top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 17, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Sheep o Tupa.


Ang Sheep o Tupa ay silang mga isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015 at 2027.


Sinasabing ang Tupa ay isang Cancer sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Moon.


Ang mapalad na oras ng mga Tupa ay mula ala-1 hanggang alas-3 ng hapon, habang ang mapalad naman nilang direksyon ay ang timog at timog kanluran.


Sinasabing higit na mapalad ang Tupang isinilang sa tag-araw o tag-init, kumpara sa kapatid niyang Tupa na isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


Bukod sa pagiging maamo, pinaniniwalaang sa 12 animal signs na pinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, ang Tupa ang pinakamabait at pinakamatulungin sa lahat.


Kumbaga, mababa ang kanilang luha at mababaw ang kanilang puso. Ibig sabihin, likas na sa kanila ang pagiging matulungin at maawain sa mga taong labis na nangangailangan. Nasaksihan ng nasa itaas ang kanilang kabaitan, kaya naman nakakatanggap sila ngayon ng regalo at pagpapala mula sa langit.  


Samantala, kung naghahanap kayo ng taong mabait at mabuti, ang dapat n'yong hanapin ay ang mga taong may animal sign na Tupa o Sheep.


Ngunit, dahil sa kabaitan nilang taglay nagiging biktima rin sila ng mga taong mapagsamantala. Kaya kung hindi sila mag-iingat, tiyak na mai-scam at mawawalan sila ng malaking pera.


Kaya dapat pag-isipang mabuti ng mga Tupa ang mga taong kanilang tinutulungan lalo na kung may kaugnayan ito sa salapi.  


Dagdag dito, dahil sa pagiging mabait, maawain at matulungin ng isang Tupa, sinasabing bihira lang sa kanila ang yumayaman at nagkakaroon ng madaming pera dahil imbes na makapag-ipon ng malaking halaga, ang naipon nilang pera o salapi ay agad nilang pinamimigay o itinutulong sa mga kamag-anak, kaibigan, at sa kanilang mga mahal sa buhay.


Kaya nga para magtagumpay at habambuhay na lumigaya ang Tupa, dapat maisip nila na hindi masamang maging praktikal, mag-ipon ng materyal na bagay at mag-impok ng kayamanan, higit lalo sa salapi. 


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

Itutuloy….


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 16, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Horse o Kabayo.


Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026.


Ang Horse o Kabayo ay tiyak na magkakaroon ng maunlad at masaganang buhay ngayong 2024 o Year of The Wood Dragon. Lalo na sa pagpasok ng Mayo 25, 2024, magtutuluy-tuloy na ang kanilang suwerte.


Kaya naman ‘yung mga dating plano ng Kabayo na hindi natupad nitong nakaraang taon ay tiyak na matutupad ngayon 2024.


Kasabay nito, aaliwalas din ang buhay ng Kabayo, lahat ng kanilang naka-pending na pangarap at adhikain sa buhay ay ipagkakaloob ngayon ng langit kasabay ang mga kakaibang bonus at suwerte na halos hindi nila inaasahan.


Tiyak na maraming suwerte ang mapapakinabangan ng Kabayo sa buong taong ito ng 2024, higit lalo sa aspetong pangmateryal na bagay. Asahan n’yo sa buwan ng Abril hanggang Hunyo, may malaking ventures o proyektong pagkakakitaan ang awtomatikong lulutang sa kapalaran ng mga Kabayo.


Ang kinaganda pa rito, hinihikayat ng langit ang Kabayo na magdagdag ng investment, dahil tinataya na ang lahat ng ito ay magkakaroon ng positibong resulta. Hindi lang sa negosyo, career, propesyon, at materyal na bagay. Bagkus, may pangako rin sa kanila ng biglaan paglalakbay.


Dagdag pa rito, mayroon ding masasarap at nakakakilig na pakikipagrelasyon sa buong taong ito ng Wood Dragon. Inaasahan din ngayon sa mga Kabayo ang mga masasarap na romansa.


Kaya naman kung ikaw ay isang babae o lalaki na hindi pa handa sa pagpapamilya, hinay-hinay lang sa nakakawiling pakikipagtalik sa minamahal.


