top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 25, 2021





ree

Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Snake o Ahas.


Dahil likas na matalino at may pagka-praktikal, mabilis na nauunawaan ng isang Ahas ang mga nangyayari sa kanyang kapaligiran, mabuti man ito o masama. Kaya naman sa anumang pagdedesisyon na ginagawa niya sa buhay, mas malamang na palaging eksakto sa kanyang mga gusto at pang-araw-araw na pangangailangan. Ganundin sa pagpili ng mga kaibigan, natitiyak ng isang Ahas na makikipagkaibigan lamang siya sa mga taong may malawak ding pang-unawa, praktikal at makatutulong sa kanya sa oras ng pangangailangan. Dahil dito, sinasabing namimili ng kaibigan ang isang Snake, ngunit hindi naman ganu’n dahil sa taglay niyang katusuhan, ang kadalasang nangyayari ay nakikipagkaibigan siya sa lahat, pero ibinubukod niya sa kanyang isipan ang mga kaibigang tunay at talaga namang maaasahan sa mga kaibigang alam niyang mapagkunwari, may pagka-plastik at hindi totoo.


Bagama’t hindi naman gaanong maramdamin at emosyonal tulad ng Rabbit at Tupa, ang isang Ahas ay nagtatanim din ng galit at sama ng loob. Kung saan, bagama’t hindi niya ito inaamin, madalas na tinatandaan niya ang mga taong nagkakasala sa kanya, at anumang sandali sa isang pinakalihim at hindi halatang paraan, tiyak na gagantihan niya ito nang hindi nahahalata ng mga taong nagkamali at nagkasala sa kanya. Sinasabing kung magiging bukas ang isip at talaga namang mas magiging genuine o tunay na mapagpatawad, marami pang suwerte at magagandang kapalaran ang ipagkakaloob ng langit sa isang Snake.


Ang ikinaganda pa sa isang Ahas, anumang dumating na mabibigat na problema at pagsubok, makikitang nananatiling matatag ang Ahas at kadalasan ay tinatawanan o binabalewala lang niya ang mga problema, gaanuman ito kabigat. Dahil likas na matalino at may pagka-praktikal, alam na alam niya na sa kaibuturan ng kanyang puso at isipan, kahit anong suliranin ang dumating, hindi naman ito mananatili, dahil ito ay tulad ng mabilis na pagpihit ng panahon na lilipas din. Dahil sa positibong pananaw na ito ng isang Ahas, palagi nang natatagpuang maunlad, masagana at masaya ang kanyang buhay hanggang sa panahon ng kanyang pagtanda at retirement age.


Sa pagdedesisyon, bihira sa mga Ahas ang bigo sa buhay dahil bukod sa katalinuhan, taglay din nila ang will power. Kung saan, sa sandaling ginusto talaga nila ang isang bagay, walang dahilan upang ito ay hindi nila makamit.


Tunay ngang anuman ang pagbuhusan ng pagsisikap at determinasyon ng isang Ahas, ito ay siguradong kanyang makakamit, higit lalo kung ang mga proyekto na pagsisikapan niyang makamit at sasahugan ng will power ay mga gawaing may kaugnayan sa negosyo at pagkakaperahan, sinasabing tunay na yayaman at uunlad nang sobrang yaman ang isang Snake.


Samantala, ang maging pangunahing suliranin ng isang Ahas sa panahon siya ay ubod ng yaman na, sobrang hilig niya sa luxury, leisure at pagpapasarap sa buhay, na kadalasang kapag hindi nasawata, ang mga naipon niyang salapi, sa halip na i-invest pa sa mga negosyong mapagkakakitaan ay nawawaldas lamang nila sa walang kapararakang mga bahay.


Kaya sinasabing kung matututunan lamang ng isang Ahas ang magpahalaga sa salapi at ‘wag tumigil sa pag-i-invest o sabihin na nating nakalokahan talaga niya ang pagnenegosyo, ang Ahas ay sobrang yayaman talaga nang bonggang-bongga at ubod ng yaman.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 23, 2021





ree


Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Snake o Ahas.


Bukod sa pagiging praktikal, kilala rin ang Snake sa taglay niyang kakaibang kagandahan at pambihirang katalinuhan. Gayunman, sa kabila ng positibo niyang talento, nakapagtatakang iniiwasan pa rin ng Snake ang lipunan, sa halip, higit siyang maligaya kung siya ay tahimik sa gubat o kuweba at nag-iisa.


Dahil mas gusto niya ang katahimikan, sinasadya niya ring umiwas sa lipunan hangga’t maaari, pero dahil siya ay likas na maganda at matalino, kadalasan ay kinakawayan siya ng lipunan at kanyang mga kasama upang sila ay pamunuan, kung saan sa puntong ito, hindi naman basta-basta nakatatanggi ang isang Snake.


At sa sandali namang napasama na ang isang Ahas sa umpukan o gawaing may kaugnayan sa lipunan at kasama na siya sa grupo, hindi naman niya maiiwasan ang madalas magduda at maghinala sa kanyang mga kasama. Dahil dito, kung makipagsosyalan man ang isang Ahas at napasama sa isa o maraming grupo ng magkakaibigan, asahan mo na ang istilo ng kanyang pakikisama ay masyadong mahilig magduda at napakaingat.


