top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-14 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tigre o Tiger. 

 

Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022. 

 

Sa pag-ibig, sinasabing ang Tigre ay laging naghahanap ng mga taong magmamahal sa kanila. Kung saan, hindi mahalaga sa kanila ang mali at tama. Bagkus, ang higit na mas pinahahalagahan nila ay kung sino ang aalalay at tunay na magmamahal sa kanila.


Sinasabi ring likas na maramdamin at malalim magalit ang isang Tigre, gayunman sobra naman itong umibig at magmahal na kadalasang ito rin ang nagiging dahilan kung bakit sila napagsasamantalahan ng mga taong kanilang minamahal. Dahil sa labis na pagmamahal, wala silang tinitira para sa kanilang sarili, tulad ng nasabi na, kapag iniiwan sila ng kanilang mga kasuyo, talaga namang nakakaranas sila ng matinding depresyon at kabiguan.


Dagdag dito, dahil likas na mabait at may mabuting kalooban, sinasabi ring masamang magalit ang isang Tigre, handa nilang gawin ang lahat para makaganti sa mga taong kinamumuhian nila. Pero, kung makikiusap at ipapaunawa mo sa isang Tigre ang nangyaring sitwasyon at humingi ng sorry o tawad sa kanila, mabilis naman silang magpatawad at lumimot sa mga nakaraang kamalian ng kanilang kapwa.


Sa sandaling nakatagpo sila ng pag-ibig, tunay namang ine-enjoy at nilalasap talaga nila ito. Kaya naman sobrang sarap at sagad sila kung magmahal, lalo na kapag natagpuan nila ang isang babae o lalaki na magpapaligaya sa kanila habambuhay. Kaya ang kadalasan na nagiging resulta, agad nilang ibinibigay ang kanilang sarili, pagkatao at kaluluwa.


Mahilig din ang Tigre sa mga bata, kapag may nakakasama silang bata, agad nilang nakakalimutan ang kanilang mga problema at labis talaga silang nalilibang. Kung saan, ang mga bata rin ang nagbibigay sa kanila ng suwerte,  inner happiness at spiritual therapy.


Tugma at ka-compatible naman ng Tigre ang isang Kabayo na kung saan, ang Tigre at Kabayo ay kapwa nagiging masaya sa mga gawaing kanilang natatapos. Dagdag dito, nakakatulong din ang malakas na pakiramdam ng Kabayo sa mga paparating na panganib sa buhay ng mga Tigre. Kung saan, sa mga panganib at suliranin nabanggit na hindi inaasahan ay tiyak namang maililigtas ng Kabayo ang Tigre.


Samantala, handa namang ipagkaloob ng Baboy sa Tigre, ang isang masaya at maligayang pagpapamilya. Gayunman, tugma at compatible rin ng Tigre ang Aso, dahil likas itong matalino. Tunay ngang madaling nauunawaan ng isang Aso ang komplikado at kakaibang ideya na iniisip ng isang Tigre.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-13 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tigre o Tiger. 


Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022. 


Sinasabing likas sa Tigre ang pagiging makatao at maawain lalo na pagdating sa mga mahihirap. Dahil mababa ang loob ng isang Tigre sa mga less fortunate na nilalang, kung kaya’t madalas na siya ay naloloko ng mga taong nagpapanggap na may mabigat na pangangailangan. Kapag may nagmakaawa sa isang Tigre, madaling nababagabag ang kanyang loob, kaya madalas siyang naloloko ng mga taong mapagsamantala.


Kaya naman sinasabing kung hindi mag-iingat ang isang Tigre, muli na namang mauulit ang dating nangyari sa kanya, lalo na ngayong Green Wood Dragon, tiyak na mabibiktima na naman siya ng budul-budol at may babala na maloko na naman siya ng malaking halaga ngayong 2024.


Bagama’t malihim, sinasabi rin na kapag nakapalagayan mo ng loob ang isang Tigre, kahit gaano pa ito kalihim, tiyak na ikukuwento niya ang lahat sa iyo at wala siyang ililihim tungkol sa kanyang buhay.


Gustung-gusto ng isang Tigre na maipahayag ang kanyang saloobin, gayundin ang kanyang ideya, kakaibang experiences niya sa mga taong nakakaunawa sa kanyang kalagayan. Sa mga ganitong uri ng tao, labis na napapamahal ang isang Tigre nang hindi niya sinasadya, dahil dito niya nararamdaman na natagpo na siya ng shoulder to lean on na poprotekta, uunawa, magtatanggol at magmamahal sa kanya habambuhay.


