sacrifices ng mga coach para maging sa amin na ito, talagang gawa talaga kami para mag-improve pa,” wika ng three-time league Best Libero na sasamahan ang Chery Tiggo Crossovers sa maagang pagsosyo sa 2-0 liderato. “Gusto ko lang talaga manalo, tsaka given na magaling ang NXLed in terms sa defense, sa lahat so talagang pinag-aralan namin, ibinigay namin 'yung respeto na hinihingi ng NXLed sa amin, tsaka 'yung kagustuhan naming manalo,” dagdag ng dating UE  Lady Warriors.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | February 27, 2024





Maaaring hindi lamang paghahanda sa isang exhibition bout ang pinagpaplanuhang isagawa ng nag-iisang eight-division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao ngayong taon dahil sa dalawang nakalatag na laban na magsisilbing daan sa pagbabalik nito sa bigating bakbakan kontra sa parehong boksingerong Briton na sina Conor “The Destroyer” Benn at dating world champion Kell “The Special One” Brooks.


Inihayag ni Matchroom Sport chairman at promoter Eddie Hearn sa social media na nakakabigla umanong makakuha ng paghamon galing sa kampo ng Filipino boxing legend na interesadong tapatan si dating World Boxing Association (WBA) Continental (Europe) welterweight titlist na si Benn para magbalik sa tunay na laban sa pro-fight.


Manny Pacquiao contacted us the other day. He's contacted us for the fight, his people. So, I don't think there's many [boxers] that aren't calling out Conor Benn... Absolutely [I'd make Benn vs. Pacquiao]. Bob Arum was talking about [Pacquiao] fighting Josh Taylor, yesterday. Is Conor Benn better than Josh Taylor? I think so,” pahayag ni Hearn sa panayam ng Freebets.com


Minsang nabuhay ang espekulasyon sa harapan nina Pacquiao at Benn noong isang taon matapos ibunyag din mismo ni Hearn na potensyal na magkaharap ang dalawa, habang dalawang beses na nagpositibo sa ipinagbabawal na performance-enhancing substance (clomiphene) si Benn na nanatiling undefeated sa panalo kontra kay Peter Dobson noong Peb. 3 na nauwi sa unanimous decision panalo.


 “I wouldn't shy away from it if it made sense for me, and boxing fans wanted to see it happen. Maybe we could get Amir Khan or Manny Pacquiao back in the ring,” sambit ni Brooks na may magandang 40-3 rekord kasama ang 28 panalo mula sa knockouts. “Manny Pacquiao is a legend, of course, I'd love to share the ring with him. It would be an honor.”


 
 

ni Gerard Arce @Sports | February 27, 2024





Hindi tulad ng nalasap ng dalawang kababayang Pinoy sa Japan, napanatili ni dating International Boxing Organization (IBO) flyweight champion Dave “Dobermann” Apolinario ang kanyang malinis na kartada ng patumbahin ang Thai boxer Tanes Ongjunta sa bisa ng fourth round knockout nitong nagdaang Huwebes sa Korakuen Hall sa Bunkyo, Tokyo.


Nalampasan ni Apolinario ang third-round knockdown upang samantalahin ang kapaguran ni Ongjunta ng bumitaw ito ng malutong na kaliwang straight na nagpatumba sa Thai boxer. Nagawa pang makatayo sa ito sa bilang ni referee Yuji Fukuchi, subalit hindi pinalampas ni Apolinario ang pagkakataon na banatan ng husto ang katunggali sa pamamagitan ng power punches kabilang ang pantapos na kanang uppercut upang tuluyang itigil ang laban sa 1:44 ng ika-apat sa nakatakdang 8 round.


Dahil sa panalo ay lalo pang iniangat ang kartada nito sa 20-0 kasama ang 14 panalo mula sa knockout habang nakatakdang maghanda ito para sa World Boxing Association (WBA) flyweight title na tangan-tangan ni Seigo Yuri Akui ng Japan na nagawa namang maagaw ang korona kay Artem Dalakian ng Ukraine sa bisa ng 12-round unanimous decision nitong nagdaang Enero 23 sa Edion Arena sa Osaka, Japan.


Inamin ng promoter at manager ni Apolinario na si Jim Claude Manangquil na naging pabaya ito sa kanyang laban kaya’t inabot ng kanang suntok ni Ongjunta, dahilan ng mainit na palitan ng suntok sa gitna ng ring na nagresulta rin sa pagsasalubong ng ulo ng bawat boksingero upang magtamo ng cut ang Thai boxer.


Ito ang ikalawang sunod na panalo ni Apolinario sa Japan ng naunang tinalo si Mexican Brian Mosinos sa eight-round unanimous decision noong Agosto 30, 2023, na sinundan ng pagpapasuko sa parehong taon kay Indonesian Frengky Rohi noong Pebrero 11 General Santos City.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page