top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | March 12, 2024





Isang suntok na lang tungo sa pangarap na kwalipikasyon sa 2024 Paris Olympics ang kinakailangang mapagtagumpayan nina 2020+1 Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio at 2024 Boxam International Tournament titlist Aira Villegas matapos magwagi sa magkahiwalay na dibisyon sa First Olympic Qualifying Boxing Tournament 2024 kahapon sa E-Work Arena sa Busto Arsizio, Italy.


Nakamit ni Petecio ang isang silya sa semifinals nang  banatan nito ang 5-0 unanimous decision kontra 2024 World Boxing Cup: Great Britain Open titlist Maud Van der Toorn ng Netherlands sa quarterfinals. Makakatapat ni Petecio si 2016 European Championships bronze medalist at Tokyo Olympian Esra Yildiz ng Turkey, ngayong Martes ng umaga (Lunes ng gabi sa Italy).  


Impresibo sa kanyang mga nagdaang laban ang 31-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur matapos tapusin ng maaga ang laban kay Andjela Brankovic ng Serbia sa first round Referee Stop Contest sa Round-of-64. Sunod na nakakuha ng knockdown patungo sa unanimous decision kontra kay Claudia Nechita ng Romania sa Round-of-32 at panibagong dominasyon sa Round-of-16 laban kay Canan Tas ng Germany.


Misyong makabalik muli sa Olympiad ng 5-foot-4 southpaw na maaaring huling suntok na sa Summer Olympic Games para sa matinding dibisyon na tanging dalawang boksingero lang ang may  puwesto sa 2024 Paris Olympics.


Sakaling magtagumpay si Petecio laban sa 26-anyos na Turkish boxer ay maaaring makatapat nito ang magwawagi sa sariling semifinals nina Julia Szeremeta ng Poland at 2022 US Nationals featherweight titlist Alyssa Mendoza ng Estados Unidos sa Finals.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 10, 2024





Paldo sa kanyang mga nilikhang atake ang power spiker Filipino-Canadian na si Savannah Dawn Davison ng pangunahan ang panibagong panalo para sa PLDT High Speed Hitters ng walisin ang Capital1 Solar Energy Spikers sa iskor na 25-13, 25-15, 25-16 straight set sa unang laro ng triple-header ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference, kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.


Bumanat ng kabuuang 22 puntos mula sa 19 atake, kasama ang 2 blocks at isang ace si Davison kasama ang 9 excellent digs, katulong si Fiola Ceballos na tumapos ng 10 puntos mula lahat sa atake at isang excellent reception tungo sa 3-1 kartada sa likod ng mga unbeaten na Cignal HD Spikers, Choco Mucho Flying Titans at defending champs na Creamline Cool Smashers.


Nag-ambag din ng kontribusyon sa panibagong panalo, upang makabawi sa pangwawalis na naranasan kontra Petro Gazz Angels noong nakaraang linggo, sina Erika Santos (anim), Dell Palomata (lima) at Kim Fajardo (apat), habang may 12 excellent sets at 2 puntos si Rhea Dimaculangan at magandang depensa ni Kath Arado sa 13 excellent digs at 6 na excellent receptions.


Samantala, nagposte ng panibagong career-high si UST Golden Tigresses outside spiker Angeline “Angge” Poyos upang dalhin sa ika-5 sunod na panalo ang koponan at manatiling undefeated matapos walisin ang nagpapalakas pa lang na Ateneo Blue Eagles sa iskor na 25-19, 25-16, 25-19 straight set sa unang laro ng 86th UAAP women’s volleyball tournament, kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.


Hindi matatawaran ang mga ibinuhos na puntos ng super-rookie spiker nang magtala  ng 26 puntos mula sa 21 atake, 3 aces at 2 blocks, kasama ang limang excellent digs at apat na excellent receptions upang manatiling nasa tuktok ng liderato ang UST tangan ang 5-0 kartada. 


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 8, 2024





Mga laro bukas (Sabado) (FilOil EcoOil Arena, San Juan City)


2 n.h. – Capital1 vs PLDT


4 n.h. – Akari vs Petro Gazz


6 n.g. – Farm Fresh vs Chery Tiggo

 


Inilista ng Creamline Cool Smashers ang kanilang ikatlong dikit na panalo upang sumosyo sa liderato kasunod ng pangwawalis sa wala pang panalong Galeries Tower Highrisers sa bisa ng 25-22, 25-17, 25-14 na straight set kahapon, sa paunang laro ng double-header ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Hinandugan ng mahuhsuay na sets ni ace playmaker Kyle Angela Negrito ang mga kakampi sa Creamline ng tumapos ito ng 18 excellent sets ng dating Far Eastern University Lady Tamaraw kasama ang dalawang puntos, upang mabigyan ng balanseng opensiba ang mga kakampi na tanging si opposite hitter Michele Gumabao ang tumapos ng doble pigura sa 10 puntos, habang pumalo rin si three-time conference MVP Diana Mae “Tots” Carlos ng siyam puntos, Alyssa Valdez ng walo, middle blocker Lorie Lyn Bernardo at tig-lima nina Bernadeth Pons at Jessica “Jema” Galanza.


Nakasama ng Creamline sa tuktok ng liderato ang sister-company nitong Choco Mucho Flying Titans na may 3-0 kartada na sunod na tatargetin ang ika-apat na sunod na panalo laban sa nangungulelat na bagong koponan na Strong Group Athletics sa Martes sa pambungad na laro sa alas-4:00 ng hapon, na susundan naman ng magbabawing Galeries (0-3) kontra sa naghahanap ng unang panalo na NXLed Chameleons sa alas-6:00 ng gabi sa Philsports Arena.


“Nag-focus lang kami sa system ni coach Sherwin [Meneses] at ma-execute ito ng mabuti kaya sinubukan naming na hindi sila palamangin. Playing against Galeries, talagang ‘di naman madali, there is no easy team sa liga ngayon,” pahayag ng 27-anyos mula Bacoor, Cavite.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page