top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 08, 2021



Sa mga nakaraang araw, tinalakay natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake ngayong 2021.


Sa pagkakataong ito, ang pangunahing ugali at sadlakang kapalaran naman ng animal sign na Horse o Kabayo ang ating tatalakayin.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014 at 2026, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Horse. Sinasabing ang Kabayo ay siya ring Gemini sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Mercury.


Gayunman, pinaniniwalaang ang mga Kabayo ay higit na papalarin mula alas-11:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon.


Habang ang mapalad namang direksiyon ng Kabayo o Horse ay ang south o timog na bahagi ng mundo o ng inyong tahanan o bakuran.


Sinasabing ang mga Kabayo na isinilang sa panahon ng tag-sibol at tag-araw ang higit na mabilis, malakas at talaga namang may magandang kapalaran kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng winter o tag-ulan.


Dagdag pa rito, pinaniniwalaan ding bubulas nang husto ang magagandang kapalaran sa buhay ng isang Kabayo sa panahong siya ay nasa middle age kung saan ganap at nasa rurok na talaga ang kanyang mga karanasan.


Pangunahing katangian ng Kabayo ang pagiging masayahin, laging in the mood, hindi mapakali, hindi napapagod at napakahirap tanggihan.


Higit niyang pinahahalagahan ang pagiging malaya at ayaw na ayaw niyang nakakulong sa bahay. Dahil dito, sa 12 animal signs, ang Kabayo o Horse ay isa sa pinakamahilig sa adbentura at pakikipagsapalaran dahil ‘yun ang ikinaliligaya niya.


Kaya naman kung career ang pag-uusapan, ‘wag na ‘wag mong kukulungin ang Kabayo sa isang kuwarto tulad ng mga propesyon na ang gawain lamang ay ang maghapon na nakatutok o nakaharap sa computer. Kung ganito ang nangyaring trabaho o gawain sa kanya, tunay ngang hindi siya magiging maligaya, maliban na lang kung tuwing lingo o every weekend ay gagala siya o gi-gimmick kasama ang mga kaibigan at kabarkada.


Bukod sa pinahahalagahan ang pagiging malaya at mga adbentura, sinasabi ring ang Horse ay isa sa 12 animal signs na may mabilis at matalinong pag-iisip. Kumbaga, halimbawang may problema o iniisip na proyekto ang isang team o kumpanya, mabilis niyang naiisip ang dapat at kailangang solusyon.


Sa totoo lang, dahil sa taglay na likas na katalinuhan ng isang Kabayo, hindi lang solusyon ang agad niyang naiisip sa isang sitwasyon o problema, bagkus kadalasan pa nga ay nahihinuha at alam na alam na niya ang kauuwiang pangyayari, kung saan kadalasan ay palaging tama at tumpak ang haka-haka niyang nabanggit.


Kaya naman ang Horse ay higit na nagiging maligaya at matagumpay sa isang propesyon o gawaing ginagamitan talaga ng isip at malalim na pag-aanalisa. Tulad ng paglalaro ng chess, kaya naman siya ang napiling heneral sa isang maselang digmaan, na anumang desisyon sa bawat oras o sandali habang nagaganap ang giyera o digmaan, ay nangangailangan ng mabibilis at tumpak na desisyon.


Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 06, 2021



ree

Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Snake o Ahas.


Ngayong 2021, sadyang magiging makulay at puno ng mga pakikipagsapalaran, ups and downs ang magiging karanasan ng isang Ahas.


Sa unang bahagi ng taon, maraming mga suwerteng magkukubli sa pansamantalang suliranin, ngunit kung hindi ka susuko at magpapatuloy na buo ang loob, ang akala mong mga pagsubok ay magdudulot ng dagdag pang suwerte at magagandang kapalaran sa iyong karanasan.


Sa pangkabuhayan, sa buwan ng Abril hanggang Mayo, mag-ingat sa paglalabas ng salapi dahil maaaring may manloko o manlamang sa iyo. Puwede rin namang mapalautan ang iyong salapi sa isang akala mo ay investment na hindi naman pala totoong negosyo, sa halip ay raket lang. Bago maglabas ng anumang halaga, isipin at siguraduhin mong babalik ang iyong ilalabas na salapi upang sa nasabing panahon ay hindi ka magsisi.


Ngunit kasabay ng mga babalang ito, sa buwan din ng Abril hanggang Mayo at magpapatuloy na sa buong taong 2021, marami kang matatanggap na biglaang suwerte na magdudulot sa iyo ng kakaibang karangalan, pagkilala at dahan-dahang pagtaas ng kinikita. Sa bawat increase na magaganap sa iyong kabuhayan, iukol mo ito sa pag-iipon upang hindi masayang ang magagandang oportunidad ng pagkakakitan.


Pagsapit ng buwan ng Setyembre hanggang Oktubre, may malaking gastusing kahaharapin kaya naman ang mga naipon mo sa kalagitnaan ng taon mula Abril hanggang Agosto ay maaari mo ring magastos. Kaya naman sa panahong tinuran, mag-ingat pa rin sa paggasta upang kapag talagang nangailangan ka ay hindi mo maisip na mangutang.


