top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 25, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Kung ikaw ay Aso o Dog na isinilang noong 1934 at 1994, ngayong Year of the Water Rabbit, susuwertehin ka kung dadalasan mo ang paglabas ng bahay at pakikipagsosyalan. Mas magiging maalwan din ang iyong kabuhayan kung ikaw ay mag-e-explore ng ibang ‘daigdig’ o venture. Ibig sabihin, ang Aso ay kailangang umalis sa kanyang higaan sa taong ito upang bumuhos sa kanya ang suwerte at magagandang kapalaran, lalo na sa career, pag-ibig at pinansyal na aspeto. Dagdag pa rito, marami ring hindi inaasahang salapi at pagkakakitaan ang papasok sa kaban-yaman ng Aso sa taong ito, kaya lang, kung hindi siya magtitipid, ang lahat ng darating na salapi ay parang tubig na agad-agad mauubos. Kaya sa buong 2023, isa lang ang dapat gawin ng Aso, ang mag-ipon muna bago gumasta. Kapag nagawa mo ‘yan, tuluy-tuloy na aasenso at lalong lalago ang aspetong pangkabuhayan sa buong taong ito ng Water Rabbit.

Para sa mga Aso o Dog na isinilang noong taong 1946 at 2006, matapos kang mamroblema sa mga nakaraang buwan o taon, magugulat ka, parang tinangay ng hangin at aalisin ng nasa itaas ang lahat ng iyong mga alalahanin sa buhay upang ito ay palitan ng mas marami pang suwerte at magagandang kapalaran. Kaya sa taong ito, kailangang magrelaks ka lang at hindi dapat mag-panic sa anumang problema o suliranin na dumating dahil kusa itong masosolusyunan. At pagkatapos masolb ng problema, sunud-sunod na suwerte sa salapi, pag-ibig at damdamin ang darating sa buong taon. Upang mapanatili ang mga suwerteng ipagkakaloob sa iyo ng langit, palagi kang magpasalamat sa nasa itaas at sa pamamagitan ng lihim na pagtulong sa mga kapus-palad at sa mga kaibigan mong naghihirap.

Kung ikaw ay Aso o Dog na isinilang noong taong 1958 at 2018, napakasimple ng pormula para sa iyo. Sa sandaling nag-concentrate ka sa isang depenido at solidong layunin, kahit ano pa ang naisin at ambisyunin mo ngayong Year of the Water Rabbit, walang duda na ‘yun ay iyong makakamit. Kaya sa taong ito, mahalaga para sa isang Aso na tulad mo na hindi magpabago-bago ang isip at desisyon. Dahil sa bawat pagbabago ng isip, kabaliktaran ang iyong aanihin, sa halip na magtagumpay ay tiyak na mabibigo ka. Kaya tulad ng nasabi na, “one-track mind” o isang depenidong pagpapasya lang ang dapat upang sa ganu’ng paraan, tuluy-tuloy na darating ang suwerte at magagandang kapalaran sa buong 2023.

Gayunman, para sa mga Aso na isinilang noong 1970, kailangang mabilis ka sa pagpapasya at pagkilos. Maraming magagandang oportunidad at suwerte ang darating sa iyong harapan, ang problema, kung babagal-bagal ka, mawawala ito, at ang matitira sa iyo ay panghihinayang. Kailangang matuto ka na sa paglitaw ng bulalakaw sa langit, wala kang dapat gawin kundi humiling agad habang ito ay namamasdan mo pa. Dahil sa sandaling mawala ang bulalakaw sa iyong paningin, hindi na siya magbabalik. Kaya muli, paglitaw pa lang ng bulalakaw, humiling ka agad! Kapag ganyan ka kabilis, walang duda na ang lahat ng pangarap at gustuhin mo ay ipagkakaloob agad sa iyo ng langit.

Samantala, kung ikaw ay Dog na isinilang noong 1982, hindi ka dapat na labis na magtiwala dahil may babala na tulad ng dati ay maloko ka na naman ng malaking halaga. Dapat anumang venture ang papasukin mo sa taong ito, ‘wag ka agad maglalabas ng pera kung hindi naman siguradong mabebenta o kikita sa nasabing produktong paglalaanan mo ng pera. Kapag naging maingat ka sa taong ito, buong taon na iingatan ng langit ang iyong kapalaran at kikita ng malaking halaga, lalo na kung mananatili ka muna sa mga dati nang pinagkakakitaan.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, hindi ka dapat mag-alinlangan sa pangako, pag-ibig at pagkalinga ng iyong kasuyo dahil anuman ang maganap, mananatiling mainit at masarap ang inyong pagmamahalan, basta ang mahalaga, palagi kang positibo at nagtitiwala, hindi lamang sa iyong minahal kundi pati na rin sa langit. Sa ganyang paraan, tuluy-tuloy ang ligaya at panghabambuhay niyong relasyon.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 20, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.

Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, Aso ang isa sa pinaka-sympathetic at pinakamatalino. Ngunit sa kabila ng katalinuhan at pagiging mapagmahal, may dalawang batayan lamang ang Aso sa anumang kanyang ginagawa o desisyon sa buhay, kung saan para sa kanya, itim at puti lang ang lahat ng kulay sa mundo. Nangangahulugan ito na para sa mga Aso, dalawang nilalang lang ang nabubuhay sa mundo — isang mabuti at masama.


Kaya kapag minamahal mo ang isang aso o naging matalik mo siyang kaibigan, tiyak na mamahalin ka niya nang todo at habambuhay dahil para sa kanya, kabilang ka sa mga taong mabubuti at may malinis na kalooban.


