top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 11, 2021



ree


Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dragon.


Dahil likas na masuwerte at sadyang pinaglaanan ng magandang kapalaran, sinasabing bihirang-bihira kang makatatagpo ng isang Dragon na bigo sa buhay. Sa halip, tulad ng nasabi na, dahil likas na may magandang kapalaran, karamihan sa kanila ay umuunlad at yumayaman, higit lalo kung sila ay lalayo sa sinilangan nilang bayan at sa malayong lugar makikipagsapalaran.


Naniniwala rin ang mga sinaunang Chinese na ang mga Dragon ay pinoprotektahan ng langit, kaya kung ikaw ay may kasamang Dragon sa bahay, may proteksiyon ka sa mga negatibong kaganapan. Kung saan, katulad nito, ang paninirahan ng isang Dragon sa inyong bahay ay talaga namang magbibigay ng suwerte at magagandang kapalaran.


Bagama’t karamihan sa mga Dragon ay matagumpay at maunlad sa kanilang buhay, wala namang nakakapansin na sa kaibuturan ng pagkatao ng isang Dragon, mababakas mo sa loob ng kanyang puso ang isang malalim na kalungkutan. Ito naman ang nagiging dahilan kaya ang isang Dragon ay labis na matulungin at mapagbigay — dahil sa pagtulong sa kapwa, lalo na sa mahihirap, kapus-palad at wala nang maaasahan, lumuluwag at talaga namang labis na nasisiyahan ang damdamin ng isang Dragon.


Dagdag pa rito, dahil buo ang loob, anumang panganib ng buhay ay kayang harapin ng isang Dragon na kadalasan, ito ang nagpapahamak o nagpapapangit ng kanyang kapalaran. Dahil sa taglay na kakaibang lakas ng loob, minsan ay sumusobra talaga sa kanilang limitasyon ang lakas ng kanilang loob, kaya matatagpuan mo ang Dragon na dati nang may pundar, bahay at lupa at may maganda nang negosyo, ito ay kanila pang ibebenta o naisasanla dahil sa pag-aakalang hindi ito mawawala sa kanila. Pero huli na kapag natuklasan ng Dragon na mali ang kanyang naging pasya dahil nawala bigla ang kanyang mga iniingat-ingatang ari-arian.


Ngunit hindi ito ang magara sa kapalaran ng isang Dragon. Sa halip, halimbawang nawalan sila ng ari-arian o anumang bagay dahil sa taglay nilang sobrang lakas ng loob at tiwala sa sarili, walang anu-ano, sa isang kisap-mata, ang mga bagay na nawala ay isa-isa ring ibabalik sa kanila ng langit nang mas masagana at maganda.


Hindi lamang sa materyal na bagay nangyayari ito sa buhay ng Dragon kundi sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay, maging sa pag-ibig at iba pang bagay kung saan anuman ang mawala sa kanila — mahal sa buhay, pamilya, career o karangalan, basta ‘wag siyang mawawalan ng pag-asa, sa halip ay patuloy siyang kumikilos at nagsisikap, isang umaga, pagmulat ng kanyang mga mata, nasa harapan na pala niya ang mga bagay na dating nawala sa kanya at pinalitan ng langit nang mas magara, masaya at maganda.


Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 9, 2021



Sa nakaraang mga isyu ay tinalakay natin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Rabbit ngayong 2021.


Sa pagkakataong ito naman, ang pangunahing ugali at kapalaran naman ng animal sign na Dragon ang ating tatalakayin.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dragon.


Sinasabing ang animal sign na Dragon ay siya ring Aries sa Western Astrology, na nagtataglay ng ruling planet na Mars.


Gayundin, sinasabing ang mga Dragon ay natural na papalarin mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga. Habang mapalad naman niyang direksiyon ay ang east o ang silangan at east-southeast o timog-silangan.


Sinasabing ang Dragon ay tinatawag ding anak ng kapalaran, dahil sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha, Dragon ang isa sa itinuturing na pinakamakapangyarihan at pinakamapalad na animal sign.


Bukod sa mapalad at makapangyarihan, ang Dragon ay nagtataglay din ng kakaibang suwerte na wala sa ibang animal signs.


Kabilang sa mga suwerteng ito ay ang likas silang nagiging leader at namumuno ng mga organisasyon, samahan, maaaring bayan, lalawigan o bansa at sa pinakarurok ng kanilang pamumuno, sila rin ay nagiging diktador o emperor ng isang malaking kaharian.


Dagdag pa rito, ang pagiging matapang at makapangyarihan ay likas din sa isang Dragon at ang katapangang ito at pagiging buo ng loob ang kadalasang nagiging puhunan upang sila ay manaig at magtagumpay sa kanilang buhay, anuman ang hamon ng kapalarang kanilang kinakaharap.


