top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 19, 2024


Nakaraan ay tinalakay natin ang mga suwerteng kulay para sa Year of the Wood Dragon na eksaktong elemento at animal sign na iiral ngayong taon 2024.


Sa susunod na mga araw ay tuluy-tuloy nating talakayin ang katangian ng bawat animal sign at kung ano ang mangyayari sa kanilang kapalaran. Kaya manatili lang kayong nakasubaybay at ‘wag kayong bibitaw sa ating Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar. 


Pero bago ‘yan, ang elementong kahoy o wood muna ang pag-aralan natin.


Muli, tandaan na ang Wood o Kahoy ay may katangian ng “expansion, abundance and fertility”, alam naman nating lahat na ang kahoy o punong kahoy na mismong pinanggagalingan ng elementong wood ay wala namang ginagawa sa lupa na kanyang kinatataniman, kundi ang lumago nang lumago, at pagkatapos ng paglago ay ang pamumulaklak at pamumunga.


Kaya masasabi talagang magiging maganda ang buhay ng bawat animal sign ngayong 2024. At dapat nating pasalamatan ang elementong wood o kahoy.


Sa kabilang banda, kapag ang kahoy o wood ay nalanta, dahil hindi na nadidiligan sa mahabang panahon sa hindi kagandahang kalagayan ang kahoy o ang punong kahoy ay tiyak na mabubulok ang sanga hanggang sa ito ay tuluyang mamatay.


Ano nga ba ang ibig kong sabihin? ‘Yun nga, bagama’t magiging maganda ang kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, hindi naman puwedeng hindi na tayo kumilos, hindi rin tayo puwedeng hindi madiligan o malagyan ng fertilizer dahil kapag ganu’n ang nangyari sa isang halaman o sa isang punong kahoy, tulad ng nasabi na, ito ay mananamlay at manunuyot hanggang sa tuluyang mamatay.


Kaya sa taong ito ng 2024, ang pinakamahalaga sa lahat ay kumilos ka. Umalis ka sa iyong comfort zone, kumbaga sa halamang baging, ngayon ka gagapang at lalago – ito ang magsisilbi mong pampasuwerte na magsisilbing fertilizer mo ngayong 2024, para lahat ng suwerte at magagandang kapalaran hatid ng Wood Dragon na ganap at tuluyang mapapasaiyo.


Ipinapaliwanag kong mabuti ‘yan dahil laging may nagsasabi sa akin at nababasa ko lang sa comment section na, “Bakit si Maestro Honorio Ong ay walang negative o pangit na hula para sa mga 12 animal signs? At bakit nga ba puro maganda lang ang hula ko sa prediksyon?”


Nangyaring ganu’n, eh kasi nga kung si God ang may gawa ng mga tao, ng kalikasan at lahat ng bagay na nakikita mo sa iyong kapaligiran, noong unang linggo ng creation, tatanungin kita, gagawa ba si God ng pangit?


Well, sige ako na ang sasagot para sa iyo, dahil si God ay tinatawag ding all-beautiful God, lahat ng ginawa niya ay tunay namang magiging maganda at mabuti, kaya masasabing lahat tayo ay suwerte, lahat ay may magandang kapalaran at walang malas.


Samantala, kung maitatanong mo ngayon kung bakit may minamalas o bakit may mga indibidwal na imbes suwertehin ay hindi nakatatagpo o hindi nakatatanggap ng magandang kapalaran? Eh kasi nga, kayo rin naman ang gumagawa nang ikapapangit ng inyong kapalaran, o baka hindi n'yo kasi alam kung paano pagagandahin ang inyong kapalaran na sa madaling salita isa kayong ignorante sa pagkilalala ng panloob at panlabas n'yong katangian. 


Kaya sa patuloy na pagtakalay natin sa Forecast 2024, ituturo ko sa inyo ang pangunahing katangian ng 12 animal signs, kung paano kayo higit na susuwertehin, liligaya at magtatagumpay sa buhay.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 13, 2024


Marami ang nagtatanong kung ano nga ba ang mangyayari ngayong taong 2024. Simula na natin ngayon ang isang espesyal na edisyon tungkol sa Prediksyon 2024.Tandaan sa taong ito ng 2024, iiral ang Animal Sign na Wood Dragon, at dahil Dragon ang isa sa pinaka-auspicious animal sign ayon sa Chinese Astrology. Tiyak na maraming indibidwal ang susuwertehin ngayon, lalo na silang mga ka-compatible ng animal sign na Dragon at bukod sa suwerte, higit na mas gaganda ang magaganap sa taong ito ng 2024 kung ikukumpara sa nakaraang taong ng Water Rabbit.  


Ang pag-uusapan natin ngayon para sa unang isyu ng Prediksyong 2024, ay tungkol sa masuwerteng kulay ng taong 2024. Tandaan, bukod sa animal sign na Dragon, bawat taon sa Chinese Element Astrology ay may naka-assign na element na umiikot, at nagkataong wood ang naka-assign sa taong ito ng 2024.


Kaya sa Chinese Element Astrology ang naging saktong pangalan ng taong 2024 ay Green Wood Dragon. Inilagay ko na ang salitang green o berde, dahil may nabasa ako sa isang social media forum na blue dragon umano ang 2024, na sobrang mali at hindi totoo, dahil ang blue o asul ay water, eh samantalang hindi naman water ang elemento ng taong 2024, kundi wood o kahoy. Kaya ‘wag kayong papaloko sa mga nagsasabing blue dragon ang year 2024. 


