top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | March 25, 2024





Matagumpay ang naging laban ni 2020+1 Tokyo Olympics bronze medalist at 2024 Paris-bound Eumir Felix Marcial nang pataubin ang dayuhan na si Thoedsak Sinam ng Thailand sa loob lang ng 4 rounds sa bisa ng kaliwang uppercut sa main event ng “Home Coming” match nitong Sabado ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.


Bumitaw ng panapos na upak si Marcial sa 4th round sa katawan at mukha ng Thai boxer hanggang uppercut sa 1:33 at hindi makabangon nang bilangan ni international referee Danrex Tapdasan.


Napahaba pa ng 28-anyos mula Zamboanga City ang winning streak sa 5 kasunod ng super-middleweight bout na pinanood ng iba pa pro-boxers na sina dating unified super-bantamweight titlist Marlon “Nightmare” Tapales, dating super-flyweight champ Jerwin “Pretty Boy” Ancajas, future boxing champion Carl Jammes Martin at maging ni Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio para suportahan ang kasama sa national team.


Magsisilbi itong huling laban ni Marcial (5-0, 3KOs) sa pro fight ngayong taon upang paghandaan ang 2024 Paris Games.  Magsasanay sila sa US Olympic Training Center sa Denver, Colorado simula sa Abril 9 para sa 2-weeks training at mini-tournament  habang muling babalik sa Pilipinas ng dalawang linggo at magtutungo ng Thailand para sa panibagong training bago ang aktuwal na huling Olympic Qualifying Tournament.


Naunang sinabi ni Marcial na pangarap nitong maibahagi sa mga kababayan ang husay sa  boksing matapos muling magkwalipika sa Summer Olympic Games. Nasaksihan din nina Philippine Olympic Committee (POC) President Mayor Abraham “Bambol” Tolentino, Senator Francis Tolentino at World Boxing Council (WBC) President Mauricio Sulaiman ang ipinakitang magandang panalo sa mga kababayan, habang patuloy ang suporta nina MP Promotions President Sean Gibbons, Viva Promotions head Brendan Gibbons at Sanman Promotions CEO Jim Claude Manangquil.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 24, 2024





Mga laro sa Martes (Philsports Arena, Pasig City)


2 n.h. – Petro Gazz vs Capital1


4 n.h. – Chery Tiggo vs NXLed


6 n.g. – Cignal vs Creamline


Itinatag ng Galeries Tower Highrisers ang kanilang ikalawang sunod na panalo mula sa pambihirang laro ni Grazielle Bombita upang madaling palambutin ang Strong Group Athletics Corp. sa pamamagitan ng straight set sa 25-17, 25-14, 25-12, kahapon sa unang laro ng nakalatag na triple-header sa pagpapatuloy ng aksyon sa elimination round ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Ynares Center sa Antipolo City.


Bumomba ang beteranong spiker na si Bombita ng kabuuang 16 puntos mula sa 15 atake at isang ace kasama ang tatlong excellent receptions upang dalhin sa 2-4 kartada ang koponan, habang nilugmok sa 0-6 marka ang Strong Group na patuloy na hinahanap ang kanilang unang panalo sa liga.


Mate-test talaga yung patient mo sa training namin, kumbaga du'n mo mailalabas kung gaano ka katatag sa sitwasyon na 'yun at kung paano mo masosolusyunan 'yung patient mo during our training, siguro pinaghugutan ko 'yung mga team mates at coaches ko sa tiwalang ipinagkakaloob nila, kumbaga andu'n yung faith at belief na kaya naming ma-execute yung plan ng team,” wika ng 33-anyos na outside hitter, na muling nasaksihan ang kahusayan kasunod ng masaklap na ACL injury na nagpatigil sa kanyang paglalaro ng nagdaang limang torneo.


Nasundan ng Galeries ang kanilang unang panalo kasunod ng fifth-set panalo kontra Capital1 Solar Energy Spikers, kung saan rumehistro rin si Bombita ng 12pts mula sa 11 atake para sa kanilang ikalawang panalo sa liga sapol ng sumali ito noong nagdaang komperensiya.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 23, 2024





Kakailanganin lamang ng kaunting pahinga ni Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial matapos ang kanyang professional fight ngayong Sabado kontra Thai boxer Thoedsak Sinam para sa “Home Coming” match sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila dahil nakatakda itong sumama sa national boxing team para sa isang training camp at kompetisyon sa Estados Unidos at Bangkok, Thailand.


Ipagtatanggol ni Marcial ang kanyang malinis na 4-0 kartada na sasabak sa super-middleweight division kasunod ng pagtuntong sa 165-pounds sa opisyal na weigh-in na ginanap nitong Biyernes ng umaga sa Badminton VIP Conference room sa Rizal Memorial Sports Complex para pagbidahan ang 10-fight card na nakatakdang simulan bandang 4 p.m. Lumapag naman sa 168-lbs ang Thai boxer na si Sinam (23-13, 19KOs) na may two-fight winning streak na parehong nagtapos sa knockout kontra sa mga kababayang sina Thirasak Yipaeng at Virad Panyagonpivad.


Mahigit isang taong nabakante sa pro-fight dulot ng preparasyon at pagsabak sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China na nagbigay sa kanya ng susi patungo sa 2024 Paris Olympics sa pagtuntong sa Final round ng men’s under-80kgs division.   


Inihayag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo na matapos ang kanyang obligasyon sa pro-ranks ay nakatakda itong sumama patungo sa US Olympic Training Center sa Denver, Colorado sa Abril 9 para sa dalawang linggong training camp at isang mini-tournament kasama ang sasabak sa qualifying at tatlong Paris-bound, habang muling babalik sa Pilipinas ng 2 linggo at muling tutulak patungong Thailand para sa panibagong training camp bago ang aktuwal na huling Olympic Qualifying Tournament.


He’s just finishing his contractual obligations in the Pro, [and] after the fight, he will rejoin the national team in preparation for the Paris Olympics. Kasama rin siya sa US, Bangkok, will be with the national team moving forward,” pahayag ni Manalo, Martes ng umaga, sa lingguhang Philippine Sportswriter Association (PSA) Forum sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page