top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | April 14, 2024




Mga laro ngayong Linggo


(Filoil EcoOil Arena)


9 a.m.- JRU vs CSB (men)

11:30 a.m.- JRU vs CSB (women)

2 p.m.- San Beda vs San Sebastian (women)

5 p.m.- San Beda vs San Sebastian (men) 


Pinanindigan ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights na hindi tsamba ang kanilang naunang panalo nang makasungkit muli ng malaking panalo laban sa Final 4 contender na University Perpetual Help System Dalta Lady Altas sa straight set 25-21, 25-20, 30-28 kahapon, upang makasosyo sa maagang liderato sa 99th season ng NCAA women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.

 

Gumiya ng impresibong laro si rookie sensation Gia Maquilang sa itinala nitong 19 puntos kabilang ang pares ng pamatay na hambalos sa third set upang selyuhan ang maagang 2-0 kartada kasama ang reigning at defending titlist College of Saint Benilde Lady Blazers at runner-up na Lyceum of the Philippines Lady Pirates, habang bumagsak naman sa 1-1 ang Lady Altas.  

 

Maagang nagpasikat ang Letran Lady Knights ng naunang silatin nito ang dating three-peat kampeon na Arellano University Lady Chiefs sa bisa ng 16-25, 25-17, 25-17, 25-17 noong Miyerkules. Isa sa mga dahilan na rin ng pag-angat ng laro ng Letran ang pagpasok ni coach Oliver Almadro na paunti-unting ibinabalik ang sigla ng koponan na nais tapusin ang 25-taong pagkagutom sa kampeonato.

 

I thank my players because of the hard work, sacrifices, belief and faith in the system at sarili nila,” wika ni Almadro, na unti-unting inilalagay ang championship culture na nakuha nito sa mga panalo sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP, habang hawak din nito ang University of the Philippines Lady Maroons.        

 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 12, 2024




 

Mga laro ngayong Biyernes

(Filoil EcoOil Arena)


7:30 a.m.- San Beda vs CSB (men)

10 a.m.- San Beda vs CSB (women)

2 p.m.- SSC-R vs LPU (women)

5 p.m.- SSC-R vs LPU (men)

 

Sisimulan ng College of St. Benilde Lady Blazers ang paghahanap sa ikatlong sunod na kampeonato sa pagparada ng trifecta na kinabibilangan nina Jade Gentapa, Gayle Pascual at ang pagbabalik ni dating season MVP Mycah Go laban sa mas pinatatag na San Beda University Lady Red Spikers, habang puntirya ng Lyceum of the Philippines Lady Pirates na makuha ang ikalawang sunod na panalo kontra sa San Sebastian Lady Stags sa double-header na aksyon ng 99th NCAA women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.


Kasunod ng matagumpay na pangwawalis sa nagdaang dalawang season, asam ng Taft-based lady squad na makopo ang ika-apat na kabuuang kampeonato sa pagbabalik ng kanilang team captain na si Go na nakaranas ng season-ending knee injury noong nagdaang season. Sa pagbabalik ng outside hitter ay mas lalo pang palalakasin nito ang puwersa ng mga bataan ni coach Jerry Yee upang bumuo ng dinastiya sa women’s league.


Gayunman, hindi isinasalpak sa ulo ng mga manlalaro ang bigat na hatid ng naturang mga natamasang karangalan sa pagkakaroon ng 30 game winning streak sapol pa noong tumama ang COVID-19 pandemic.


Ang gusto lang po namin ay magtrabaho, ‘yun lang din ‘yung sinasabi ni coach. Hindi na po muna namin iniisip 'yung championship or 'yung three-peat,” pahayag ni Gentapa, na pinarangalan bilang Finals MVP ng nagdaang season. “Yes gusto namin maabot po 'yon pero mas mahalaga if mapanalo muna namin 'yung bawat game.”                                           

 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 11, 2024




 

Mga laro ngayong Huwebes

(Philsports Arena, Pasig City)


4 n.h. – Capital1 vs Akari

6 n.g. – Cignal vs Chery Tiggo 

 

Matinding agawan sa puwesto ang pagtatalunan ng Cignal HD Spikers at Chery Tiggo Crossovers sa importanteng laro ngayong araw upang patatagin ang puwesto sa semifinals sa tampok na laro, habang sisipatin ng Akari Chargers ang kanilang ika-4 na panalo kontra Capital1 Solar Energy Spikers sa pambungad na laro sa mas lumalalim na elimination round ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.

 

Kapwa hangad ng Cignal at Chery Tiggo na makuha ang ika-6 na panalo upang makatabla sa Petro Gazz Angels at defending champions na Creamline Cool Smashers na pare-parehong naghahangad makapasok sa semifinals. Nakatakdang magharap ang Cignal at Chery Tiggo sa main game sa 6 p.m. Puntirya ng Akari na makuha ang ikalawang sunod na panalo laban sa nangungulelat na Solar1 Energy Spikers sa unang laro sa alas-4:00 ng hapon.

 

Buhat ang laro ni Sgt. Jovelyn Gonzaga ng bumuhos ito ng 17 puntos mula sa 14 atake, dalawang aces at isang block kasama pa ang 10 excellent digs at pitong excellent receptions upang walisin ang Farm Fresh Foxies noong nagdaang Huwebes sa 25-10, 25-14, 25-15. Paniguradong naka-alalay rin sa atake sina dating league MVP Frances Molina, Filipino-American Vanessa Gandler, Roselyn Doria, Marivic Meneses at ace playmaker Maria Angelica Cayuna na namahagi ng 18 excellent sets, gayundin ang mahigpit na depensa ni floor defender Dawn Catindig.

 

Buhat naman ng silatin at walisin ang nagtatanggol na kampeon na Cool Smashers, sunod na sinagasaan ng Crossovers ang matikas na lipad ng two-time league champions na Petro Gazz sa fifth set at talunin sa fourth set ang NXLed Chameleons sa 23-25, 25-23, 25-16, 25-20 para sa ikatlong sunod na panalo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page