Kapag Chinese Element Astrology ang tatanungin, ‘wag kayong malito, “green o berde” ang opisyal na pampasuwerteng kulay sa taong ito ng 2024 na siya ring kulay ng mga punong kahoy at halaman na pinanggagalingan ng wood.


Eh bakit naman kulay yellow at peach ang isinusuot ng mga pamilya sa picture na ipino-post nila sa kani-kanyang social media platforms? Tama pa rin naman ang yellow, dahil ang yellow ay secondary color sa taong ito, bukod sa wood na elementong iiral sa 2024, tandaan at unawain din natin na ang Dragon ay may fixed element at ‘yan ang kulay yellow. Kaya ang isa pang secondary color sa taong ito ng 2024 ay green na kumakatawan sa wood o kahoy, habang ang yellow naman ay kumakatawan sa earth o lupa. 


Panigurado nakakita na rin kayo ng mga pamilyang gumagamit ng kulay brown, dahil inaakala o pinapalagay nila na ang kulay ng wood o kahoy ay brown, pero mali ‘yun, dahil ang brown na kahoy ay masasabing lanta o naputol na kahoy. Ang positibong katangian ng wood ay green na kumakatawan o sumisimbolo ng paglago at pamumukadkad ng kapaligiran at kapalaran ng bawat indibidwal sa taong ito ng 2024.


Alam kong madami sa atin ang magtataka kung bakit may mga pamilyang nagsuot ng kulay red noong New Year, pero ‘yun naman talaga ang pinakatama, dahil ayon sa Chinese Astrology pinaka-auspicious o masuwerteng kulay talaga ang pula, dahil ito ay kumakatawan sa power, kasaganahan, kalakasan, pag-ibig at bukod sa successful na materials things kumakatawan din ito sa prosperity at sexual urges na kung tawagin ay libido na siyang nagdadala ng mas maraming enerhiya, umaakit ng mas maraming suwerte at magandang kapalaran, lalo na kung ito ay susuotin mo sa unang araw ng pagsalubong ng Bagong Taon, na puwedeng-puwede mong gamitin sa pagsalubong ng Chinese New  Year na saktong hatinggabi ng February 9, 2024.


Samantala, ‘yung kulay peach na isinusuot din ng ilang pamilya noong New Year ay dapat n’yong malamang walang kaugnayan sa Chinese New Year at sa mga pampasuwerteng bagay, dahil ang kulay na “peach fuzz” ay idineklarang kulay ng taong 2024 ng Pantone commercial printing company, na nagde-design ng saktong kulay ng mga pangunahing industriya, kumpanya o business sa America na naka-base sa New Jersey, U.S.A. Kumbaga ang Pantone company ay isang “trendsetter” ng kulay para sa mga malalaking kumpanya, na kapag inisip mong mabuti ay halos wala naman talagang kaugnayan sa Feng Shui.

 

 


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | May 30, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Baboy o Pig ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Pig o Baboy ay silang mga isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1971 humigit kumulang ganito ang magiging kapalaran mo sa taong ito.


Ang matataas na ambisyon mo sa buhay ay tiyak na mananaig sa buong taong ito. Kaya dapat buo ang iyong loob at determinasyon, anumang matatayog na pangarap ang naisin mo ay tiyak na iyong makakamit.


Bukod sa pagiging aktibo, asahan mo na magiging abala ka rin sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.


Kaya dapat naka-focus ka sa iisang gawain upang hindi kung saan-saan mapunta ang iyong enerhiya. Mas maganda kung sa taong ito ng Water Rabbit, mag-focus ka sa career at pagpapalago ng iyong kabuhayan.


Kapag ganito ang iyong ginawa, mula sa gitnang hati ng taon hanggang sa huling hati ng taon, mas marami mga biyaya at pagpapala ang sunud-sunod na sayo’y darating – lalago ang iyong kabuhayan. Kasabay nito ang mga sorpresang ligaya sa huling hati ng taon sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.


Madali kang kikita ng pera dahil inaalagaan ng langit ang pangmateryal na aspeto ng iyong buhay, ngunit may dalawa kang dapat na ingatan: Una, ingatan ang pakikisalamuha sa mga malalapit at dati ng mga kaibigan, gayundin sa mga kaibigang darating pa lamang, dahil minsan kapag labis na nagtitiwala ang isang Baboy na tulad mo at umiiral ang inyong awa at kabaitan, may mga taong mapagsamatala na maaaring kang malamangan ng malaking halaga. Kaya dapat maging maingat ka sa pag-i-invest sa mga makakausap mo, lalo na sa mga mangangako ng malaking halaga ng kita, na hindi dapat paniwalaan, upang makaiwas na maloko ngayong 2023.


Samantala, ang pangalawang dapat na ingatan sa taong ito ay ang iyong kalusugan, sa pamamagitan ng ehersisyo, pagpapahangin at pag-iwas sa mga bawal at hindi angkop na pagkain ay dapat na ipatupad sa buong taong ito.


Sa ganitong paraan, kapag iniingatan mo ang iyong kalusugan tuluy-tuloy ang isang masarap at maunlad na pamumuhay hanggang sa sumapit ang susunod na taong 2024.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page