top of page
Search

ni Gerard Arce / Clyde Mariano @Sports | April 3, 2024





Hindi pa man nagsisimula ang boksing, malaki na ang paniniwala ng kampo ni newly-crowned World Boxing Council (WBC) minimumweight champion Melvin “Gringo” Jerusalem na magagawa nitong maiuwi ang korona  dahil sa epektibong mahusay na pagpaplano at matinding pagsasanay para talunin ang hometown bet na si Yudai Shigeoka ng Japan nitong Linggo ng gabi sa International Conference Hall sa Nagoya, Japan. 

 

Matinding pangitain ang nakita ni head trainer Michael Domingo isang linggo bago ang laban kontra sa dating Japanese champion dahil puntirya ng kampo ni Jerusalem na pabagsakin ang panganay na Shigeoka, kung saan nagkatotoo ang mga ito ng dalawang beses nitong patumbahin ang katunggali sa third at sixth round upang makatulong ng malaki.


Ilang araw na lang mayroon na tayong kampeon para sa Pilipinas,” mga katagang binitawan at pinangako ni Domingo nang makausap ito sa First Pacquiao-Elorde Awards Night sa Grand Ballroom ng Okada. “Pinaghandaan natin maging 'yung katawan ni Melvin, kahit patamaan niya iyon. Mayroon kaming ginawa para paghandaan 'yung suntok ni Yudai.


Napanood namin ang mga laban niya, kaya tingin namin kayang-kaya,” dagdag ni Domingo kasama si Jerusalem na dumalo rin kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon. 


Mission accomplished,” sabi ni Jerusalem sa PSA kasama ang manager Jim Claude Mananquil. Aniya, dumaan siya matinding pagsubok bago niya nakamit ang tagumpay at biguin ang Japanese crowd na bilib sa kanilang kababayan. “Desire, aspiration, and determination ang nagdala sa akin sa tagumpay. Masaya ako nagawa ko,” habang hawak ang WBC belt. “Ang panalo ko ay parang belated birthday gift sa aking kaarawan,” aniya na nagdiwang ng kanyang 30th birthday noong Peb. 22.


Naipaghiganti ni Jerusalem ang pagkatalo nina Jonas Sultan, Jerwin Ancajas at Marlon Tapales. Bukod sa masinsinan at dikdikang pagsasanay at paghahanda ang pinagtuunan ng pansin ni Jerusalem, pinaghugutan din nito ng malaking inspirasyon at motibasyon ang Japanese girlfriend na si Yurino na pormal ng ipinakilala sa madla kasunod ng panalo kay Yudai.      


 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 2, 2024





Muling ibinalik sa mapa ng mundo ni two-time World champion Melvin “Gringo” Jerusalem ang Pilipinas matapos matakasan ang dating kampeon na si Yudai Shigeoka ng Japan sa bisa ng 12-round split decision para sa World Boxing Council (WBC) minimumweight title, Linggo ng gabi sa International Conference Hall sa Nagoya, Aichi, Japan.


Naging malaking sandalan ni Jerusalem ang nakuhang dalawang knockdown sa third at 6th rounds upang mapagdesisyunan ng mga huradong sina Jae Bong Kim ng South Korea at Barry Lindenman ng US na ibigay ang iskor na 114-112, habang nakita ng huradong si Malcolm Bulner ng Australia ang 113-114 para kay Shigeoka upang biyayaan ang Pilipinas ng panibagong kampeon.


Ito ang ikalawang panalo ni Jerusalem (22-3, 12KOs) sa bansang Japan matapos nitong kunin ang naunang titulo na World Boxing Organization 105-pound title belt noong Enero 6 noong isang taon matapos patumbahin si Japanese boxer Masataka Taniguchi sa bisa ng 2nd round TKO sa EDION Arena, Osaka Prefectural Gymnasium sa Osaka, Japan.


Gayunman, eksakto rin ang buwelta ni Jerusalem sa dating Japanese champion na si Yudai (8-1, 5KOs) para sa unang pagkatalo nito matapos mawala sa mga kamay ang WBO titulo laban kay reigning titlist Oscar “El Pupilo” Collazo ng Puerto Rico noong Mayo 27, 2023 sa Fantasy Springs Casino sa Indio California sa Amerika na nagresulta sa 7th-round technical knockout kasunod ng problema sa pagbabago ng klima at panahon sa Amerika.


Naging malaking tulong din para sa 30-anyos na tubong Manolo Fortich, Bukidnon ang dalawang knockdowns na nakuha sa third at 6th round dulot ng parehong kanang straight na suntok. Sa unang patama ni Jerusalem ay nakakuha ito ng eksaktong patama dulot ng right counter, habang bumitaw din ito ng kanang banat sa mainit na palitan sa ika-anim para sa ikalawang tumba na parehong nalampasan sa bilang ni referee Steve St. Germain.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 1, 2024





Rumehistro ng panibagong rekord bilang lokal na manlalaro sa larangan ng women’s volleyball si Diana Mae “Tots” Carlos upang pangunahan ang Creamline Cool Smashers sa ika-6 na panalo upang higitan ang iba pang Pinay spikers na nagtala ng pambihirang 30-point performance.


Lumista ng 38 puntos mula sa 35 atake at 3 blocks ang three-time league MVP na naging pinakamataas na tala sa isang laro na nilikha ng lokal na manlalaro sa Premier Volleyball League (PVL) na siyang naging daan upang malampasan ng Cool Smashers ang matinding pagsubok na hatid ng Cignal HD Spikers sa come-from-behind 5th set panalo sa 26-28, 22-25, 25-22, 25-21, 16-14 nitong nagdaang Martes ng gabi.


Nahigitan ng 25-anyos mula Lubao, Pampanga ang inilistang career-high ni Cherry Ann “Sisi” Rondina ng Choco Mucho Flying Titans sa pro-league, na kontra rin mismo sa kanila noong Second All Filipino Conference Finals noong Disyembre, habang naunahan din nito ang itinala ng kakampi nitong si Alyssa Valdez na 37 puntos noong PVL Open Conference laban sa Bali Pure noong 2017 bilang non-pro rekord.


Gayunpaman, nananatiling nasa tuktok pa rin ng all-time record sa PVL ang 44 puntos ni Akari Chargers import at Olympian Priscilla Rivera ng Dominican Republic laban sa Choco Mucho noong Nob. 3, 2022 sa PVL Reinforced Conference.


Minsan nang nagtala ng 31 puntos ang 5-foot-9 opposite hitter na dating manlalaro ng UP Lady Maroons laban sa Akari Chargers sa 4th set panalo nitong nagdaang Pebrero 29.


Bukod sa mga nabanggit na manlalaro ay nakakuha rin ng 30 puntos ang mga lokal na sina Dindin Santiago-Manabat ng dalawang beses na 32pts na ang isa ay sa laban ng Chery Tiggo Crossovers kontra Creamline sa Game 3 ng PVL Finals sa Bacarra Ilocos Norte; Katrina Tolentino na 31pts sa 2022 PVL Invitationals at iba pa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page