top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 10, 2024



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.



Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso. 


Ang Dog o Aso ay silang mga isinilang noong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030.


Madalas pinaghihinalaan ng aso ang kanyang kapwa.  Dahil dito, mahirap paniwalain ang isang mapagmatyag at laging nagmamarunong na Aso. Pero,  madali lang naman silang mainlab. Subalit, kahit sabihin na napamahal na siya sa iyo, patuloy pa rin ang kanyang pagdududa at paghihinala. 


Dagdag dito, ang Aso ay kilala rin sa pagiging malambing at mapagmahal, ang problema nga lang ay kapag nakagawa ka sa kanya ng pagkakamali, tiyak na mag-iingay agad siya.


Nangyaring ganu’n dahil kilala ang isang tipikal na Aso sa tahol nang tahol o pagiging madakdak, at tila nais niyang ibalita sa buong barangay ang mga pagkakamaling ginawa mo sa kanya. Kahit pigilan mo pa siya, tunay ngang lalong siyang manggigigil na ipagkalat at ipamalita ang iyong kapalpakan.


Dahil likas na matalino at mapag-isip, sinasabi ring madaling nayayamot ang isang Aso sa mga taong mahihina, walang tiwala sa sarili, mabagal magpasya at laging nagdadalawang isip dahil para sa isang mapag-isip at malikhaing Aso, madali lang naman magdesisyon higit lalo kung ang pagpapasya sa anumang gagawin ay nakabatay sa kabutihan.


Para sa isang Aso, hindi niya papayagan ang kanyang sarili na mabitin sa anumang iniisip at ginagawa, dahil ang hinahangad-hangad ng kanyang puso ay nangyayari na. Kung saan para sa isang Aso, ang tama, maganda at masarap na desisyon ang higit na pinakamahalaga dahil dito nakasalalay ang kanyang tagumpay.


Madalas pa ngang sabihin ng isang Aso sa kanyang sarili at sa kanyang mga kaibigan na ang buhay ng tao ay nahahati lamang sa pinagputul-putol na pagpapasya. Kaya nga para sa isang Aso, kapag mabagal ka sa bawal pagdedesisyon na iyong ginagawa, paniguradong lungkot at kabiguan ang iyong mapapala.


Ngunit kung nasasabayan mo ang bawat tiklado ng kamay ng orasan, dito nakasalalay ang lihim ng iyong suwerte at magandang kapalaran. 


Tulad ng nasabi na para sa isang Aso,  nakasalalay sa mabilisang pagdedesisyon at pagpapasya, ang lahat ng uri ng tagumpay at panghabamuhay na kaligayahan.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024. 


Itutuloy….

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 9, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso. 


Ang Dog o Aso ay silang mga isinilang noong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030.


Ang Dog ay may zodiac sign na Libra sa Western Astrology na may ruling planet na Venus. Likas na mapalad ang Aso mula alas-7 hanggang alas-9 ng gabi, habang ang mapalad naman nilang direksyon ay ang kanluran at hilagang-kanluran. 


Sinasabing higit na matapang, buo ang loob at agresibo ang Aso na isinilang sa gabi kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa araw.


Kung pagiging patas at makatarungan ang pag-uusapan, nangunguna rito ang Aso.


Kung sila lang ang mamumuno, tiyak na paiiralin nila ang hustisya at katarungan dahil para sa Aso, ayaw na ayaw niyang nakakakita ng taong inaargabyado, inaapi at pinagkakaitan ng katarungan. Kaya naman, bagay na bagay sa kanila ang pagiging judge, abogado o politiko kung saan siguradong mapapairal nila ang batas at walang kinikilingan pamamahala.


Kilala rin ang Aso sa pagiging tapat, prangka at may malalim na kaisipan. Para sa isang Aso, hindi puwede ang simpleng solusyon dahil ang pinakamagandang solusyon sa anumang problema ay nilulutas nang may puso, damdamin, pag-aaruga at pagmamahal sa mga taong namomroblema.


Kilala rin ang Aso sa kabaitan at simpatya sa kanyang kapwa, lalo na sa mga inaapi ng tadhana at lipunan. Kapag ganito ang sitwasyon, makikitang may isang nagmamalasakit talaga sa kapakanan ng mga inaapi at pinagkaitan ng katarungan, kung saan hindi lang malasakit kundi ipinaglalaban din ng Aso ang karapatan ng mahihirap, inaapi at pinagkakaitan ng hustisya.


