top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 7, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Snake o Ahas.Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025. 


Tunay ngang bihira lang sa mga Ahas ang bigo sa buhay, dahil bukod sa katalinuhan, taglay din nila ang will power. Sa katunayan, kapag may ginusto silang isang bagay, walang dahilan upang hindi nila ito makamit.


Anuman ang kanilang pagsumikapan, ito ay tiyak na kanilang makakamit, higit lalo kung ito ay may kaugnayan sa negosyo, salapi at pagkakaperahan. Kaya malaki rin ang tendency na sila ay yumaman.


Sa pakikipagrelasyon sinasabing tugma at bagay na bagay sa isang Ahas ang kasabihang, “Ang tahimik na ilog ay napakalalim.” Sa panlabas ay tunay ngang passionate, mapagmahal at sobrang malambing ang isang Ahas, ngunit sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi mo alam at hindi mo rin mapapansin, tunay ngang madami pang reserbasyon sa kanilang isipan at damdamin na iniiwasan niyang i-express o sabihin ninuman.


At dahil nga mapagmahal ang mga Ahas, matagal nilang pinagpaplanuhan ang kanilang hakbang na gagawin. Dahil dito, sa panlabas na anyo ay akala ng iba na ang Ahas ay sobrang seryoso, malambing at mapagmahal, pero sa panlabas lang iyon. Dahil sa katunayan, madami silang inireserbang damdamin. Dagdag pa rito, dahil nga naipapakita ng Ahas ang kanilang pagiging malambing, mapag-aruga at mapagmahal, kitang-kita talaga na pinoprotektahan ng isang Ahas ang kanyang mga mahal sa buhay at mga taong malapit sa kanya.


Dahil tuso, matalino at mautak, sinasabi ring kayang-kaya pakisamahan at pakitunguhan ng Ahas ang lahat ng klase o uri ng mga tao, madali o mahirap man silang unawain. 


Kaya nga, kung sino pa ang mahirap intindihin, sila pa ang mas napapalapit sa puso ng isang Ahas, dahil nauunawaan ng Ahas ang pag-iinaarte ng mga taong mahirap unawain at kausapin.

Dagdag dito, dahil likas na matalino at may pagka-praktikal, isa ang Ahas sa mga kaibigan o kasama na maasahan mo na mag-a-advice sa iyo sa tamang pamamaraan.


Kung anuman ang ipayo nila sa iyo, sundin mo dahil tiyak na aayusin nila ang iyong buhay.  


Kung halimbawa naman ikaw ay naging asawa, boyfriend, girlfriend ng isang Ahas, tunay ngang sundin mo lang nang sundin ang pinapayo at pinapagawa nila sa iyo dahil tiyak na magtatagumpay ka. Pero, tandaan mo lang na dahil nga may pagkatuso, praktikal at matalino ang isang Ahas, ayaw na ayaw nilang pinangungunahan, sa puntong ito maaaring magkagalit kayo at hindi na magkasundo.


Paano ka naman mapapalapit sa Ahas o Snake? Simple lang, ang gusto lang naman ng mga Ahas ay purihin nang purihin ang kanilang pisikal na kaanyuan at mga ginagawa.


Sa ganitong paraan, hindi nila mahahalata ang iyong pambobola, mas madali mo pa silang maaakit at mapapaamo.


Katugma at ka-compatible naman ng Snake ang isa pang tuso, praktikal at matalinong hayop na Tandang. Lalo na pagdating sa pagpaplano, at pagpapayaman. Kamukha at katulad na katulad ding mag-isip at magplano hinggil sa kabuhayan ng Ahas ang Ox o Baka, kaya kapag sila ang nagsama at nagkatuluyan tiyak na sila ay mas madaling uunlad at yayaman.


Bukod sa Tandang at Baka, tugma rin ng Ahas sa matapang na Dragon, mapag-arugang Rabbit, at madaling mauto na Kambing.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran, sa taong ito ng 2024. Tatalakayin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024. 


Itutuloy…


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 6, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Snake o Ahas. Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013, at 2025. 


Likas na matalino ang isang Ahas sa kanyang pagdedesisyon, kaya karamihan sa kanila ay nagtatagumpay. Ganundin sa pagpili ng mga kaibigan, sinisigurado nila na ang kakaibiganin nila ay ‘yung mga taong may malawak na pang-unawa, at handa silang tulungan sa oras ng kanilang pangangailangan.


Sinasabing namimili ng kaibigan ang isang Ahas, ngunit hindi naman ganu’n. Bagkus ang totoong nangyayari, dahil sa taglay nilang katusuhan at katalinuhan, nakikipagkaibigan sila sa lahat, pero ibinubukud-bukod nila sa kanilang isipan ang mga kaibigang tunay at maaasahan vs. sa mga kaibigang hindi tunay.


Ngunit, hindi naman maramdamin at emosyonal ang Ahas hindi katulad ng Rabbit at Tupa. Pero, ang Ahas ay nagtatanim din ng galit at sama ng loob, hindi lang nila ito ipinapahalata sa iba. 


