top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Enero 27, 2024


Ngayong alam n’yo na ang pagkakapareho at pagkakaiba ng Western at Chinese Astrology. Simulan na nating talakayin ang pangunahing ugali at kapalaran ng 12 animal signs. Unahin na natin ang Dragon na siya ring iiral ngayong taon.


Ang Dragon ay silang isinilang noong taong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012, 2024 at 2036.Ang Dragon ay siya ring Aries sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Mars. Ang mapalad na oras ng mga Dragon ay mula alas-7 hanggang alas-9:00 ng umaga. Habang ang kanilang masuwerteng direksyon ay ang east o ang silangan at east-southeast o timog silangan.Kadalasan, tinatawag din ang Dragon bilang “anak ng kapalaran” dahil sa 12 animal signs na pinatawag ni Lord Buddha, ang Dragon ay itinuturing din na pinakamakapangyarihan, pinakamasuwerte at pinakamapalad.


Kung saan, may mga kapalaran ng nakatakda sa kanila. Bukod sa mapalad at makapangyarihan, nagtataglay din ang Dragon ng kakaibang suwerte na wala sa ibang animal signs, lalo na kung siya’y nagsusuot ng mapalad niyang kulay na red o pula.


Kabilang sa mga suwerte ay ang kanilang pagiging lider ng mga organisasyon, samahan, lalawigan o bansa at sa pinakarurok ng kanilang pamumuno sila rin ay nagiging isang diktador o emperor ng isang maunlad at dambuhalang kaharian.


Dagdag dito ang pagiging matapang at makapangyarihan ay likas din sa isang Dragon at ang katapangang ito ang kadalasang nagiging puhunan upang sila’y manaig at magtagumpay sa kanilang buhay.


Likas ding malakas ang kanilang intuition, kung kaya’t sa oras ng panganib agad nilang nasasagap ang mga kaganapan, dahil dito maaga nilang nasosolusyunan ang anumang problema dumarating sa kanilang buhay.


Kapag may gusto namang luminlang o manloko sa isang Dragon agad din niya itong nararamdaman,  kung kaya’t sinuman ang kahina-hinalang manlalamang o manlilinlang sa isang Dragon, ito ay tiyak na hindi magtatagumpay dahil sa taglay na talas ng intuition o pakiramdam ng isang Dragon.At dahil nga makapangyarihan ang Dragon, noong unang panahon ay madaming magkasintahan sa bansang China na nagmamadaling magpakasal sa panahon ng Rabbit upang tiyak na magkakaroon ng isang anak na isinilang sa Year of the Dragon.


Manatili kayong nakasubaybay sa Forecast 2024, na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan tungkol sa inyong kapalaran. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin at magtamo ng mga biyaya sa buong taon ng Year of the Green Wood Dragon.

Itutuloy… 

 



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Enero 26, 2024


Ngayon alam na natin kung ano ang gagawin sa pagsalubong sa Chinese New Year. Talakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs sa taong ito ng 2024.


Ang una nating bibigyan interpretasyon ay ang Dragon. Kapag Dragon ka, at nagkataong Dragon din ang year 2024, sinasabing magiging katamtaman lang ang takbo ng iyong kapalaran, hindi suwerte at hindi rin naman malas. Pero hindi totoo ‘yun. Kaya lilinawin muna natin ang pagkakaiba at pagkakapareho ng Chinese Astrology at Western or Chaldean Astrology.


Nang tumingala sa langit ang mga sinaunang Chinese Astrologers, nakita nila ang 12 punpon ng mga bituin or constellation, at tinawag nila itong animal signs.


Samantala, nang tumingala naman ang mga Western Astrology, hindi naman talaga sila taga-Western kundi taga-Middle East, sa partikular ay ang mga Chaldean Astrologers, nakita rin nila ang 12 constellation ng mga bituin sa langit o constellation at tinawag nila itong 12 zodiac signs.


Ibig kong sabihin, hindi kailanman nagsisinungaling ang asignaturang astrology, dahil may 12 constellation ng mga bituin na umiimpluwensya sa kapalaran ng bawat tao sa araw mismo ng kanyang pagsilang. Nangyaring ganu’n, dahil ang natuklasan ng mga sinaunang Chinese Astrologers ay siya ring katotohanan na natuklasan ng Chaldean Astrologers.


