top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | May 27, 2024


showbiz news
File photo: JN enterprises / FB

Lumikha ng dinastiya ang College of Saint Benilde Lady Blazers nang itala ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato kabilang ang makasaysayang 40th straight na panalo matapos walisin ang katunggaling Letran Lady Knights sa bisa ng 25-18, 25-`7, 25-18 sa women’s volleyball, habang nakamit ng University of Perpetual Help System Dalta Altas ang pambihirang four-peat na korona para sa 25-14, 25-22, 29-27 straight set laban sa Aguinaldo College sa men’s class sa pagtatapos ng 99th  NCAA volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.


Rumatsada para sa bagong 11-0 rekord ngayong season si Gayle Pascual sa 15 puntos upang hiranging  two-time Finals MVP kasunod ng naitalang 135.83 statistical points, habang sumegunda ang bagong sasandalan ng koponan na si Wielyn Estoque sa 11 puntos. 


Nag-ambag din sa CSB Lady Blazers sina last season Finals MVP Jade Gentapa at Michelle Gamit na may tig-8 puntos, middle blocker Zamantha Nolasco sa 7 puntos, floor defender Fional Getigan sa 10 excellent digs at 7 excellent receptions at season Best Setter at season MVP Cloanne Mondonedo na may 16 excellent sets.  “The seniors eager silang tapusin yung sinimulan nilang trabaho and they want to go out with a bang at yung mga bata gusto nilang sundan 'yung yapak ng mga seniors nila,” pahayag ni season Best Coach Jerry Yee matapos ang laro. 


Lubos naman ang pasasalamat ni outgoing ace playmaker Mondonedo sa parangal bilang kauna-unahang setter na nagwagi ng MVP plum at ang Best Setter award.  “Sobrang overwhelmed and excited akong maglaro kanina kase andito sila (Family). Every year naman iba’t iba yung pinagdadaanan namin kada season eh, may mga lapses every season, may mga nawawala kada season, pero napupunan naman ng bawat isa sa amin,” wika ni Mondonedo na iiwanang kampeon ang koponan kasama sina Pascual, Gamit, at Gentapa kaantabay ang malinis na kartada.     

 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 26, 2024


Photo
File photo: Shakey's Super League

Mga laro ngayong araw (Linggo)


(Filoil EcoOil Arena)


10 a.m.- Individual Awarding Ceremonies


Game 2: Best-of-Three Finals


11:30 a.m.- EAC vs UPHSD (men)


2 p.m.- Letran vs CSB (women) 


Paliliyabin ng College of Saint Benilde Lady Blazers ang pagtala sa kasaysayan sa kanilang ika-40 sunod na panalo tungo sa ikatlong diretsong korona laban sa manlalabang  Letran Lady Knights, habang planong itala ng University of Perpetual Help System Dalta spikers ang kanilang ika-apat na sunod na titulo kontra sa Emilio Aguinaldo College Generals, ngayong Linggo ng hapon sa kapwa Game 2 ng best-of-three Finals ng 99th NCAA women’s and men’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City.


Madaling tinapos ng Lady Blazers ang Muralla-based lady spikers sa pamamagitan ng straight set panalo na nasubukan lamang sa unang set, subalit madaling dinomina ang ikalawa at ikatlong set noong isang linggo tungo sa 25-21, 25-15, 25-14 panalo.


Nakatakdang tapusin ng Lady Blazers ang laro sa alas-2:00 ng hapon, habang puntiryang tuldukan ng Perpetual ang laban kontra EAC sa unang laro sa alas-11:30 ng umaga.


Nagtulong-tulong sina Michele Gamit, Gayle Pascual at Zamantha Nolasco upang paslangin ang pag-asa ng Lady Knights sa pagtala ng mga scoring na 14, 14 at 12 points, ayon sa pagkakasunod sa Game 1 upang makuha ang lopsided na 1-0 kalamangan at lumapit muli sa panibagong pangwawalis sa serye, maging sa kabuuang liga, na tatlong sunod na season ng ginagawa ng Lady Blazers.


May isang game pa, trabaho pa rin,” wika ni CSB head coach Jerry Yee na  handang tapusin ng maaga ang serye tungo sa ika-apat na kabuuang titulo ng Taft-based squad. “Bahala kayo kung sabihin nyo boring, mismatch or whatever, but we have to work and secure this.”


 
 

ni Gerard Arce @Sports | May 11, 2024



Kinakailangan na lamang makapanalo ng isa pang laro ng defending at reigning champions na Creamline Cool Smashers upang makuha ang ika-walong titulo sa liga laban sa sister-team na Choco Mucho Flying Titans sa Game two ng best-of-three serye ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference bukas sa Smart Araneta Coliseum.


Gayunman, ayaw magpakakampante ni Creamline coach Sherwin Meneses sa nakuhang 24-26, 25-20, 25-21, 25-16 panalo nitong Huwebes ng gabi para makuha ang 1-0 bentahe sa rematch ng nagdaang season na dinaluhan ng 17, 457 manonood.


“The battle isn’t over yet. It’s just 1-0. We need to secure two wins, so there’s really no reason to celebrate just yet,” bulalas ni Meneses, na nagawang pangunahan ni one-time MVP Jessica Margaret “Jema” Galanza na kumamada ng 20 puntos mula sa 18 atake at dalawang blocks kasama ang 13 excellent receptions, habang sinegundahan ni three-time MVP Diana Mae “Tots” Carlos sa 17pts at 12 digs at dating Choco Mucho middle blocker Bea De Leon na may 11pts, gayundin ang 19 excellent ni Kyle Negrito.


Hindi naging dominante ang preliminaries para sa Creamline na tumapos ng 8-3 kartada, habang nanguna naman ang Choco Mucho sa 9-2, habang winalis naman ng Flying Titans ang semifinals kabilang ang pagtalo sa Creamline, kaya’t itinuturing na may bahagyang dehado ang Creamline sa ika-11th Finals appearance nito. Subalit nagawa pa ring magpamalas ng championship composure ng seven-time champions na humabol sa tatlong sets upang makuha ang unang panalo para pataasin ang morale at pag-iisip ng koponan tungo sa ikatlong AFC korona.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page