top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | April 19, 2024




Muling babangon si dating interim World champion Jonas “One Punch Zorro” Sultan upang tuparin ang pangakong makabawi sa huling pagkakadapa sa bakbakan sa pakikipagharap kay Indonesian boxer Flasidus Nuno para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) Asian bantamweight title sa Hunyo 1 sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City.

 

Hindi naging matagumpay ang huling banat ng tubong Tampilisan, Zamboanga del Norte sa nakaraang sabak nito sa ibabaw ng ring kontra kay Japanese rising star Riku Masuda nung Pebrero 24 sa Kokugikan, Tokyo, Japan na nagtapos sa 2:21 ng first-round knockout dulot ng body punch.

 

Nauna ng inanunsyo ng Viva Promotions ang pagbabalik aksyon ng 33-anyos na two-time World challenger na nais pang palaguin ang rekord sa 19 panalo kasama ang 11 knockouts, habang mayroon itong pitong pagkatalo sa undercard match ng Jerwin Ancajas vs Takuma Inoue match, kung saan natalo rin ang Pinoy boxer sa ninth-round knockout.

 

Dalawang beses sumabak sa world title si Sultan laban kina Ancajas para sa International Boxing Federation (IBF) super-flyweight belt nung Mayo 26, 2018 na nagtapos sa 12-round unanimous decision at kay Paul Butler ng United Kingdom sa 12-round decision para naman sa WBO 118-pound belt nung Abril 22, 2022 sa Echo Arena sa Liverpool, England.

 

Patuloy itong sumasabak sa ilalim ng MP Promotions ng nag-iisang eight-division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao at ni President at international matchmaker Sean Gibbons, kasama ang iba pang mga Pinoy boxers, na umaasang magiging maganda ang pagtuloy ng karera tig-dalawang panalo at talo sa nakalipas na mahigit tatlong taon.

 

Mayroon namang impresibong kartada ang Indonesian boxer siyam na panalo mula sa pitong knockouts, kaantabay ang dalawang draw at isang pagkatalo, habang sa nagdaang apat na laban nito ay nagresulta sa knockouts.                     

 

 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 19, 2024




Dumating na ang pagkakataon para sa matagal na hinihintay ni three-time Premier Volleyball League (PVL) MVP at last conference Finals MVP Diana Mae “Tots” Carlos ng Creamline Cool Smashers na maisakatuparan ang hinahangad na pangarap na makapaglaro sa ibang bansa matapos mapabilang kasama sina Mylene Paat ng Cherry Tiggo Crossovers at Mar Jana Phillips ng Petro Gazz Angels para sa 2024 Korean V-League (KOVO) Asian Quota Draft.


Napabilang ang tubong Lubao, Pampanga spiker sa 36 na kandidata para sa draft pool, na kinabibilangan ng iba’t ibang pagpipiliang talent galing sa kontinente ng Asya. Ilan sa mga kilalang personalidad sa draft pool sina Thai sensation Pornpun Guedpard, na naging top pick noong isang taon, gayundin sina Hwaseong IBK at Indonesian standout Megawati Pertiwi.


Matapos mapagwagian ang kampeonato para sa Cool Smashers sa 2023 All-Filipino Second Conference, naunang inamin ng 25-anyos na dating University of the Philippines Lady Maroons opposite hitter na plano nitong maipamalas ang kanyang kakayanan laban sa mahuhusay na manlalaro sa ibang liga sa labas ng bansa.  


Minsang inamin ng dekoradong star hitter, na kumubra ng panibagong scoring record  sa isang laro sa PVL sa 38 puntos laban sa matinding bakbakan kontra Cignal HD Spikers na sakaling dumating ang oportunidad na makapaglaro ito sa ibang bansa ay kukunin nito. Sakaling palarin ay magiging kauna-unahang beses na makalalaro ito sa pandaigdigang liga sa mundo ng balibol.


Magiging ika-apat na manlalaro rin ito mula sa Creamline na naging import sa labas ng bansa kabilang sina Alyssa Valdez sa 3BB Nakornnont sa Thai League, ace playmaker Julia Melissa “Jia” Morado-De Guzman sa Denso Airybees sa Japan V.League, at ang dating kakampi na si middle blocker Celine Domingo ng Akari Chargers na pumapalo naman sa Nakhon Ratchasima Cat Devil.

 

 
 

ni Gerard Arce @Sports | April 17, 2024




Sentro ng atensyon ng Philippine national fencing team ang magawang makapagkuwalipika sa 2024 Paris Olympics na ibabandera ni dating Southeast Asian Games champion at Penn State University captain Samantha Catantan para sa darating na Asia-Oceania Olympic Qualification Tournament simula Abril 27-28 sa Zayed Sports Complex sa Fujairah, United Arab Emirates.  


Tutusok sa ikalawang pagkakataon ang 22-anyos na Pinay fencer na minsang sumubok na makapasok sa 2020+1 Tokyo Olympics, subalit bahagyang kinapos ng makuha ng mahigpit na karibal nito sa Timog Silangang Asya na si Amita Berthier ng Singapore ang isang silya sa Olympiad para sa Asian spot.


Makakasamang susubok ng 31st Hanoi SEAG meet ang mga dating kakampi sa University of the East na sina Nathaniel Perez ng men’s foil at Hanniel Abella ng women’s epee, habang lalaban rin para makapasok sa Summer Olympic Games si Noelito Jose sa men’s epee.


Itinuturing na No.1 foil fencer ng bansa si Catantann a kasalukuyang kumukuha ng kursong Accountancy sa Penn State Nittany Lions, kung saan hindi masyadong pinalad ito sa nagdaang US National Collegiate Athletic Association (NCAA) Fencing Tournament na ginanap nung Marso 22 sa French Field House sa Columbus, Ohio, kung saan tunapos lamang ito sa ika-10th place sa paboritong event kontra sa 24 fencers.


Mabigat ang kakaharaping pagsubok ng dating UAAP juniors MVP dahil kinakailangan nitong magwagi ng ginto sa naturang kategorya matapos pumalyang makapaglaro sa mga nagdaang kwalipikasyon dulot ng tinamong injuries.


Nitong nagdaang 2023 biennial meet na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia, nagawang tumapos ni Catantan ng runner-up finish matapos hindi na magawang makalaban pa sa finals kontra kay Maxine Wong ng Singapore dulot ng injury.  

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page