top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 3, 2024



Ipagpapatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tandang o Rooster.


Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017 at 2029.


Tandaan natin na ang Unggoy at Daga ay ka-compatible ng Dragon kaya’t ang nasabing animal signs ay tiyak na susuwertehin sa taong ito ng 2024, gayunman ang Tandang ay kabilang din sa kanila. Nangyaring ganu’n, dahil ang Tandang ay ang “secret friend” ng Dragon. Kaya tiyak na susuwertehin din sa lahat ng aspeto ng buhay ang Tandang.


Samantala, ang Rooster o Tandang ay siya ring may zodiac sign na Virgo sa Western Astrology na may ruling planet na Mercury.


Sinasabing ang Tandang ay papalarin mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi habang ang mapalad naman nilang direksyon ay ang timog at timog-silangan.


Sinasabing higit na mas malakas tumilaok at kilala rin sa pagiging palapintas ang Tandang na isinilang sa panahon ng tag-init o tag-araw, kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


Isa sa pinakapangunahing ugali ng Tandang ay ang pagiging palaayos, ayaw na ayaw nilang hindi nakaayos ang mga bagay-bagay sa kanilang paligid. Bagama’t gustung-gusto nilang ayusin ang lahat ng bagay, madalas ding matagpuan na maraming kalat at abubot ang silid ng isang Tandang dahil nahihirapan silang tanggalin o itapon ang mga bagay na mayroong sentimental value para sa kanila.


Bukod sa pagiging organized, kilala rin ang Tandang sa pagiging perfectionist.


Kumbaga, ayaw na ayaw nilang nakakakita ng pagkakamali o kapintasan. Dahil dito, maraming proyekto o gawain tuloy ang imbis na matapos at pagkaperahan na ay tumatagal pa.


Sinasabi na kung matutunan lamang ng isang Tandang na hindi maging sobrang perfectionist at masyadong metikuloso sa kanilang ginagawang proyekto o layunin, tiyak ang magaganap - mas maraming tagumpay, pag-unlad ang kanilang matatamo na kung sa materyal na aspeto o sa negosyo, ‘yun nga ang solusyon, tapusin at ipasa na agad ang mga proyektong kanyang nasimulan upang mas madali silang umunlad at yumaman lalo na ngayong 2024.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


Itutuloy….


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 28, 2024



Ipagpapatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Monkey o Unggoy.


Ang Monkey o Unggoy ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016 at 2028.


Dahil ka-compatible ng Unggoy ang kasalukuyang animal sign na umiiral sa taong ito, walang duda na ang Unggoy ay makakapagtamo rin ng iba’t ibang uri ng suwerte at magandang kapalaran ngayong 2024, lalo na pagdating sa career, pag-ibig at sa aspetong pangkabuhayan. Ang kailangan gawin ng Unggoy ngayon ay maging alisto sa mga bagay na kanyang pagkakaperahan.


Kumbaga, hindi dapat sila tutulug-tulog sa mga oportunidad na dumarating. Kapag may nag-aya sa Unggoy sa mga gawaing pagkakakitaan ng malaking halaga, walang dapat gawin ang Unggoy kundi sunggaban agad ito, at laging isaisip na ngayon ang pinakamapalad at pinakamasuwerte niyang taon lalo na sa larangan ng salapi at materyal na bagay.


Dahil nga likas na masuwerte ang Unggoy sa Year of Green Wood Dragon, kahit hindi sila lumabas ng bahay ay paniguradong makakatanggap pa rin sila ng iilang suwerte. Pero kung ikukumpara mo naman sa Unggoy na lumalabas ng bahay, nakikipagsalamuha, at umaalis sa comfort zone, tunay ngang mas grandeng suwerte at magandang kapalaran ang paniguradong mapapakinabangan nila ngayong 2024.


Kaya naman sinasabi ring kahit ano pa ang gawin ng Unggoy sa taong ito ng Green Wood Dragon ay tiyak na papalarin. Lalo na kung nagbabalak silang lumipat ng trabaho o magbago ng career.


Gayundin, sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing sa taong ito ng 2024, kung ang isang Unggoy ay nakaranas ng kasawian, ngayon na sila makakabawi at makakaranas ng masayang pakikipagrelasyon.


Sa panahon ding ito ang lahat ng mga problemang pangpinansyal, pandamdamin at kaguluhan ng isipan na dala-dala ng Unggoy sa kasalukuyan ay ganap nang aalis na, kaya naman makakaramdam na ang Unggoy ng kapayapaan.