Kaya naman sa aspetong pamumuno, kung sadyang bulok ang gobyerno o sistemang kinamulatan ng Aso, napu-frustrate siya sa ganu’ng sitwasyon, kaya naman gustung-gusto niya itong baguhin agad. Ngunit dahil ang bulok na sistema ng pamahalaan ay matagal nang umiiral sa bansa, pipilitin niya itong itama, baguhin at pairalin ang pagkakapantay-pantay. Ngunit kadalasan, nabibigo ang Aso na baguhin ang sistema, kaya naman siya ay nasasadlak sa frustration at kalungkutan dahil hindi niya lubos maisip na nakikita at nararanasan ng mga tao ang mali at hindi makatarungang sistema, ngunit imbes na baguhin ay sinasakyan lamang nila ito at patuloy na pinaiiral.


Dahil dito, kadalasan ay makikitang nag-iisang nakikipaglaban ang Aso sa mga maling umiiral na sistema. Ngunit kahit nag-iisa patuloy pa rin siyang naninindigan, hanggang sa lumaon, karamihan sa mga Aso ay itinatanghal na martir, human rights leader at bayani.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


Itutuloy….


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 8, 2024



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.



Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tandang o Rooster.

Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017 at 2029.

Tulad ng nasabi na “secret friend” ng Tandang ang Dragon na siyang iiral ngayong 2024, kaya paniguradong makakaambon at makakasagap din sila ng maraming suwerte. Humigit kumulang ganito ang magiging kapalaran ng mga Tandang ngayong Green Wood Dragon.


Sa 1st quarter pa lang ng taon, mararamdaman na ng Tandang ang positibong lagay ng kanilang kapalaran at paganda na ito nang paganda sa bawat araw lalo na sa aspetong pangpinansyal.


Ngunit, dapat laging i-priority ng Tandang ang kanilang mga layunin. Oo, para hindi sila magkamali ng diskarte ngayong 2024. Ibig sabihin, kailangan nilang timbangin ang kanilang mga prayoridad at binabalak sa buhay. Pagkatapos, bigyan na nila ng sapat na atensyon at oras ang mahahalagang bagay na nakatugma sa layunin at pangarap nilang mangyari ngayong 2024. Kapag na i-prioritize nila ang kanilang mga gawain, tiyak na magbubunga at magkakaroon ito ng gintong katuparan.


Kaya lang, ang madalas na nagiging problema ay iba ang kanilang inuuna at hindi agad nila ito natatapos kaya nabibitin tuloy ang kanilang tagumpay.


Pero sa taong ito ng Green Wood Dragon, hindi na iyon mangyayari dahil ang mga gawaing hindi nila natapos, langit na mismo ang tutulong sa kanila para maisakatuparan ito.


Ang isa pang magandang balita ngayong 2024, maraming magandang oportunidad ang darating sa buhay ng Tandang. Kumbaga sa sasakyan pila-pila at tila na-traffic na dahil sa sobrang dami. Kaya habang traffic at hindi pa nakakaalis ang nasabing oportunidad, sunggaban na ito dahil kung babagal-bagal ka na Tandang at hindi mo ito sinunggaban, maiiwanan ka. Pero kung mabilis at nagmamadali ka, hindi mangyayari iyon.


Pagdating naman sa career, suwabe dapat ang ipatupad na diskarte, kung may mga oportunidad ng mga bagong pagkakakitaan na darating o kaya’y mga alok na may mataas na income at asset, sunggaban mo agad ito at ‘wag kang tatanggi dahil ang lahat ng ito ay magdadala sa iyo ng dagdag yaman.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon ay ganundin, kung may mga lalaki o babaeng nagpaparamdam sa iyo, hindi ka na dapat magdalawang isip pa dahil sa taong ito ng 2024, ang lahat ng nakakakilig na biruan, at pasundut-sundot na lambingan, kapag ito’y pinapasok mo sa iyong damdamin, ito ay paniguradong magdudulot sa iyo ng isang napakainit at napakasarap na romansa. Dahil sa mataas na sulok ng iyong libido, may babala rin na sa taon ito ng Green Wood Dragon ang Tandang ay masusuong sa iba’t ibang uri ng pakikipagrelasyon at romansa na kapag hindi naiwasan ay maaaring maging illicit romance at illicit love affairs.


Mula sa kalagitnaan ng taon, sa buwan ng Mayo hanggang sa Oktubre at maaaring umabot pa hanggang Nobyembre at Disyembre, bukod sa malayang love life, maraming mga alok na pagkakakitaan ang darating  na tiyak naman na makakahawak ka ng malaking halaga ng salapi.


Gayunman, ‘wag mo itong sayangin, dahil may tendency na ang malaking halaga ng salapi na mahahawakan mo ay mawawala rin na para bang bula. Kaya sa taong ito ng 2024, ugaliin mong mag-ipon. Kapag nagawa mo ‘yan, tiyak na ito ang ikakayaman mo.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

Itutuloy….


 
 
RECOMMENDED
bottom of page