top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-10 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tigre o Tiger. 


Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022. 


Ang animal sign na Tiger ay siya ring Aquarius sa Western Astrology na nagtataglay ng planetang Uranus. Higit na mas mapalad at makakaranas ng mga ‘di maipaliwanag at biglaang suwerte ang mga Tigre na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init, kung ikukumpara sa kapatid niyang Tigre na isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


Sinasabing pinakamapalad na oras ng isang Tigre ay mula alas-3 ng madaling araw hanggang alas-5 ng umaga. Ang mapalad naman nilang direksyon ay ang silangan at hilagang-silangan.


Sa pagdi-display naman ng mga pigura na yari sa kahoy, dapat itong ilagay sa gawing silangan at hilagang-silangan upang tiyak na palarin ang Tigre ngayong 2024.  


Samantala, pinaniniwalaan din ng mga sinaunang Chinese Astrologers na bagama’t mahirap pakisamahan at unawain ang isang Tigre, kapag naman may nakasama kang Tigre sa loob ng inyong tahanan, walang duda, maiiwasan n’yo ang mga sakuna, tulad ng sunog, pagnanakaw at bad spirit. Ibig sabihin, kapag may isang Tigre sa loob ng bahay, tiyak na hindi kayo mananakawan, masusunugan at hindi rin kayo dadalawin ng multo o anumang bad spirit.


Isa sa likas na katangian ng Tigre ay ang pagiging aligaga. Lagi silang nagmamadali, pero wala namang natatapos na gawain. Iyon na kasi halos ang likas na buhay ng isang Tigre, ang kumilos nang kumilos, at maghabol nang maghabol.


Kung matututunan lamang ng isang Tigre na mag-manage ng kanilang time, activities at schedule, hindi lamang sa buong isang linggo o buwan, kundi sa loob isang taon, walang duda, sa ganu’ng paraan sila mas higit na magtatagumpay at liligaya.


Dagdag dito, kadalasan ang isang Tigre ay hindi nag-iingat pagdating sa pagpapasya.


Kaya kung matututunan lamang ng isang Tigre ang ugali ng kaibigan niyang Tandang na mahusay magplano, tiyak ang magiging resulta,  isang malaking tagumpay at masaganang pamumuhay ang makakamit ng isang Tigre sa buong taong ito ng 2024.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.




 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-7 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Ox o Baka.


Ang Ox o Baka ay silang mga isinilang noong 1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009, 2021, 2033.


Sinasabing sa ikalawang hati ng 2024, mula sa buwan ng Abril hanggang Mayo, maraming kakaibang sorpresa at hindi inaasahang kapalaran ang magaganap sa buhay ng isang Baka, higit lalo sa aspetong pangpinansyal at pangmateryal na bagay.


Sa panahong ito ng iyong buhay, kusang lalago ang kabuhayan ng Baka, kasabay nito, iba’t ibang uri ng magagandang oportunidad ang darating sa karanasan nila. Kaya naman, dapat silang maging maagap at ipatupad ang diskarteng sunggab agad sa bawat magandang pagkakataon na dumarating upang ang nasabing mga gintong pagkakataon ay madali nilang mai-convert sa pera.


Dagdag dito, sa taong ito ng Dragon, tandaan din na ang tapang at lakas ng loob na may kasamang talino, ang susi para lalong umunlad ang kabuhayan ay agad mong maramdaman na kusa rin naman sa iyong ipagkakaloob ng kapalaran sa buong taon ng 2024.


Sa career at hanapbuhay, maraming mga intriga, paninira at lihim na naiingit sa Baka na lulutang nang paisa-isa sa unang hati o 1st quarter ng 2024. Ngunit ‘wag kang mabahala, kung ang iba ay nagkakampihan laban sa iyo, dahil may isang matitirang kakampi mo at ito ay ang langit. Sino ba naman ang makakatalo sa langit?


Kaya sa buong 2024, anumang sagabal at pagsubok ang iyong kaharapin, partikular sa career at hanapbuhay, sigurado na ang iyong tagumpay.


Gayunman, kahit magtagumpay ka sa career, hindi mo naman dapat pairalin ang sobrang tiwala sa sarili at kayabangan dahil sinasabi ring ngayong Green Wood Dragon, habang nagpapakumbaba ka at hindi mo pinapakitang ikaw ang pinakamahusay at pinakamagaling, lalo kang pagpapalain ng nasa itaas.


