top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 15, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.

Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, ang Aso ay sadyang masarap magmahal. Sa katunayan, tulad ng pagmamahal niya sa kanyang amo, sa sandaling minahal ka niya, sa lahat ng sitwasyon at pagkakataon, poprotektahan at aalagaan ka niya.


Ang pagiging tapat at mapagmahal ng Aso ay isa sa mga kahanga-hanga niyang katangian dahil tulad ng nasabi na, anumang laban at sitwasyon na inyong masuotan, dahil siya ay loyal at faithful sa kanyang minamahal o kaibigan, anuman ang mangyari, ang kaibigan o minamahal niyang ito ay hinding-hindi niya iiwanan.


Ang problema lamang, minsan, ang tipikal na Aso ay madaldal at matuusin. Dahil dito, kung ibig mo sa matahimik na buhay tulad ng buhay ng Baka na bihirang magsalita, at ang gusto niya palagi ay walang magulo o maingay, hindi magiging maligaya ang buhay ng Baka sa piling ng isang makuwento at palabida na Aso.


Kung nakakita ka ng nakikipag-away sa kalye na walang tigil at patuloy sa kakadakdak kahit may mga pulis at barangay tanod nang dumating, walang duda na siya ay isinilang noong 1982, 1994, 2006, 2018 dahil ang walang preno at matabil na dilang ito ay tiyak na pag-aari ng isang tipikal na Aso.


Samantala, ang maganda sa isang Aso, matapos mailabas ang kanyang galit at katarayan sa pamamagitan ng salita, hindi naman siya habambuhay na nagtatanim ng sama ng loob. Tunay nga na ang galit o tampo niya sa iyo, dahil nailabas na niya, madali ka na niyang mapapatawad at makakalimutan ang mga pangyayaring hindi n’yo pinagkasunduan. Ibig sabihin, sa kabila ng katarayan, may natitira pa ring bait at pusong mapagmahal sa kaibuturan ng pagkatao ng isang isinilang sa Year of the Dog.


Dahil dito, hindi nakakapagtakang masabi na ang isang Aso ay likas na maawain at mapagmahal sa kanyang kapwa na nasa mababang kalagayan. Isang halimbawa nito ay pinoproblema niya rin ang magandang susuotin kung may birthday siyang dadaluhan.


Pero sa kabila nito, hindi rin maalis sa isip niya ang awa at habag sa nadaanan niyang matandang pulubi na namamalimos sa lansangan.


Kumbaga, madali siyang sumisimpatya at naaawa sa mga taong inaapi at kapus-palad, kaya ang isa pa sa kalikasan at ikinaganda sa ugali ng Aso, siya ay likas na maawain at matulungin, lalo sa mga taong alam niya na walang tutulong at maaasahan pa sa buhay.


Pagdating sa sex at pakikipaglandian, kung ang Kabayo ay madaling kiligin at palaging excited kapag nakikita niya ang kanyang crush, habang ang Baboy o Pig ay sobrang sensual, dikit nang dikit at nag-iinit agad, ang Aso ay higit na hindi makapaghintay.


Kumbaga sa naiihi, kaya pa namang pigilan ang sarili, bagama’t laging nananabik at magaslaw, ginagawa niya lamang ito kapag kayo ay nasa pribadong lugar o kapag kayong dalawa lang at wala namang nakakakita.


Samantala, bagay na bagay ang minsang narinig ko sa aking kausap na isang tipikal na Aso, sabi niya, “Noong dinala ako ng boyfriend ko sa motel, mahaba ang pila, sa waiting area pa lang ay sobrang gigil na ako dahil sa kasabikan.”


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 13, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Sinasabi rin na ang isang Aso ay madalas na nagdadalawang-isip at ito ay nagiging dahilan upang hindi niya maisagawa ang mga bagay na kanyang binabalak.


Ito ang nakakahadlang — ang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip, kaya ang isang Aso ay minsang napagkakamalang medyo tamad at nagde-day dreaming, pero ang totoo, nalilito lang siya kung ano ba talaga ang dapat gawin. Ang katwiran niya ay hindi niya alam ang dapat gawin at hindi makapagdesisyon nang suwabe, kaya sa bandang huli, hindi na lang siya kumikilos.


Sinasabing kapag naiwasan ng Aso ang pagdadalawang-isip na laging kumukubabaw sa kanyang isipan, sa halip ay pag-aksyon agad ang kanyang inatupag, walang duda na ang pag-unlad, tagumpay at ligaya ay mapapasakanya, hindi lamang sa taong ito kundi maging sa buong buhay niya.


Samantala, sinasabing bukod sa pagiging makatarungan ng Aso, kilala rin sa pagiging matapat at mapagmahal, lalo na sa ilang tunay niyang kaibigan. Kapag nagustuhan ka niya o naging bestfriend ka ng isang Aso, palagi niyang uunahin ang kapakanan mo bago ang kanyang sarili. Ganu’n kamartir at masakripisyong magmahal ang Aso sa kanyang itinuturing na malapit na kaibigan.