Sinasabing kung magiging bukas ang isipan at magiging genuine o tunay na mapagpatawad ang isang Ahas, mas madami pa silang suwerte at magandang kapalaran na makukuha. Kaya kung ikaw ay isang Ahas, mas maganda kung sa taong ito ng Wood Dragon ay magpatawad ka, iwasan mo ring magtanim ng galit at sama ng loob sa iyong kapwa para lalo ka pang suwertehin at lumigaya.


Ang ikinaganda pa sa isang Ahas, sinasabing anumang problema ang dumating, makikita mo pa rin silang matatag at positibo. Kadalasan pa nga ay tila tinatawanan o binabalewala lang nila ang mga ito. At dahil nga likas na matalino at praktikal ang mga Ahas, alam na alam ng isang Ahas sa kaibuturan ng kanyang puso na kahit ano’ng suliranin ang dumating, hindi naman ito mananatili, dahil aware sila na lahat ng bagay ay lilipas din. Dahil sa positibong pananaw na ito ng isang Ahas, laging natatagpuang maunlad, masagana at maligaya ang kanilang buhay anumang dumating na pagsubok sa kanila. 


Siyempre, dagdag pa rito ang mga ahas ay matatagpuan ding panatag hanggang sa panahon ng kanilang pagtanda at retirement age.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran, sa taong ito ng 2024. Tatalakayin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.




Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Feb 5, 2024

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 5, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Snake o Ahas. 


Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013, at 2025. 


Bagama't likas na relihiyoso, misticismo at espiritwalidad ang Ahas, sinasabi ring may kakaibang sensual ito, ibig sabihin matalas ang kanilang pandama o five senses na nagiging dahilan kaya nalululong sila sa pagpapasarap ng buhay, masasarap na pagkain, at iba pang mga gawaing may kaugnayan sa pagpapasarap ng katawan, na kung minsan ito ang nagiging sanhi upang mapabayaan ng isang Ahas ang kanyang kalusugan, kaya kung hindi siya maglulubay sa kinahiligan niyang pagpapasarap, kadalasang natatagpuan ang isang Ahas na mataba at may pagka-chubby ang pangangatawan. 


Ang dapat sa isang Ahas upang patuloy siyang lumigaya, magkaroon ng malusog na pangangatawan at humaba ang kanyang buhay ay mas mainam na disiplinahin niya ang kanyang sarili sa layaw at pagpapasarap ng buhay.


Kaya nga, kapag ang isang Ahas ay natagpuan mong may disiplina sa sarili, ito ang Ahas na masasabing sobrang tagumpay at napakaligaya.


Dagdag dito, sinasabi ring bukod sa pagiging praktikal, kilala rin ang Ahas sa taglay niyang kakaibang kagandahan at pambihirang katalinuhan. Sa kabila ng positibo niyang talento, nakapagtatakang iniiwasan pa rin ng Ahas ang lipunan. Sa halip, mas gusto niyang nasa tahimik na gubat o kuweba lang, dahil mas gusto niya ng katahimikan, sinasadya niya ring umiwas sa lipunan hangga’t maaari. Pero, dahil nga siya ay likas na maganda at matalino, kadalasan kinakawayan siya ng lipunan.


At sa sandaling namang napasama ang isang Ahas sa umpukan o sa mga gawaing may kaugnayan sa lipunan. Hindi naman maiiwasan ng isang Ahas na magduda at maghinala sa kanyang mga kasama. Dahil dito, kung makikipagsosyalan man ang isang Ahas at napasama sa isang grupo o sa mga magkakaibigan, asahan mo na ang istilo ng kanyang pakikisama ay masyadong napakaingat, pero hindi naman niya pinapahalata ang ugaling iyon sa kanyang mga kasama.


Kaya kung iniisip mong lamangan o dayain ang isang Ahas, ito ay sobrang malabong mangyari at maganap.


Samantala, sinasabing kaya naman pala mahilig sa pag-iisa at hindi masyadong nakikipagsalamuha ang isang Ahas ay dahil tulad ng nasabi na, alam niya na kapag nalaman mo ang kanyang lihim na itinago ay maaari mo itong ibisto. Kaya nga ang Ahas ay hindi masyadong nakikipagkaibigan dahil sa 12 animal signs, ang Snake o Ahas ang siya number one sa mga napakaraming inililihim sa buhay.


Samantala, dahil nga may malalim na misteryo o hiwaga sa panloob at panlabas na pagkatao ng isang Ahas, bukod sa taglay niyang kakaibang karisma at katalinuhan.


Sinasabing sa sandaling pumasok ang Ahas sa isang silid, agad na mapapalingon ang lahat sa kanya, dahil sa kakaibang pang-akit na wala sa ibang mga animal signs.


Kaya habang nagma-mature sila, mas lalong dumarami ang kanilang mga lihim at lantarang tagahanga na kung hindi nila itong iiwasan, may babala na maaga at biglaan silang makapag-aasawa.



Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page