Samantala, kung ikaw ay isang Kabayo at naghahanap ng makakasuyo, tiyak na sa taong ito matatagpuan si Mr. Right o kung lalaki ka naman, matatagpuan mo na sa taong ito ang iyong Prinsesa.


Kung ikaw naman ay may boyfriend at girlfriend na, tinatayang ang taong ito ng 2024 ay lalo pang titibayin ang inyong relasyon na magdudulot sa iyo ng dagdag-suwerte at ligaya.  Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


Itutuloy…


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 12, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Horse o Kabayo.


Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026.


Isa sa pinakamasayang karanasan ng Kabayo ang paglalakbay at pamamasyal. Sa gawaing ito, tunay ngang higit silang nagtatagumpay.


Kaya naman pagdating sa career at sa larangan ng propesyon, bagay na bagay sa Kabayo ang mga gawaing kung saan-saan siya nadedestino, na-a-assign at napupunta.


Ang gawain iyon ay talaga namang hinahanap-hanap ng kanilang puso at katawan.


Karamihan sa mga Kabayo ay maagang umaalis sa poder ng kanilang pamilya o mga magulang, pagtumungtong sila sa kanilang pagbibinata at pagdadalaga ang gusto ng kanilang kaluluwa ay ang lumaya, magkaroon ng sariling diskarte at pamamaraan sa buhay.


Sa pakikisalamuha sa lipunan at sa pakikipag-ugnayan sa kanilang kapwa, sinasabing ang Kabayo ay masarap na kaibigan at masarap na kasama, ngunit hindi sila magaling sa pagbibigay ng advice o payo lalo na sa mga seryosong problema. Para sa mga Kabayo, ang buhay ay hindi naman dapat seryosohin. Sa halip, mas maganda umano kung itutuon ang ating isipan at karanasan sa paglalakwatsa at pagpapasarap ng buhay.


'Yan mismo ang summum bonum o the highest or ultimate good na nasa puso ng mga Kabayo.


At dahil nga masarap kasama ang Kabayo, masarap din silang maging kaibigan, tunay ngang magaling din silang magkuwento. Kaya naman karamihan sa mga Kabayo ay may malalaking grupo ng kaibigan, palabarkada, mahilig sa gimmick, outing, picnic, mountain climbing at pamamasyal.


Dahil dito, iniisip ng mga nakakakita sa kanila na bihira lang sa mga Kabayo ang nagpapahalaga sa salapi. Sa katunayan, hindi talaga sila nakakapag-ipon dahil mas pinapriyoridad nila ang mga bagay na may kaugnayan paglalakwatsa, gala, paglilibang at adventure hanggang sa hindi nila namamalayan na roon na pala napupunta ang malaking bahagi ng kanilang budget o buwanang kinikita.


Kaya naman, kapag hindi natutong mag-ipon ng pera ang mga Kabayo, walang duda, babagsak ang kanilang kabuhayan at magiging isa sila sa pinakakawawang hayop sa 12 animal signs na tila isang ulilang sisiw na sisiyap-siyap sa isang sulok, dahil sa hindi pagtatabi para sa kanilang future.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing higit na ka-compatible ng isang Kabayo ang Tigre, Aso at Tupa. Sapagkat, lilimitahan ng Aso ang pagiging lakwatsera at lakwatsero ng isang Kabayo para matuon sa kanya ang atensyon ng Kabayo. Habang itutulak naman ng Tigre ang Kabayo upang lalo pang maging masaya at maligaya ang kanilang gagawing pamamasyal dahil ang hinahanap din ng puso ng isang Tigre ay ang pamamasyal.


Makakaramdam naman ng comfort ang Kabayo sa piling ng isang mabait, malabing, maasikaso at mapagmahal na Tupa.


Makakasumpong naman ng ganap na laya ang Kabayo sa piling ng isang Ahas, Unggoy, Kuneho, Baboy at Tandang. Kung saan, secondary compatibility ng Horse ang nasabing mga animal sign na pupuwede nilang makasama sa pagbuo ng isang masaya at panghabambuhay na pamilya.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024. 

Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page