Sa career, kabuhayan at pagnenegosyo, ang Tigre ay may sariling unique at kakaibang style sa pananamit. Kapag na-develop niya ito nang husto, ang nasabing aspeto ang magiging dahilan kung bakit siya kikilanin, kaya maaari siyang kumita ng limpak-limpak na salapi sa mga ideya at style niyang kakaiba. Ito rin ang puwede niyang gawing kalakal o negosyo sa mga bagay na kakaiba at unique na siya lang ang nakakaisip at nakaka-appreciate.


Dagdag dito, sinasabi ring mahilig ang isang Tigre sa mga libangan na mapanganib at puno nang pakikipagsapalaran, tulad ng stunt, race car, driving, daredevil sports at iba pa.  


Puwede rin sa kanya ang career o gawaing may kaugnayan sa public entertainment profession. Sa mga nasabing larangan nakatakdang kumita ng malaking halaga ang Tigre at ito rin ang maaaring magpayaman sa kanya.


Sa aspetong pangkabuhayan, sinasabing madaling kumita ng pera o ang isang Tigre, ang problema lang sa kanya, kung minsan ay sobra siyang maawain at mababa ang loob, kaya ang kadalasang nangyayari ay nauuto siya ng mga malalapit niyang kaibigan. 


Ang masakit pa rito, dahil sa pagiging tanga ng Tigre, ‘yung mga kaibigan niyang dati nang nanloko sa kanya ay nagagawa pa rin niyang patawarin. Kaya ang ending, hindi niya namamalayang paulit-ulit na pala siyang naloloko ng mga kaibigan niya.


Ang mas masaklap pa, hindi iyon alam ng Tigre na paulit-ulit na pala siyang naloloko at naiisahan ng kanyang mga walang kuwentang kaibigan, dahil kapag sinabi mo ito sa kanya, imbes na kampihan ka niya mas ipagtatanggol pa niya ang mga kaibigan niyang nanloko sa kanya.


Hangga’t hindi natututo o nauumpog ang Tigre sa mali niyang nakaugaling ito, kahit yumaman siya nang yumaman, mabilis pa ring mauubos ang kanyang kabuhayan, maliban na lang kung makakapag-asawa siya ng isang tusong Tandang, materyosong Baka at mautak na Ahas, na sasawata sa mga mali niyang pag-uugali. 


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-11 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022. 


Sinasabing ang isa sa pangunahing katangian ng isang Tigre ay ang pagiging masigasig sa anumang layunin sa kanyang buhay. Ngunit, patagal nang patagal, umiiral ang pagiging sawain at mainipin ng isang Tigre, kaya minsan, ang mga nasimulan niyang gawain ay hindi niya natatapos.Gayunman, kung matututunan lamang ng Tigre na iprayoridad ang mga sinimulan niyang gawain bago gumawa o humawak ng

panibagong gawain, doon niya mabubuo ang napakaunlad at matagumpay na Tigre.   


Sinasabi ring sa pamamaraan, tunay namang kakaiba at unconventional ang diskarte ng isang Tigre, kaya sa mga bagay na kakaiba at pambihira, hinahangaan at sumisikat ang kanyang mga proyekto at gawa. Kung ipagpapatuloy lamang niya ang pambihirang katangian na ito at iisipin kung paano siya kikita ng malaking halaga sa mga gawaing ito, dahil iba siya sa lahat, hindi lang pagsikat at pagkilala sa lipunan ang kanyang aanihin.


Bagkus, patuloy pa siyang makakatanggap ng malalaki, kakaiba at magagandang kapalaran na maghahatid sa kanya sa pagyaman na mapapakinabangan niya hanggang sa kanyang pagtanda.


Bukod sa pagiging kakaiba, marami ring hakbang, panukala at pagkilos ang isang Tigre na unpredictable. Kaya matapos ang isang pakikihamok, madami ang humahanga at namamangha sa pambihirang kakayahan na ipinapakita ng isang Tigre. Pero, dahil kakaiba at mahilig silang mag-eksperimento, may mga pagkilos at diskarte ang Tigre na kadalasang sumasablay at pumapalpak. Ngunit, sa mga loophole at pitfall naman siya mas higit na hinahangaan, at sa sandaling napagtagumpayan at nagapi ng isang Tigre ang lahat ng mga pagsubok at kapalpakang ito, malaking suwerte at dambuhalang tagumpay naman ang ipagkakaloob sa kanya ng langit, higit lalo sa buong taong ito ng 2024.


Kaya naman sinasabing, kung ikaw ay isang Tigre na may pagkapalpak, huwag kang mawalan ng pag-asa, at huwag ka ring panghinaan ng loob, dahil kung hindi mo man ito maiko-convert sa malaking tagumpay, ang langit naman mismo ang kikilos at tutulong sa iyo.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page