Dagdag pa rito, ang mahusay, diplomasya at kunwaring pakiusap, sa halip na pagtataas ng boses at pagiging dominante ay higit na mabisa. Kaya sinuman ang kakausapin mo, lalo na ang mga taong nakakataas sa iyo, kaunting diplomasya at pakiusap ang dapat. Sa ganyang paraan, tulad

ng nasabi na, tuluy-tuloy kang aani ng pag-unlad at kasaganahan sa larangan ng career, negosyo, pangangalakal at hanapbuhay, na magdudulot sa iyo ng tuluy-tuloy na pagtaas ng kita at paglago ng kabuhayan.


Sa aspetong pakikipagkapwa tao at sa pamilya, sinasabing sa taong ito ng 2024, maraming mga plano ang maaantala. Pero, ang pagkaantala o hindi agad magagawang mga proyekto ay pansamantala lang.


Hindi ka dapat ma-stress o mainis, sa nasabing mga pangyayari, dahil tulad ng nasabi na, wala ka namang magagawa sa mga pangyayaring nabanggit dahil tiyak na ganu’n ang magaganap.


Habang ‘yung ibang bagay na inaasahan mong mangyari na hindi naman nangyayari ay mas mainam na balewalain na lang kesa ma-stress ka pa, dahil may pangako ang langit na sa taong ito ng Green Wood Dragon, higit sa inaasahan mo ang mangyayari at mas maganda pa sa iniisip mo ang ipapalit ng langit.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, habang kasama mo ang iyong kasuyo, siya ang magiging suwerte mo sa larangan ng salapi sa buong taon ng Green Wood Dragon. Kaya ‘wag kang lalayo sa kanya, higit lalo sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre. Sa madaling salita, habang kayo’y magkasama, ang aktuwal na mangyayari, “may pera na may bonus pa na masarap na romansa!”


Samantala, kung ikaw ay isang single at wala pang kapareha, mapapansin mo lalakas nang husto ang iyong pang-akit, gayuma at ang iyong karisma. Dahil sa lumulutang at humahalimuyak mong kakaibang ganda at pang-akit, sa buong taong ito ng 2024, walang duda, kung ikaw ay isang lalaki, ikaw ay magkaka-girlfriend na, habang kung ikaw naman ay isang babae, walang dudang magkaka-boyfriend ka na rin ngayong taon, kahit pa na nagdadalawang isip ka.


Wala kang dapat gawin ngayon, kundi samantalahin ang mga pagkakataong ito, dahil minsan lang ngingiti sa iyong puso at kapalaran ng totoong pakikipagrelasyon na may kasamang kakaibang lambing.


Kaya kapag dumating na ang karanasan at senaryong ito sa iyong buhay hanggang sa huling hati ng taong 2024, wala kang dapat gawin kundi magpaubaya. Tulad ng isang berdeng dahon na napigtas sa sanga, dahan-dahang nahulog sa batis, sapagkat, walang duda, dadalhin ka nito sa isang wagas, nakakakilig at maligayang pag-ibig.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-6 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Ox o Baka. 

 

Ang Ox o Baka ay silang mga isinilang noong 1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009, 2021, 2033. 

 

Sa aspetong pang propesyon, sinasabing uunlad, liligaya at magtatagumpay ang isang Baka sa propesyong may kaugnayan sa batas at sa pagpapairal ng katarungan sa mga mahihirap at naaapi, tulad ng judge at iba pang propesyon o katungkulan na ang nature ay humahatol, dahil sa taglay nilang talas ng isipan.


Walang iniiwan sa kuwentong matatagpuan sa Bibliya sa Unang Hari, 3:16-18, kung saan ipinamamalas ni Haring Solomon ang napakatalinong desisyon at paghatol.


Ganito ang istorya, may dalawang babae na magkasama sa iisang bahay ang nagsadya kay Haring Solomon, dahil kapwa sila nanganak nang halos magkasabay na parehong lalaking sanggol. Namatay ang anak nang ikalawang babae dahil nadaganan niya ito habang siya ay natutulog.


“Habang ako po ay natutulog, kinuha niya ang anak ko at dinala sa kanyang higaan at ‘yung patay niyang anak ang itinabi sa tabi ko. Kinaumagahan, nagising ako para padedehin ang aking anak at natagpuan ko na lang ito na patay na. Pero, nang pagmasdan kong mabuti ang sanggol, nakilala ko na hindi iyon ang tunay kong anak.”