Sa mga mag-asawa, tunay ngang umasa kayong mas lalong iinit at sasaya ang inyong pagmamahalan. Bukod sa tagumpay at ligayang pandamdamin, kapwa madaragan din ang kinikita ng bawat miyembro ng pamilya na magdudulot ng dagdag pag-unlad sa buong pamilya.


Inaasahan ding itatala ang masasayang pamamasyal sa taong ito ng 2024, na magiging dahilan upang ma-refresh at ma-recharge ang inyong inner self na sasagap sa mas marami pang suwerte.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


Itutuloy….


 
 
  • BULGAR
  • Feb 25, 2024

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Pebrero 25, 2024



Ipagpapatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Monkey o Unggoy.


Ang Monkey o Unggoy ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016 at 2028.


Ang Unggoy ay talaga namang masarap kasama, pero sa kabila ng mapagbiro nilang pagkatao, mayroon din pala silang pusong mamon.


Maihahalintulad ang inner self ng isang Unggoy sa isang payaso o clown na mahilig magpatawa, ngunit sa loob ng pasayong ito may malalim na lumbay at lungkot silang nadarama.


Kaya ang sinumang nakakaunawa sa malalim na kalungkutan ng isang Unggoy ay tiyak na mamahalin nila habambuhay.


Samantala, sinasabi ring pangkaraniwan sa isang Unggoy ang mabilisang pag-iisip at pagkikilos. Kaya naman kapag may problema, Unggoy agad ang kanilang nilalapitan.


Nangyaring ganu’n dahil ang Unggoy ang madalas makaisip ng kakaibang pormula o paraan kung paano masosolusyunan ang anumang uri ng suliranin kanilang kinakaharap, dahil nga bukod sa likas na tuso ang unggoy, likas din silang matalino at mapamaraan na halos ang kanyang mga naiisip na paraan ay tama talaga sa kahit na anumang uri ng sitwasyon.


Dagdag dito, sinasabi ring hindi lang may pagkatuso, mautak at matalino ang Unggoy, ang ikinaganda pa nito, alam niya kung paano babasahin ang motibo o iniisip ng mga taong nakapaligid sa kanya. Matatraydor o madadaya mo ang ibang animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, pero hindi ang mga Unggoy.


Ang mas kinaganda pa nito, kung sakali mang magtagumpay kang itulak ang isang maharot na Unggoy sa patibong na mayroong sari-saring problema, habang tinatanaw mo siya at pinagtatawanan, hindi mo alam pagkatalikod mo ay tuluyan na rin siyang makakaligtas sa ginawa mong patibong na pinaghulugan niya.


Nangyaring ganu’n, dahil sa totoo lang anumang sitwasyon ng buhay o gaano man kapanganib ang pangyayari, siguradong makakaisip siya ng isang ligtas at mahusay na daan paraan upang siya ay makatakas at makaahon ng ligtas sa kahit anumang uri ng suliranin na kanyang kinakaharap.


Oo ganu’n kagaling ang mga Unggoy, kaya ang mga Unggoy na nagkakaroon ng mabibigat na problema sa buhay, tiyak na sila ay madaling makaka-recover at makaka-move on.


Dagdag dito dahil likas na matuwid at makatarungan, pahirapan din silang yayain o kumbinsihin na gumawa ng pagkakamali o kapalpakan dahil tulad ng nasabi na, likas sa mga Unggoy ang matuwid at laging nakasandig sa katarungan at pagkakapantay-pantay. Bagama’t may katalinuhan, sinasabi ring ang Unggoy ay may maikli na pasensya at kapasidad para sa pag-aanalisa ng mga problema. Kaya naman hindi sa kanila tugma ang mga bagay na may mahabang isipin at nakakainip. Isang halimbawa na rito ay ang paglalaro ng chess. Malabong maging grandmaster o dalubhasang chess player ang isang Unggoy dahil kapag may mahaba silang isiping inaanalisa, tunay ngang naiinip siya.


Kaya kapag nagdesisyon sa buhay ang isang Unggoy, umasa kang mabilis at agad-agad niya itong gagawin at ipapatupad.


Kaya dahil sa ganitong naturaleza, kung minsan ay nagiging reckless o walang ingat ang isang Unggoy na nagiging dahilan ng kanilang kabiguan at kalungkutan sa buhay. Sinasabing kung magiging maingat lamang ang Unggoy sa kanyang mga pagdedesisyon at pagkilos, ‘yun bang hahabaan niya ang kanyang pag-aanalisa o pagpapasensya, hindi sana ay mas matagumpay at mas maligaya ang Unggoy ngayon.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


Itutuloy….


 
 
RECOMMENDED
bottom of page