Ang pangungutang, sa taong ito ng 2021 ay siyang dapat mong iwasan dahil ito ay babala ng pagkalugi at pagbagsak ng kabuhayan. Tulad ng nasabi na, panalitihin mo ang minimal o masinop na paggastos sa buong taong ito ng 2021, upang sa halip na malugi at tubo o dagdag na kita ang iyong mapakinabangan hanggang sa mga huling buwan ng taon.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, magiging masarap ang iyong kasaranasan, higit lalo sa buwan ng Abril hanggang Hunyo kung saan lalong sasaya ang ugnayan at sa mga wala pang karelasyon, ngayong 2021, higit lalo sa mga buwan ng Abril hanggang Mayo, ganundin sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, matatagpuan mo na sa isang hindi inaasahang sandali ang isang lalaki o babae na makakasama mo habambuhay sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


Sa huling bahagi ng 2021, mula sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre, magiging abala ka naman sa napakaraming gawain, na halos hindi mo na malaman ang iyong uunahin. Sa panahong ito, ingatan mo ang iyong kalusugan dahil may babala na kapag na-over work ka at napabayaan ang iyong pagda-diet, ganundin ‘pag nawalan ka ng regular na ehersisyo at pagkatapos ay madalas ka pang magpuyat, may babala na sa panahong ito ay biglang aatake ang kung anu-anong karamdaman, na sa simula ay pang-sikolohikal lamang hanggang sa bandang huli ay magiging totoong sakit na.


Upang maiwasan ang ganitong senaryo, kahit sobrang busy at hectic ng magiging gawain at mga schedule mo, lalo na sa huling bahagi ng taon, iprayoridad mo pa rin ang pagre-relaks kasama ang iyong mga mahal sa buhay sa mga lugar na malapit sa nature.


Tandaan mong kapag napanatili mong malusog at malakas ang iyong pangangatawan, maraming pangako ng mga hitik na karanasan at ligaya ang tatamasahin mo, na magdadala ng dagdag pang suwerte at magagandang kapalaran, hindi lamang sa iyo kundi pati sa inyong pamilya sa buong taong ito ng 2021.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 27, 2021



ree

Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Snake o Ahas.


Sa pakikipagrelasyon, sinasabing tugma at bagay na bagay sa isang Ahas ang kasabihang “Ang tahimik na ilog ay sadyang napakalalim.” Sa panlabas ay tunay ngang passionate, mapagmahal at sobrang malambing ang isang Ahas, ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi mo lang alam at mapapansin, marami pang reserbasyon sa kanyang isipan at damdamin na iniiwasan niyang i-express.


Halimbawa mang ibibisto na ng Ahas ang lahat ng laman ng kanyang damdamin at isipan dahil napamahal na siya sa iyo nang todo, ito ay matagal niyang pagpa-planuhan dahil para sa kanya, hindi puwedeng mawala ang sarili at personalidad niya dahil lamang sa pag-ibig.


Dahil dito, sa panlabas na anyo ay akala mong sobrang seryoso, malambing at mapagmahal ang isang Ahas, pero sa panlabas lang ‘yun dahil ang totoo, marami pa siyang inirereserbang damdamin at ayaw ibigay dahil sa isip niya, hindi naman talaga ito dapat maipadama kahit kanino, sapagkat ito ay gagamtin niya sa mga personal niyang pagpapakaligaya at pagdedesisyon.


Gayundin, dahil naipakikita ng Ahas na sobra siyang malambing, mapag-aruga at mapagmahal, kaya naman kitang-kita na pinoprotektahan niya ang kanyang mga mahal sa buhay at mga taong malapit sa kanya.


Samantala, dahil tuso, matalino at mautak, sinasabi ring kayang-kayang pakisamahan at pakitunguhan ng isang Ahas ang lahat ng klase ng tao, madali o mahirap mang unawain ito. Sa halip, mientras mahirap kausap ang isang tao, sa totoo lang, sila pa ang napapalapit sa puso ng isang Ahas dahil nauunawaan niya ang mga inaarte at pinagsisintir ng mga taong mahirap unawain at kausapin.


Dagdag pa rito, dahil likas na matalino at may pagka-praktikal, isa ang Ahas sa mga kaibigan o kasama na maaasahan mo na mag-a-advice sa iyo ng tama at kung susundin mo ang kanyang mga pamamaraan sa anumang ipapayo sa iyo, tiyak na mapapanuto at maaayos ang iyong buhay.


Kung halimbawa namang ikaw ay naging asawa, karelasyon o partner ng isang Ahas, tunay ngang sundin mo lang nang sundin ang ina-advice at pinagagawa sa iyo at tiyak na magiging matagumpay at maligaya ang inyong buhay. Tandaan mo lang, dahil may pagkatuso, praktikal at matalino ang isang Snake, ayaw na ayaw niyang siya ay ina-under o pinangungunahan at sa puntong ito, maaaring hindi kayo magkasundo.


Samantala, ang gusto lang ng Ahas ay palagi mong purihin ang kanyang pisikal na kaanyuan at ang kanyang mga ginagawa. Sa ganitong paraan na hindi niya naman nahahalatang pambobola, mas madali mong maaakit at mapapaamo at mahilig magsuspetsa at puno ng reserbasyon na Ahas.


Katugma at tunay namang ka-compatible ng isang Snake at isa pang tuso, praktikal at matalinong Tandang. Sa pagpaplano, praktikalidad at pagpapayaman, tunay na magkakasundo at magiging masagana ang kanilang samahan habambuhay.


Kamukha at katulad ding mag-isip at magplano hinggil sa kabuhayan ng Snake ang Ox o Baka, kaya kapag sila ang nagsama at nagkatuluyan, tiyak na sila ay mas madaling uunlad at yayaman.


Bukod sa Rooster o Tandang at Ox, katugma rin ng Ahas ang matapang na Dragon, ang sentimental at mapag-aruga na Rabbit o Kuneho, ganundin ang mabait at madaling mauto na Sheep o Tupa.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page