Kaya kung iisipin o paplanuhin mong lamangan o dayain ang isang Ahas, ito ay malabong mangyari dahil pinaplano at iniisip mo pa lang, matagal nang naiisip at nasasagap ng kanyang mahusay na intuition at taglay na katalinuhan, na isang araw ay lolokohin at tatraydurin mo siya, kaya naman malayo ka pa lang ay maiiwasan ka na agad ng Snake. Gayundin, kapag ikaw ang tatanga-tanga, bigla kang matutuklaw na Ahas na ang ibig sabihin ay ikaw pa ang maloloko niya sa dakong huli.


Dagdag pa rito, kaya mahilig sa pag-iisa at hindi masyadong nakikisalamuha ang Snake ay dahil tulad ng nasabi na, alam niya na kapag nalaman mo ang kanyang mga lihim ay maaari mo itong ibisto o itsismis kung kani-kanino. Kaya ang Snake ay hindi masyadong nakikipagkaibigan, dahil sa 12 animal signs, ang Ahas ang number one sa mga napakaraming inililihim sa buhay, na hangga’t maaari ay siya lang ang dapat makaalam.


Samantala, dahil may malalim na misteryo o hiwaga sa panloob at panlabas na pagkatao, bukod sa taglay niyang kakaibang karisma at katalinuhan, sa sandaling pumasok na ang Snake sa isang silid na pulungan, hindi maaaring hindi mapalingon ang lahat sa kanya dahil sa kakaibang pang-akit na awra ng isang Ahas na wala sa ibang mga animal signs.


Kaya naman habang nagma-mature o nararating ng isang Ahas ang eksaktong edad ng pagbibinata o pagdadalaga, habang nagkaka-edad, lalong dumarami ang kanilang mga lihim at lantarang tagahanga, na kung hindi magpipigil at papatulan lang talaga ng Ahas ang nasabing mga admirers niya na nanggaling kung saan-saan, tiyak na makakarami siya ng girlfriend o boyfriend na sobrang lakas ng dating at pang-akit sa lahat ng tao na nakakakita sa kanya, nakakasamuha at nakakasama niya.


Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 20, 2021



ree

Sa mga nakaraang isyu, natapos nating talakayin ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Dragon sa ngayong 2021.


Kaya sa pagkakataong ito, ang pangunahing ugali at kapalaran naman ng animal sign na Snake ang tatalakayin natin. Kung ikaw ay isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Snake o Ahas.


Sinasabing ang animal sign na Snake ay siya ring Taurus sa Western Astrology, na nagtataglay ng ruling planet na Venus.


Sinasabing ang mga Ahas ay natural na papalarin mula sa alas-9:00 hanggang sa alas-11:00 ng umaga.


Habang ang mapalad namang direksiyon ng Snake o Ahas ay ang timog at timog silangan o south at southeast na bahagi ng mundo o ng inyong tahanan o inyong bakuran.


Sinasabing ang mga Ahas na isinilang sa panahon ng tagsibol at tag-araw ang higit na mapanganib at mabalasik kung ikukumpara sa medyo tutulog-tulog at tahimik niyang kapatid na isinilang sa panahon ng taglamig at taglagas.


May dalawang pangunahing pagkakakilanlan ang Ahas. Una, kung ikaw ay isang babae at kahit ikaw ay isang lalaki, may taglay na kakaibang pang-akit at pagka-misteryoso o misteryosa ang iyong pagkatao, na hinaluan pa ng sobrang katalinuhan at may pagkatuso.


Dahil sa ugaling ito ng isang Ahas, kilalang-kilala siya sa pagiging praktikal at napakahusay magdesisyon sa anumang hamon ng buhay at mga problema.


Sa kabila ng pagiging praktikal, karamihan sa mga Snake ay kusa o sadya namang napapasok sa mga gawaing may kaugnayan sa espirituwalidad, mistisismo at relihiyon, na lihim na ikinasasaya at ikinalulugod ng kanilang kaluluwa.


Kaya naman kapag nakita mo ang isang Ahas o Snake na nasangakot sa gawaing may kaugnayan sa relihiyon, mistisismo o espirituwalidad, asahan mong ang nasabing Snake, sa panahong abala siya sa nasabing mga bagay ay tiyak na sa panahong ‘yun ay nasa peak o sobrang mataas na level ang kanyang pagkatao at kapalaran.


Ibig sabihin, isa sa nagbibigay ng suwerte sa isang Ahas, hindi niya lang alam, pero alam niya na ngayon, dahil ipinaaalam na ito ni Maestro Honorio Ong ay umangat siya at makilahok sa mga gawaing may kaugnayan sa relihiyon, mistisismo at espirituwalidad at tiyak na ang nasabing Ahas ay magtatamo ng mga pagpapala at kakaibang suwerte at magagandang kapalaran sa buhay.


Ang problema lang sa isang Snake, dahil siya ay may pagka-sensual, ibig sabihin ay sobrang matalas ang kanyang pandama o five senses, kadalasan ay nalululong siya sa pagpapasarap ng buhay, kaya siya ay nahihilig sa masasarap na pagkain at iba pang mga gawaing may kaugnayan sa pagpapasarap ng katawan.


Gayunman, kadalasan ay ito ang nagiging sanhi upang mapabayaan niya ang kanyang kalusugan, kaya kung hindi maglulubay sa kinahiligan niyang pagpapasarap ng pangangailangang pangkatawan, kadalasan ay natatagpuan ang mga Ahas na matataba at may pagka-chubby ang pangangatawan.


Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page