top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | Nov. 3, 2024



Sports News

Sina Custodio, Co, Palanca at Ramirez nang humakot ng gold, silver at bronze medals sa 2024 JJIF World Championships sa Greec. Photo: (pscpix)


Bumalibag muli ng gintong medalya at ikalawang World title si Pinay jiujiteira Kimberly Anne Custodio matapos ibulsa ang korona sa women’s under-45kgs category laban kay Balqees Abdulkareem Abdoh Abdulla ng United Arab Emirates sa bisa ng advantage point, habang nagbulsa ng silver at bronze medal sina Jollirine Co at Daniella Palanca at may tansong medalya si 2019 World jiu-jitsu champion Annie Ramirez upang umabot na sa apat na medalya ang Pilipinas sa magkahiwalay na dibisyon sa ginaganap na 2024 Jiu-jitsu World Championships sa Heraklion, Crete, Greece.


Naunang nagka-titulo noong 2022 edisyon sa Ulaanbaatar, Mongolia, kung saan tinalo nito si Kacie Pechrada Tan ng Thailand, habang nabawian ng 2018 Asian Championships bronze medalists ang kasalukuyang World No.1 para sa tapatan ng top-two athletes, habang nabawian si Balqees na tumalo sa kanya noong 2023.


Bago makuha ng 2019 Jiu-Jitsu Grand Prix champion ang korona ay nagawa muna nitong pasukuin si Abdyyeva Hurma ng Turkmenistan sa iskor na 15-0 sa Round 1, habang isinunod na pasukuin si World No.3 Aysha Alshamsi ng UAE sa bisa ng submission sa Round 2 ng main Pool.


Muling tumapos ng bronze medal si Palanca sa parehong kategorya nang talunin si Abdyyeva sa bronze medal, matapos daigin ni Balqees sa Round 2. Bigo namang makakuha ng medalya si two-time World champion at World No.1 Meggie Ochoa nang tumapos ito bilang No.7 nang talunin ng Thai grappler sa advantage point, habang pinatapik ni Betty Van Aken ng France sa lower bracket.


Nagawang makatuntong sa finals ng World No.8 na si Co matapos talunin Rachel Shim ng Canada sa 6-0. Kinapos naman sa podium finish si women’s under-52kgs World No.1 at 2023 World Games titlist Kaila Napolis nang hindi makalusot kay Michal Baly ng Israel, na dalawang beses siyang tinalo sa Round 2 at battle-for-bronze para tumapos sa ika-fifth spot. (GA) 

 
 

ni Gerard Arce @Sports | August 8, 2024


Sports News
Photo: One Sports / FB

Hindi paaawat sa kanyang pinaka-aasam na pangarap si Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio na muling makabalik sa final round ng women's 57kgs category sa pakikipagharap kay Julia Szeremeta ng Poland sa semifinal round, habang inaabangan naman ang rematch nito kay wo-time World champion Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei na makakatapat naman si 2016 European Championship bronze medalist Esra Yildiz Kahraman ng Turkey sa 2024 Paris Olympics sa Roland Garros Stadium sa capital City ng bansang France.


Mayroon na lang nalalabing huling dalawang laban si Petecio para tuparin ang misyon laban sa 20-anyos na Polish boxer ng alas-3:46 ng madaling araw (oras sa Pinas) ngayong Huwebes. Malaki ang paniniwala ng 32-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur sa kanyang ‘mantra’ na hindi ito mapipigilan makabawi sa maagang pagkakatalsik sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | August 1, 2024


Sports News
Photo: One Sports / FB

Tatangkain ni Pinay southpaw Aira Villegas na mapahaba ang pananatili sa Summer Olympic Games laban kay No.2 seed Roumaysa Boualam ng Algeria sa round-of-16 ng women's 50kgs category, habang kailangang magwagi sa isa pang laban si Carlo Paalam upang makuha ang medalya sa men's 57kgs ng 2024 Paris Olympics boxing tournament sa North Paris Arena sa Roland Garros, France.


Bukod sa panalo, nais ni Villegas na maging regalo ang laban sa kanyang 29th birthday na ipinagdiwang kahapon upang talunin ang 2-time African Championship titlists mula Algeria na may hawak ng Bye bandang alas-2:16 ng madaling araw ngayong Biyernes.


“Same pa rin kami,” bulalas ni women's headcoach Reynaldo Galido. “Kailangan na ‘wag kami magpabaya. [Kung] kailangan na kung kaya naming makalamang sa first round, [dapat] gawin niya na.” Sakaling makalusot si Villegas ay maaaring makatapat nito ang magwawagi kina hometown bet Wassila Lkhadiri ng France at 2018 European Youth at 2017 Junior gold medalists Daina Moorehouse ng Ireland sa q'finals sa Sabado ng 10:50 ng gabi.


Puntirya namang makalusot sa siguradong medalya sa semis si Paalam matapos ang 5-0 unanimous decision win laban kay Jude Gallagher ng Ireland sa men’s bantamweight class Sunod na makakatapat si Australian at No.4 seed Charlie Senior na nakatakdang makaharap sa Sabado ng gabi 9:46.


Nananatiling kumakampanya para sa Pilipinas sa boxing si Tokyo Games silver medalist Nesthy Petecio na sunod na makakalaban si hometown bet Amina Zidani ng France sa Sabado ng madaling araw ng 2 a.m, habang patuloy ng nagpaalam sa kontensyon sina Tokyo Games bronze medalist Eumir Felix Marcial sa men’s 80kgs at Hergie Bacyadan sa women's 75kgs division.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page