Madali ring tumalab sa isang Aso ang kasabihang, “First impression lasts”. Kapag nagustuhan ka ng Aso sa una n’yong pagtatagpo, ito ay marerehistro na sa kanyang memorya at alaala, kaya kapag kinainisan ka niya sa unang pagkikita pa lamang, maaaring hindi na kayo magkasundo kailanman.


Sinasabi ring ang Aso ay mapanuri, kaya sa unang pagkikita ay tinatanong niya na agad ang kanyang sarili kung karapat-dapat bang maging kaibigan o hindi ang tao na kanyang kaharap. Para kasi sa isang Aso, dalawa lang ang tao sa mundo — isang kakampi at kalaban. At tulad ng nasabi na, kapag naging kakampi ka ng Aso, ang lahat ng pagpapahalaga, pag-aaruga at pagmamahal ay talaga namang igaganti o ibabalik niya sa iyo.


Gayundin, sa sandaling natukoy o binigyan ka ng ‘label’ ng isang Aso bilang ‘kalaban’, mahihirapan na siyang alisin sa isip niya ang label na ito.


Mahirap baguhin ang paniniwala ng isang Aso, lalo na kung ang paniniwalang ito ay ibinase niya sa malalim na pagninilay. Ang akala kasi ng Aso ay sadyang matalino at mahusay siya, hindi sinasadyang iniisip niya na ang lahat ng desisyon niya sa buhay ay tama at hindi na dapat pang baguhin.


Dahil matigas ang Aso sa kanyang paniniwala at desisyon, madalas ay ito ang nagbibigay sa kanya ng kabiguan at kalungkutan.



Gayundin, dahil nahihirapan siyang bawiin ang isang maling desisyon kahit alam niyang mali o sablay ang nauna niyang pagpapasya.


Kaya sinasabi na kung magiging lenient, flexible o madulas sa pagbabago ng pasya ng isang Aso, marami pang maligaya at matagumpay na karanasan ang matitikman niya, hindi lamang sa taong ito kundi sa buong buhay niya.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 11, 2023


Sa pagkakataong ito, tatalakayin naman natin ang mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Ang Year of the Dog ay pinaghaharian din ng impluwensya ng planetang Venus sa Western Astrology at kumakatawan sa zodiac sign na Libra.


Sinasabing higit na matapang, buo ang loob at agresibo ang mga Aso na isinilang sa panahon ng hating gabi kung ikukumpara sa mga Asong tutulog-tulog at bihirang tumahol na isinilang sa umaga o tanghaliang tapat.


Ang isang Aso ay kilala sa pagiging makatarungan at mahilig sumimpatya sa mga inaapi at mahihirap, kaya kadalasan, napagkakamalan silang likas na mabait at may pagka-pulitiko.


Dahil may pagka-pulitiko at mabait, madalas matagpuan ang mga Aso na humahawak ng mga tao at nagiging supervisor o manager ng isang kumpanya.


Minsan ay natatagpuan din ang Aso bilang isang revolutionary leader — nakikipaglaban siya para sa karapatan ng mga inaapi at inaalipin ng umiiral na sistema.


Sa career at propesyon, ang Aso ay kilala sa pagiging tapat at maaasahan, lalo na ng kanilang mga amo o mga taong nakatataas sa kanila. Kaya kapag ikaw ay may tauhan o empleyadong isinilang sa Year of the Dog, umasa ka na dahil sa pagiging tapat, kasipagan, at pagiging dedikado sa trabaho, ang inyong kumpanya ay siguradong uunlad at aasenso.


Ganundin sa pamamahala sa tahanan, kung saan kapag ang misis mo ay isinilang sa animal sign na Dog, mas malamang na ang inyong pamilya ay tuluy-tuloy na uunlad at magiging maligaya, habang ang iyong mga anak o ang inyong tahanan ay inaasikaso ng isang maalaga na inahing Aso.


Sa pagkikipagkaibigan, hindi mo basta-basta makukuha ang simpatya at tiwala ng Aso dahil bago ka niya maging best friend, kikilalanin ka muna niya nang mabuti bago niya i-commit ang loob niya sa iyo. Subalit kapag naging kaibigan mo ang isang Aso o naging kaibigan ka na niya, tulad ng nasabi na, siya naman ay magiging mabuti at tapat sa iyo habambuhay.


Sa panahon namang magkaibigan na kayo, ang ‘wag na ‘wag mo siyang lokohin o paglalangan dahil kapag ginawa mo ito sa isang Aso, tiyak na ikaw ay bigla niyang sasakmalin. At sa kanyang paghihiganti, magugulat ka dahil sa hindi mo inaasahang sandali, higit na magiging mapusok ang gagawin niyang paraan upang habambuhay mong pagsisihan ang ginawa mong pagkakamali sa kanya.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page