Likas ding malakas ang kanilang intuition, kaya sa oras ng panganib, agad nilang nasasagap ang maaaring maganap, kaya maaga nilang nasosolusyunan ang anumang problema na dumarating sa kanilang buhay.


Sa sandali namang may mga gustong luminlang o manloko sa isang Dragon, agad din niya itong nararamdaman, kaya sinumang kahina-hinalang nilalang na manlalamang o manlilinlang sa isang Dragon, ito ay tiyak na hindi makalulusot dahil sa taglay na talas ng intuition o pakiramdam ng isang Dragon.


At dahil may sobrang kapangyarihan ang personalidad at may kakaibang suwerteng dumarating sa buhay ng isang Dragon, maraming magkasintahan na sinaunang Chinese ang nagpipilit mag-asawa at magpakasal sa panahon ng Rabbit upang matiyak na sila ay magkakaroon ng isang anak na isinilang sa Year of the Dragon.


Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 6, 2021



ree


Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2012 at 2023, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Kuneho o Rabbit.


Sa aspetong panlipunan at pakikisalamuha sa kapwa, sinasabing ngayong 2021, maraming mga social activities o gathering ang iyong madadaluhan na magdudulot ng magagandang oportunidad para umangat nang husto ang inyong kabuhayan. Tinataya ring madaragdagan ang sirkulo ng iyong mga bagong kaibigan at kakilala, lalo na sa buwan ng Marso hanggang Abril. Ang mga bagong kakilala na ito ay maghahatid sa iyo ng dagdag na ligaya at pagkakakitaan, kaya hindi ka dapat maging aloof o umiwas sa kanila.


Ang magagandang oportunidad na galing sa lipunan ay magpi-peak sa buwan ng Setyembre hanggang Oktubre. Sa mga panahong ito, dapat alam mo kung paano mo mapakikinabangan nang personal ang nasabing mga bagong kaibigan, lalo na silang mga kakilala na galing sa tinatawag na “alta-siyudad”. Tandaang ang pagkikipagkaibigan at pakikisalamuha ay isang magandang puntos para lumago ang iyong kabuhayan, ngunit ang higit na maganda ay tulad ng nasabi na, dapat palagi mong isaisip kung paano mo sila mapagkakakitaan o mapakikinabangan in term of material things.


Sa mga estudyante at sa aspetong propesyon at career, sinasabing magpi-peak ang larangang ito sa buwan ng Abril, kaya naman kung kukuha ka ng mahahalagang examination o promosyon sa trabaho, dapat isagawa ito sa buwan ng Abril hanggang Mayo. Ito ay dahil sa nasabing mga buwan, papabor ang kapalaran na may kaugnayan sa career at propesyon.


Sa aspetong pagkabuhayan, mula sa buwan ng Marso hanggang Hulyo, aangat nang husto ang kita at pasok ng materyal na bagay sa iyong kaban-yaman. Ngunit sa huling quarter ng taong ito, medyo magiging flat o pantay lang, hindi masyadong mataas at hindi rin naman masyadong mababa. Kaya kapag napapansin mong mataas ang pasok ng pera sa unang hati hanggang sa ikalawang hati ng taong 2021, samantalahin mo ang pag-iipon upang kapag naging flat ulit o hindi gaanong tumataas ang kinikita, may naitabi ka na agad para sa future.


Sa kalagitnaan hanggang last quarter ng taong 2021, may mga produktibong oportunidad din ng paglalakbay na itatala sa iyong karanasan.


Sa pag-ibig, anumang relasyon ang pinagsasaluhan n’yo ngayon— mag-boyfriend, girlfriend o mag-asawa, ingatan n’yo ito dahil sa buong taon, may babala ng manaka-nakang mga pagsubok. Kaya naman ang pakikipaghiwalay sa minamahal ay hindi iminumungkahi dahil ang mga tampuhan at bahagayang hindi pagkakaunawaan ay maaaring mauwi sa tuluyang paghihiwalay.


Ibig sabihin, dapat ingatan mo ang anumang relasyong mayroon ka sa taong ito ng 2021, kaysa naman ito ay biglang mawala at pagsisihan mo pa. Kaya anumang relasyon ang hawak mo ngayon, mas mainam na “stay foot” lang kayo ng iyong minamahal upang mapanatili ang isang maligaya at panghabamuhay na relayson.


Kung ikaw naman ay binata o dalaga o wala pang commitment, malaki ang posibilidad na sa taong ito ng 2021, lalo na mula sa buwan ng Marso hanggang Hulyo, matatagpuan mo ang isang babae o lalaking inilaan sa iyo ng kapalaran na panghabambuhay mo nang makakasama.


Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page