Ito rin ang dahilan, kaya kapag nagalit ang isang Aso, sobrang galit talaga siya sa iyo, lalo na’t ituturing ka niyang isang masamang uri ng tao.


Sa pag-aanalisa ng kanyang takdang kapalaran ngayong Year of the Water Rabbit, ang Aso ay makikita mong abalang-abala sa kanyang buhay. Maraming kakaibang gawain ang bubuksan sa kanya ng kapalaran at marami ring importanteng lakad at okasyon ang nakatakda niyang daluhan sa buong taong ito. Ibig sabihin, magiging “busy at hectic” ang schedule ng Aso sa buong 2023, kaya ang taong ito ay sadya at lubhang magiging abala na magdudulot naman sa isang Aso ng wagas at maliligayang karanasan.


Kapag nasa bahay naman, tiyak na sa taong ito ng Water Rabbit, maipapatupad na ng Aso ang malaon niyang pangarap na gawin sa kanyang munti pero magandang bahay ang mga sumusunod.


Una, baguhin o lalo pang pagandahin ang interior design ng kanyang bahay, kuwarto o bakuran ng kanilang bahay. Puwede ring kabilang sa mga listahan ng gagawin ng Aso sa taong ito ay ang pag-aayos ng bagong biling muwebles at pagre-redesign ng sala at buong kabahayan. Maaari ring ngayon taon ay makapag-garden o makapagluto ng masarap na recipe ang isang Aso na matagal na rin niyang binabalak na ipatikim sa mga mahal niya sa buhay.


Samantala, tunay nga na ang taong ito ng Water Rabbit ay magdadala sa isang Aso sa mga gawaing magdudulot ng inner happiness sa kumakawag-kawag na buntot..


Sa taong ito, inaasahan ding maraming mga pagkakakitaang matutuklasan ang Aso kahit siya ay nasa bahay lang, habang kung siya naman ay lalabas ng kanyang bakuran, sinasabing malaki ang posiblidad na matalisod ng Aso na wala pang boyfriend o girlfriend o commitment, ang kanyang magiging future husband o wife sa taong ito ng Water Rabbit.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 18, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.

Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Sa career at hanapbuhay, bagay na bagay sa isang Aso ang propesyong may kaugnayan sa lawyer, labor leader, union organizers, social worker at iba pang mga gawaing may kaugnayan sa lipunan. Ang mga naturang propesyon ay sadyang ikakatagumpay at ikaliligaya ng Aso habang kanyang inaaturga ang mga gawaing ito. Dahil sa taglay na pagiging mabuti at prayoridad ang moralidad, ang mga Aso ay sinasabing pangunahing kandidato rin sa pagiging bayani, martir at santo, na kadalasang binabaril sa Luneta o pinapako sa krus nang hindi naman niya talaga sinasadya.


Sa pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa pamilya, gustung-gusto ng Aso ang pagiging independent o malaya. Kaya kadalasan, hindi mo siya matatagpuan sa bahay, sa halip, ang ikinaliligaya niya nang tunay ang maglakbay at mamasyal sa magaganda at kaakit-akit na lugar, lalo na ang mga lugar na malapit sa nature.


Sinasabing kapag umiibig ang isinilang sa Year of the Dog, sobra kung magmahal at minsan ay nagiging dahilan upang siya ay mabulag sa pag-ibig, magpaka-martir o magpakabayani, alang-alang sa kanyang minamahal.


Dagdag pa rito, bagama’t sobra kung magmahal, hindi naman siya masyadong showy, kaya ang pag-ibig niya, minsan ay hindi gaanong napapahalagahan ng kanyang minamahal dahil muli, hindi naman niya ito gaanong ipinapakita o ipinadarama. Dahil dito, pinaniniwalaan na kung magiging showy o demonstrative lamang ang Aso sa kanyang nararamdaman, lalo na sa kanyang minamahal, walang pagdududa na sa pakikipagrelasyon, mas madali niyang makakamit ang isang panghabambuhay na sarap at ligaya.


Sa pag-ibig, hindi siya mandaraya. Kumbaga, kung gaano nagiging tapat at totoo ang kanyang kasintahan, higit pa ru’n ang igaganti niyang pagmamahal sa naturang karelasyon. ‘Yun lamang, ang problema, baka hindi niya ito masyadong ipakita o ipadama sa kanyang kasintahan, kaya posibleng masayang lang din ang pagiging sobrang tapat at mapagmahal niya. Kaya kung ikaw ay isang Aso, dapat ay umpisahan mo na ngayong ipakita at ipadama ang pag-ibig at pagmamahal mo sa iyong kasuyo upang kapwa kayo masarapan at habambuhay na lumigaya.


Bagay na bagay naman sa Aso ang isang Tigre at Kabayo. Ang ganitong relasyon ay tiyak na magiging maligaya at panghabambuhay dahil pare-pareho silang tapat at masarap magmahal.


Bukod sa Tigre at Kabayo, tugma rin sa Aso ang Daga, Ahas, Unggoy, Baboy at kapwa niya Aso, ang ganitong relasyon ay babalutin naman ng walang kahulilip na lambingan, at sila rin ang itatala bilang masaya at panghabambuhay na magkakasama.


Habang, ang madalas namang matagpuang habambuhay na nagmamahalan at itinatala ang relasyon na walang iwanan ay ang Aso at Kuneho. Ang nangyayari, lihim na palang hinahangaan ng Kuneho ang Aso, at noon niya pa pinapangarap makasama, habang ang Aso naman ay hangang-hanga rin sa pagiging tahimik, pino at may malalim na pagkatao, pero matalino, laging mapag-isa at ambisyosong Kuneho.

Itutuloy



 
 
RECOMMENDED
bottom of page