Tumutol naman ang ikalawang babae at sinabing, “Hindi totoo iyan! Ang anak ko ang buhay at ang sa kanya ang patay!”


Lalo namang iginiit nang unang babae na, “Mahal na hari, ang anak niya po ang patay at ang sa akin ang buhay!”


Kaya't sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buhay na bata at sa kanya ang patay.”


At sa ikalawa, “Ang sabi mo naman, iyo ang buhay at sa kanya ang patay.”  Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak, at idinala sa kanya ang isang matalim na tabak.  



Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buhay at ibigay ang kalahati sa bawat isa.”


Nabagabag ang puso ng tunay na ina at napasigaw,  “Huwag po, kamahalan! Ibigay n’yo na lang po sa kanya ang bata, basta huwag n’yo lamang itong patayin.”


Sabi naman ng isa, “Sige, hatiin n’yo ang bata, para walang makinabang kahit sino sa amin!”


Kaya’t sinabi ni Solomon, “Huwag n’yong patayin ang bata. Ibigay n’yo sa una, dahil siya ang tunay na ina.”


Ganu’n kagaling humatol ang mga taong isinilang sa Year of the Ox, kaya naman dahil sa taglay nilang mala-Haring Solomon, sa larangan ng pagpapatupad ng batas at makatarungang pagpapasya sa kanilang nasasakupan  ang Baka ay tiyak na kikilalanin, magtatagumpay at labis na mamahalin ng mga taong kanyang pinamamahalaan at nasasakupan.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, bagama’t may pagkapihikan at bihirang makaranas ng tinatawag na love at first sight, mali namang isipin na hindi sila romantiko at hindi rin totoo na hindi sila naiinlab.


Bagama’t may pagka-naive o halos walang gaanong pakiramdam, umiibig pa rin naman ang isang Ox. Ang problema nga lang ay mabagal silang kumilos at mabagal din silang umibig kaya ang akala ng marami ay hindi gaano masarap magmahal ang mga Ox, ngunit ang totoo, praktikal lang sila kung umibig.


Ang magara pa sa isang Baka, oo nga’t medyo mabagal silang umibig at magmahal, kapag nainlab naman sila ay talaga namang seryosohan. Hindi sila papayag na hindi nila mabibigyan ng magandang buhay at masaganang kinabukasan ang taong kanilang iniibig.


Gayunman, may mga sandali na ang Baka ay madali rin mag-init ang ulo o magalit, at kapag nagalit sila, ito ay matagal nilang kikimkimin. Kaya nga sinasabing, mabagal silang magmahal.


Tulad ng nasabi na, bagama’t mabagal mainlab ang isang Ox, kapag nainlab naman sila, bukod sa seryoso at totoo, nagiging tapat din sila. Kaya nakakabuo sila ng isang maligaya, maunlad at panghabambuhay na pakikipagrelasyon lalo na sa mga animal sign na katugma at ka-compatible ng Baka, tulad ng Rooster o Tandang gayundin ang Snake o Ahas at Rat o Daga.


Sa sandaling nagkaroon ng relasyon ang Baka at Tandang, sinasabing agad silang magkakasundo at magkakaunawaan, dahil kapwa sila masipag, praktikal at dedikado sa kanilang mga ginagawa. Kaya kapag ang Baka at Tandang ay nagkatuluyan, tiyak na sila ay yayaman at uunlad nang uunlad.


Habang ang relasyon ng Baka at Ahas ay magiging mapalad din dahil aalagaan ng Ahas ang Baka sa panahong siya ay nahahapo at napapagod. Ang mahiwagang haplos ng isang Ahas ang siyang magpapasigla at bubuhay sa imahinasyon at pagnanasa ng isang Baka.


Ang Daga at Baka ay sinasabi ring compatible. Nangyaring ganu’n, dahil ang Daga tulad din ng Ahas ay tunay ngang maaruga at mapagkalinga na gustung-gusto naman maranasan ng isang Baka.


Ang nasabing mga relasyon, Baka at Tandang. Baka at Ahas; at ang Daga at Baka, tulad ng naipaliwanag na ay sadyang magiging mapalad at maligaya higit lalo kung ito ay mabubuo ngayong Green Wood Dragon, na maghahatid ng suwerte at magandang kapalaran sa nasabing mga animal sign. 


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page