top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 24, 2024



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Monkey o Unggoy .


Ang Monkey o Unggoy ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016 at 2028.


Ang mga Unggoy ay kilala sa pagiging maharot, masayahin, sikat, pala-barkada at may pagkatuso. 


Sinasabing higit na mas malakas ang magnetismo at karisma ng Unggoy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig. Ang mga Unggoy na ito ay medyo mahiyain, ayaw makisama at ayaw ma-expose sa lipunan.


Gayunman, hindi pa rin maitatanggi na isa sa mga pangunahing katangian ng Unggoy ay ang pagiging malakas at buo ang loob. Kaya mapapansin mo sa isang punong kahoy ang Unggoy ay hindi natatakot na magpabaging-baging at hindi alintana na sila ay maaaring mahulog. 


Ngunit sa katunayan, walang Unggoy na nahuhulog sa kabiguan ng buhay. Sa halip, kapag sila ay dumaraan sa mga pagsubok, madali silang nakaka-recover at nakakaahon. Nangyaring ganu’n, dahil mayroon silang tiwala sa kanilang kakayahan.


Ang pagiging matapang ng Unggoy ang kadalasang nagtutulak sa kanila na sumubok ng mga bagay na mapanganib. 


Ang mas nakakahanga pa sa kanila ay kahit gaano pa kapanganib ang isang sitwasyon, buong tapang nila itong hinaharap. 


Bukod sa mahilig sumuong sa mga panganib, nagpapasaya rin sa damdamin ng isang Unggoy ang pakikipagsapalaran. Dahil likas ngang masayahin at maliksing kumilos ang isang Unggoy, sa hindi sinasadya nahahawahan tuloy nila ng kaharutan at kasiglahan ang mga taong nakapaligid sa kanila. Kaya ‘yung mga tatamad-tamad kapag nakasama ang isang Unggoy ay tiyak na sisipag.


Sinasabing mahusay ding magpatawa at mag-entertain ang Unggoy sa kanilang mga kasama. Kaya kapag may mga kaibigan o barkada kang Unggoy, tiyak na hindi kayo mabo-boring dahil ang Unggoy na ito ang siguradong kikiliti sa inyong kaluluwa para ang inyong pagkabagot ay tuluyang lumisan. 


Ang pamilya na may Unggoy sa kanilang tahanan ay itinuturing na mapalad, dahil ang nasabing Unggoy ang magdadala ng saya at ligaya na aakit ng dagdag-suwerte at magandang kapalaran sa buong pamilya.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.



Itutuloy….


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 23, 2024



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.



Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Monkey o Unggoy .


Ang Monkey o Unggoy ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016 at 2028.


Ang Unggoy o Monkey ay may zodiac sign na Leo sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Sun o Araw.


Bago tayo magpatuloy, ang Unggoy ay kabilang sa triangle of affinity ng Dragon na siyang umiiral na animal ngayong 2024. Tunay ngang bukod sa Rat o Daga, ka-triangle of affinity din ng Dragon ang Monkey. Silang tatlo ang bumubuo ng “triangle of affinity,” kaya naman magkakatugma at magkaka-compatible ang mga nasabing animal sign.


Dahil ka-compatible ng Monkey ang Dragon, walang duda, at tiyak na ang Monkey ay isa rin sa animal sign na siguradong susuwertehin ngayong 2024.


Sa lahat ng aspeto, lalung-lalo na sa pinansyal, ang unggoy ay magtatamo ng magandang kapalaran ngayong Green Wood Dragon. Kung hindi gaanong naging maganda o positibo ang buhay ng Unggoy nitong nakaraang taon, siguro naman sa kasalukuyang taon ay susuwertehin na siya, lalo na kung hindi niya iaasa sa iba ang kanyang diskarte.


Tunay ngang kailangan ng Unggoy ngayong 2024 na maging independent at hindi umaasa sa plano, pangarap, at mga gustong gawin ng mga taong nakapaligid sa kanya. Sa halip, tulad ng nasabi na, ‘di dapat siya magpadala sa sulsol at sinasabi ng iba.


Magbubukas lamang ang pintuan ng suwerte ngayong 2024, kung mag-isa niyang paplanuhin ang kanyang nais sa buhay.


Samatala, kung may mga taong gustong sumawsaw o sumali sa kanilang plano, pwede naman, basta sa Unggoy dapat manggagaling ang anumang plano o initiative dahil sila ang suwerte at lalo pang susuwertehin sa taong ito.


Ang isa mo pang dapat gawin bukod sa maging independent ay ‘yung dating pinapagawa ng mga success story, ‘yun bang pag-alis sa comfort zone ngayong 2024.