Ang pinagkaiba lang nila, naniniwala ang mga sinaunang Chinese Astrologers na yearly ang ikot ng 12 animal signs habang ang Western Astrology o Chaldean Astrology, buwanan ang ikot ng 12 zodiac signs. At siyempre ‘yung isa pang pagkakaiba, ‘yung obvious na tawag ng Chinese Astrologers sa punpon ng mga bituing nakita nila sa kalangitan, dahil ang lahat ng ito ay binase nila ang pangalan o tawag sa mga hayop, kaya nga tinawag na animal signs. Samantala, ang Chaldean Astrologers ay tinawag itong zodiac signs dahil sa kalahating tao at kalahating hayop, tulad na lamang ng Sagittarius. May mga tao rin, tulad ng Gemini, Virgo at Aquarius, bukod pa rito, may zodiac sign din silang ipinangalan sa bagay, tulad ng Libra o Timbangan. 


Anu’t anuman, isa lang ang nais kong tumbukin na wala namang halos pagkakaiba ang Chinese at Western Astrology, dahil ‘yun din naman ang mga constellation na umiimpluwensya sa buhay at kapalaran ng bawat tao.


Narito ang pagkakatulad ng bawat animal signs mula sa Chinese Astrology at zodiac signs mula naman sa Western or Chaldean Astrologer.


  • Dragon - Aries

  • Snake o Ahas - Taurus

  • Horse o Kabayo - Gemini

  • Goat o Kambing - Cancer

  • Monkey o Unggoy - Leo

  • Rooster o Tandang - Virgo

  • Dog o Aso - Libra

  • Pig o Baboy - Scorpio

  • Rat o Daga - Sagittarius

  • Ox o Baka - Capricorn

  • Tiger o Tigre - Aquarius

  • Rabbit o Kuneho - Pisces.


Muli, manatili kayong nakasubaybay sa Forecast 2024, na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang marami pa kayong matutunan at matuklasan tungkol sa inyong magiging kapalaran, para magamit n’yo upang mas lumigaya at sumagana ang inyong buhay sa pagpasok na pagpasok ng Year of the Green Wood Dragon sa February 9 to 10, 2024.


Itutuloy… 



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Enero 24, 2024


Ayon sa Chinese Element Astrology ang elementong iiral ngayong 2024 ay ang Dragon na isa sa mga tampok ngayon.


Kaya ang tawag sa taong 2024 ay Green Wood Dragon. Kung saan, green o berde ang kulay ng mga halaman at punong kahoy na pinagmumulan ng “wood” habang ang Dragon ay isa sa pinaka-auspicious sign o isa sa itinuturing na pinakamasuwerte sa 12 animal signs ayon sa Chinese Element Astrology. Masasabing higit silang mas susuwertehin, uunlad, liligaya at sasagana, kung ikukumpara sa nakaraang taong 2023 o taon ng Black Water Rabbit.


Sa mga nagtatanong kung kailan ba magsisimula ang Chinese New Year na siya ring simula ng Green Wood Dragon, ito ay pangkaraniwang nagaganap sa panahon ng New Moon na tinatawag ding Spring Festival. Kaya tiyak ang isang maunlad at masaganang buhay sa pagsisimula ng Chinese New Year sa eksaktong petsa ng February 10, 2024.


Kaya para makinabang ka sa pagpasok ng Chinese New Year, at magkaroon ng madaming blessing sa buhay, dapat salubungin mo ito ng may galak hindi lamang sa iyong puso, kundi maging sa loob ng inyong bakuran o tahanan.


Kaya sa pagsalubong ng Chinese New Year sa gabi ng February 9, 2024. Ihanda mo ang iyong sarili at ang mismong bahay. Kailangan malinis na malinis ang paligid at siyempre malinis din ang iyong sarili. Magsuot ka ng bagong biling damit o damit na maginhawa sa iyong pangangatawan na may suwerteng kulay na berde o green, maaari rin ang kulay red o pula.


Pagkatapos, maghanda tayo ng iba’t ibang uri ng pansit o pasta, ‘wag mong masyadong putulin, dahil ang haba nito ay siya ring sumisimbolo ng mahabang pagsasama, mahabang buhay at mahabang pagmamahalan ng pamilya.


Bukod sa mga pansit na mahaba, mainam din na maghanda ng malalagkit na pagkain at bilog ang hugis, tulad ng tikoy at biko na hindi pa nahiwa. Kung saan, ang mga pagkain namang ito ay nagrerepresenta o sumisimbolo sa pagsalubong at pagpasok ng Bagong Taon, dahil nga matatamis ang mga pagkaing ito, inaasahan na magiging maligaya at matamis ding ang pagmamahalan ng bawat miyembro ng pamilya sa buong taong 2024.


Pansamantala, manatili kayong nakasubaybay sa ating Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan, at para na rin umunlad, lumigaya at sumagana ang inyong pamilya sa pagpasok at sa buong taon ng Wood Dragon.


Itutuloy….

 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page