top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | July 20, 2024


Sports News
Photo: PVL / FB

Mga laro ngayong araw


(Philsports Arena)


2 n.h. – NXLed vs Chery Tiggo


4 n.h. – PLDT vs Galeries


6 n.g. – Farm Fresh vs Creamline


Hangad ng Nxled Chameleons at Chery Tiggo Crossovers na makuha ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pambungad na tapatan ngayong araw, habang susubukan ng PLDT High Speed Hitters na maipagpatuloy ang mainit na simula kontra sa Galeries Tower Highrisers, samantalang kapwa magbabawi ang 8th-time champions na Creamline Cool Smashers at Farm Fresh Foxies sa tampok na laro sa pagpapatuloy ng opening week ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Kapwa naghangad sa magkahiwalay na laro ang Chameleons at Crossovers, kung saan madibdiban ang pinagdaanang panalo ng Nxled laban sa Galeries sa 5th set, habang madaling kinaldag ng Chery Tiggo ang Farm Fresh sa bisa ng straight set sa 25-13, 27-25, 25-22, habang wala ang mga pambatong manlalaro na sina Eya Laure at Jen Nierva dulot ng naunang pangako sa Alas Pilipinas, patuloy na naipakita ng Chery ang lalim ng bench na nakatakdang sandalan ng kanilang import na si Kath Bell para sagasaan ang Foxies.


Susubukang makakuha ng ibang paraan si NXLed head coach Cheng Gang para mahanapan ng paraan ang harurot ng Chery Tiggo sa unang laro ng 2 p.m. na susundan ng hambalos ni PLDT import Elena Samoilenko laban sa Galeries sa 4 p.m.


Hahanapin naman ng Creamline ang tamang timpla at tamis ng laro kasama ang import na si Erica Staunton laban sa Farm Fresh sa main game  para kumpletuhin ang triple-header ng two-pool tournament single-round robin format. Makakatulong ni Staunton sina Michele Gumabao, Bernadeth Pons, Pangs Panaga at Bea de Leon, na hinihintay ang pagbabalik sa koponan nina Jema Galanza at Jia De Guzman mula sa Alas Pilipinas.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | June 30, 2024


Sports News
Photo: Sydney Sy / IG

Macau, China - Mananatiling malaking hadlang para sa pagpuntirya ng ikatlong titulo sa Asya ni two-time champion at six-time World medalist Sydney Sy-Tancontian ang mahigpit na katunggaling si World No.1 Arailyn Abenova ng Kazakhstan sa women's +80kgs division, habang sasalang din sa mabigat na laban si dating Southeast Asian Games titlist Chino Sy-Tancontian sa men's under-98kgs division sa 2024 Asia-Oceania Sambo Championship sa Forum de Macau Stadium. 


Magbabalik sa prestihiyosong kompetisyon ang Davaoena multi-medalist para pangunahan ang Philippine national squad na layong buhatin ang bandila ng bansa sa pinakamataas na torneo sa Asian Region matapos pagreynahan ang 2019 New Delhi, India at 2022 Jouneih, Lebanon edisyon. Muling makakatapat ng 24-anyos na three-time SEA Games medalist ang Kazakh samboist na makailang beses nakatapat sa iba't ibang torneo. 


Matagal mang nabakante sa balibagan ang dating two-time UAAP gold medalist at Rookie of the Year mula sa University of Santo Tomas matapos maging abala sa mga gawain ng International Sambo Federation (FIAS) bilang chairperson ng FIAS Athletes Commission. "It's always an honor and privilege to serve our country in all types of combat sports, especially in what I love truly most. We're hoping and looking up to deliver and produce what the country is expecting on us ," pahayag ni Sy-Tancontian, na lubos ang pasasalamat sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at sa international at local federation. 


Nakatakda namang sumabak sa unang laban si Chino kontra kay Bolat Sapar ng Kazakhstan, habang maaaring makatapat nito ang dating Japanese Samboist na si Kenichi Nakayama. 


Sasabak din si Paris champion Aislinn Yap sa women's under-80kgs class na layong mahigitan ang tansong medalya noong isang taon sa Kazakhstan.


 
 

ni Gerard Arce @Sports | June 23, 2024


Sports News
Photo: Amper Campaña / FB

Halos kumpleto na ang pagsasa-ayos ng mga pasilidad na paggagamitan at lalaruan ng mga atletang Pinoy mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa sa 2024 edisyon ng taunang grassroots sports program na Palarong Pambansa na nakatakdang simulan sa Hulyo 6-17 na gaganapin sa Cebu City Sports Center sa Cebu City.


Posibleng matapos na ang mga ginagawang rehabilitasyon sa CCSC na nakatakdang bigyan ng ceremonial pre-opening sa Hunyo 27, kung saan ayon sa mga contractor’s ng naturang palaro ay nasa 90 hanggang 96 porsiyento na makukumpleto ang pagsasa-ayos. Inaasahang maipapasa ang kabuuang palaruan sa unang linggo ng Hulyo, na lalahukan ng halos lahat ng nakalinyang pampalakasan.


Ayon sa inilabas na ulat ng pampahayagan sa Cebu City, nagpahayag ng kaluguran si Acting Mayor Raymond Alvin Garcia sa patuloy na pagsulong ng rehabilitasyon na maisaayos ang mga sports equipment sa tamang lugar, habang nakahanda siyang siyasatin ang buong pasilidad upang masiguro ang kahandaan at kasiguruhan ng Palaro. “I will personally check the rooms to ensure everything is ready…On June 27, we will hold a ceremonial pre-opening of the CCSC,” saad ni Garcia sa isang report.


Nabanggit din niya ang lahat ng paghahanda sa pambansang antas ay nasa kaayusan at walang nakikitang anumang problema na maaaring makaapekto sa buong kaganapan. Kumpiyansa siya na ang mga pagbabago sa CCSC ang magpapabilib sa mga bisita, dahil sa mga malalaking pagpapahusay na ginawa.


Inanunsiyo naman ni Department of Education (DepEd) assistant superintendent Adolf Aguilar na sisimulan ang Media accreditation sa Hunyo 27, lalo na sa mga Cebu media na nangangailangang dumalo sa face-to-face applications, habang lilimitahan ang mga dadalo sa opening ceremonies, gayundin ang pagbibigay ng mga ID para sa mahigpit na seguridad. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page