top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | March 27, 2024





Matagumpay na napagwagian ng national athlete na si Jerald Villarde ang korona ng men’s 69kgs division sa 5th World Muaythai Championship, habang limang gintong medalya ang kinubra ng Philippine squad sa katatapos lang na kompetisyon nitong Marso 11-16 sa Pattaya, Thailand.


Pinangunahan ng Criminology student ang grupo ng magkakaibang kinatawan sa bansa matapos magsama-sama upang dumalo at sumabak sa naturang kompetisyon na kinabibilangan ng Khru Isko Wangag ng Team Baguio, Team Kalinga ni Khru Daniel Gumilao, Team Pasig ni Khru Yai Ceasar Turingan at MTBSA Philippines na pinamumunuan ni Grandmaster Jaime Ines. 


Napagtagumpayan ng Arellano University Criminology student ang unang laban kontra kay Raul Mario Al Magro Sanchez ng Spain, habang sunod nitong tinalo si Manuel Roldou ng Espana, patungo sa championship fight laban kay Maxim Ignatenko ng Russia.


Nanalo ng titulo sa women’s 45kgs division si Yheny Joyce Putao, habang ginto rin ang kinubra nina Jaybee Hernandez sa men’s 62kgs, Dave Gayong men’s 52kgs, Nanette Sumbang sa women’s 42kgs, Audhrie May Bacod sa women’s 52kgs at Krisha Facsoy.


We are representative ng MTBSA (Muaythai, Muay Boran Boran Sports Association) na nakabase sa Thailand. We were lucky to gain 2 Championship Belts by Gerald Villarde and Yhennie Putao and 5 Gold Medals,” pahayag ni coach Turingan kasama rin sa naturang kompetisyon sina GM Ignes, John Derick Ignes (Coordinator), Daniel Gumilao(Trainer), Francisco Wangag Jr. (Trainer), Christine Anne Turingan (Physical Therapist) at Cebastian Jeremy Balo (Team Nurse).


Puntiryang ipagpatuloy ng MTBSA ang kanilang magandang simula ngayong taon sa pagsabak sa Philippine Invitational Challenge sa darating na Setyembre, kung saan nakatakdang kaharapin ni Villarde si Malaysian Champion Kai Chee, habang papalo rin ang grupo nito sa Asian Tournament sa India sa Disyembre. 


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 26, 2024





Isang nakatutulig na bigwas sa sikmura ang pinadapo ni Noli James “The Explosive James” Maquilan kay kay Benny “The Bull” Canete sa 7th-round ng  12-round main event para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) Asian Continental bantamweight title fight sa Manny Pacquiao: Blow-By-Blow boxing fight, habang pinarangalan ang iba’t ibang personalidad sa Philippine Boxing sa First Pacquiao-Elorde Awards Night, Linggo sa Okada Manila Hotel and Casino sa Paranaque City.


Nabalewala ang kalamangan sa nagdaang 6 rounds ng Omega Boxing stable boxer na si Canete (10-2, 7KOs), nang magibat sa matinding suntok sa sikmura ni Maquilan (9-1, 6KOs) at hindi na nakabangon sa 7th round. 


Sapat ito upang pahabain ng tubong Compostela Valley ang winning streak sa 9 at kanain ang ikatlong knockout victory.  Nakabawi naman si Giemel “Pistolero” Magramo sa 7th-round TKO pagkatalo noong Set. 18 sa Japan laban kay Anthony Olascuaga nang dominahin si Denmark “Tornado” Quibido para sa PBF super-flyweight bout at hirangin na “Best Fight of the Year”  matapos ang eight-fight boxing match.  


Boxer of the Year sina dating unified International Boxing Federation (IBF) at WBA super-bantamweight champion Marlon “Nightmare” Tapales at dating WBO minimumweight title holder Melvin “Gringo” Jerusalem. 


Sobrang masaya ako sa award na ibinigay ng First Pacquiao-Elorde awards, tsaka alam namin 'yung mga pinagdaanan namin at nabigyan ng karangalan 'yung mga pinagsikapan namin,” pahayag ni Tapales na kasamang binigyan ng pagkilala ang head coach na si Ernel Fontanillas bilang Best Trainer at ang promoter at manager nitong si Jim Claude Managquil bilang Best Manager. “Alam naman natin na si Flash Elorde ang nagbukas ng boxing para sa mga Filipino at si sir Manny Pacquiao na napakalaki ng naibigay niya sa amin na patuloy na sinusunod namin 'yung yapak niya.”


 
 

ni Gerard Arce @Sports | March 25, 2024





Binira ng magkakasunod na banat ni up-and-coming boxing star Emmanuel Joseph “Eman” Bacosa-Pacquiao ang kasuntukan nitong si Davaoeno Jan Clyde Langahin sa pamamagitan ng third-round referee stoppage sa kanilang four-round lightweight bout kahapon sa Blow-By-Blow boxing event sa Okada Manila Hotel and Casino sa Paranaque City.


Nagawang ipatigil ni referee Elmer Costillas ang kanilang laban sa oras na 1:00 ng third round kasunod ng sunod-sunod na upak na natanggap ni Langahin upang mas mapahaba ni Bacosa ang kanyang winning streak sa tatlo kaantabay ang tatlong knockouts. “Nag-advice syang lagi kang mag-train hard, wag mo indahin ang both fights, kung ano yung training mo nung nakaraan, ganun pa rin ang gagawin mo sa susunod. Keep on improving lang,” pahayag ni Bacosa sa harap ng media. “Masayang-masaya ang puso ko saka nagpapasalamat ako sa lahat ng taong sumusuporta sa akin, saka sa pamilya ko, sa daddy ko, na pinagkukunan ko ng motivation at inspirasyon.”  


May pagkakataon na mapapatumba ni Bacusa (3-0-1, 3KOs) si Langahin sa unang round pa lamang matapos magpatama ng mga solidong suntok kabilang ang ilang straight at hooks sa mukha na nagpa-atras ng husto sa kalaban. Subalit bahagyang nawala ang momentum sa isang pagkakamali ng referee, dulot ng pagtunog ng clapper na senyales ng 10 segundong nanatili sa laro. “Sa tingin ko (tapos na 'yung laban), pero dahil sa injured hand ko, kase during training po na-injured yung kamay ko, mga ilang days pa siyang naka-cask,” paglalahad ng 5-foot-10 mula General Santos City.


Nagtapos sa tabla ang laban nina Ramil Barrios at Michael Asuncion sa minimumweight bout, habang nauwi rin sa tabla ang laban nina Ronerick Ballesteros at Japanese boxer Kenshin Kidoguchi sa lightweight division.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page