Alam mo ba kung bakit mo kailangan umalis sa comfort zone? Dahil likas kang masuwerte sa panahong ito, alalahanin mo na “hindi ginawa ang bangka para ilagay lang sa pampang o dalampasigan.” Oo nga’t hindi masisira ang maliit na bangka kapag nasa dalampasigan lang dahil hindi naman niya nakakasagupa ng malaki at mataas na alon dahil nga nasa pampang lang ang bangka. Pero, alalahanin mo na ang bangka ay ginawa para ipalaot sa dagat, upang makipagharutan sa malalaking unos at alon, pagkatapos ng mga masalimuot na karanasan ng nasabing bangka, kahit sira-sira na ang kanyang katig, matapos ang unos ay muli silang makakabalik ng safe at tagumpay sa dalampasigan.


Ganu’n ka rin dapat sa taong ito ng 2024, kahit pa may madilim na ulap kang matanaw sa gitna ng karagatan, pumalaot ka pa rin sa hamon ng buhay, ‘wag kang matakot, dahil tulad ng nasabi na, ka-compatible ng Green Wood Dragon ang Monkey.


Tiyak na ang magaganap sa taong ito ng 2024, matapos mong pumalaot sa mapanganib na karagatan ng buhay, tulad ng bangka, makakabalik ka sa dalampasigan na punumpuno ng tagumpay at pag-unlad ngayong 2024 na inilaan ng langit para sa tulad mong isinilang sa animal sign na Unggoy.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


Itutuloy….


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 20, 2024



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Sheep o Tupa.


Ang Sheep o Tupa ay silang mga isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015 at 2027.


Sa taong ito ng 2024, asahan ang mabilis na pagbabago sa buhay at kapalaran ng isang Tupa. Gayunman, ang lahat ng mga pagbabagong ito ay bahagyang magdadala sa isang positibo at paborableng pag-unlad sa kanilang kapalaran, higit lalo sa larangan ng career, negosyo, pinansyal, propesyon, lipunan at maging sa pag-ibig o sa pakikipagrelasyon.


Kaya naman nangyaring “bahagyang pag-unlad lamang” dahil ang totoo nito, ang kapalaran ng isang Tupa ay nakadepende pa rin sa lakas ng loob na kanilang pinapamalas sa taong ito ng Wood Dragon. Ibig sabihin, kapag wala silang takot na umalis sa kanilang comfort zone, mas malaking tagumpay at pagpapala ang kanilang aanihin.


Sa negosyo at aspetong pagkakaperahan, sinasabing kung naging matumal o mahina ang kita nitong nagdaang taon, sa buong taong ito ng 2024 may pangako ng pag-unlad, lalo na sa unang hati o first quarter ng taong 2024, mula sa buwan ng Pebrero hanggang Marso. Magtutuluy-tuloy ang suwerte ng Tupa hanggang sa buwan ng Hulyo.


Muli namang gaganda ang aspetong pangkabuhayan sa pagpasok ng buwan ng Setyembre. Kung saan, kusang darating ang maganda at positibong oportunidad na maaaring pagkaperahan, kaya habang papalapit ang Christmas 2024, dagdag-sipag ang dapat nilang ipatupad dahil tulad ng nasabi na, aangat ng kusa at todo ang kabuhayan sa nasabing huling quarter ng taong 2024, kaya tiyak na magiging masaya ang pasok ng Pasko at Bagong Taon.   


Sa may mga asawa na, tinatayang higit na iinit ang kanilang pagmamahalan sa taong ito ng 2024. Kung wala pa kayong anak, malaki ang tsansa na mabuntis si misis o kaya’y biglang mabuntis ang girlfriend na magbubunga ng isang cute at matalinong babaeng sanggol. Kaya kung hindi ka pa handa magkaroon ng sariling pamilya, iwasan n'yo ang mapupusok na mga sitwasyon. 


Kung mag-asawa naman kayo at nagbabalak na magka-baby, ang taong ito ang pinaka-paborableng taon upang ituloy ang nasabing balak dahil tulad ng naipaliwanag na, malaki ang posibilidad na magkaroon ng bagong sanggol na isinilang na magbibigay ng dagdag-galak at ligaya sa buong pamilya.


Sa mga single na naghahanap ng makakataling puso o makakarelasyon, tunay ngang ang taong ito ng 2024 higit lalo sa buwan ng Mayo hanggang Nobyembre at aabot pa hanggang Christmas 2024, siguradong magiging paborable ang lahat ng pagkakataon sa larangan ng damdamin, pag-ibig at pakikipagrelasyon.


Ibig sabihin, sa mga hindi mo inaasahang sitwasyon maaari ka ng magka-boyfriend o girlfriend.


Basta ang mahalaga, kapag may dumating na manliligaw o babaeng nagpaparamdam, kailangan hindi kayo tutulug-tulog.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.



Itutuloy….


 
 
RECOMMENDED
bottom of page