top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 16, 2021



Sa nakaraang isyu, tinalakay natin kung ano ang dapat gawin upang magtagumpay at lumigaya ang bawat indibidwal ngayong Year of the Metal Ox.


Ngayon naman, tatalakayin natin ang tungkol sa limang mahalagang elemento sa Chinese Astrology at bibigyang-diin natin ang tungkol sa elementong metal kung saan ang taong 2021 ay tandaang Year of Metal.


Ang limang elemento at tinatawag ding Five Forces, Limang Makapangyarihang Lakas o Limang Makapangyarihang Bagay sa Mundo at ito ay ang mga sumusunod: (1) Water o Tubig, (2) Fire o Apoy, (3) Wood o Kahoy, (4) Metal o Bakal at (5) Earth o Lupa. Tandaang ang limang elementong ito ay siya ring bumubuo sa komposisyon ng mundo at katawan ng isang tao.


Ang takbo, ikot o likas na cycle ng mga ito ay nahahati sa dalawang pangunahing prinsipyo.


Una, ang tinatawag na “conducive” o kaaya-ayang daloy kung saan metal ang humahawak o nagbibigay ng hugis o kurbada sa tubig. Kadalasan, ang metal ay inirerepresenta ng ginto, ngunit dagdag pa rito, sinabi ring sa sandaling natunaw ang metal, mula rito ay magpo-produce ng liquid o matubig na substance. Kaya ang unang conducive na relasyon ay ang tinatawag na “from metal, we get water.”


Pansinin ding kapag umuulan o may tubig, tumutubo ang mga halaman at ang masaganang halamang ito ang pinagmumulan ng kahoy. Kaya ang ikalawang conducive na relasyon ay ang tinatawag na “from water, we get wood.”


Samantala, ang apoy ay hindi mabubuhay kung walang susunugin, at ang pangunahing bagay na susunugin ng apoy ay kahoy. Mapapansin ding upang makalikha ng apoy, lalo na kung ikaw ay katutubo na nasa bundok at walang posporo o lighter, ang unang gagawin ay pagkikiskisin ang dalawang pirasong kawayan upang makabuo ng apoy. Kaya ang ikatlong conducive na relasyon ay tinatawag na “from wood, we get fire.”


Sa katotohanan, kapag nasunog ng apoy ang lahat ng bagay, ito ay magiging abo (earth o lupa). Kaya dahil sa apoy, nalikha ang earth o lupa. Kaya ang ikaapat na conducive na relasyon ay tinatawag na “from fire, we get earth.”


At ang panghuli, ang metal o bakal ay kadalasang nakukuha sa ilalim ng lupa. Kaya ang ikalimang conducive na relasyon ay tinatawag na “from earth, we get metal.”


Samantala, kung may “conducive relationship o kaaya-ayang ugnayan,” mayroon ding “controlling relationship o ugnayang humahawak o pumipigil”.


Una, ang Metal ay sinusunog ng Fire, tunay ngang nasusunog ang anumang uri ng Bakal sa napakalakas at todong init ng apoy.


Pangalawa, ang fire ay pinatitigil ng tubig. Tunay ngang gaanuman kalakas ang sunog, ito ay napapatay o nasusugpo ng maraming tubig.


Pangatlo, ang tubig ay pinatitigil at kinokontrol ng lupa. Gumagawa tayo ng kanal upang lagyan ng direksiyon ang agos ng tubig at gumagawa tayo ng dam o dambuhalang dike upang makontrol ang malakas na daloy ng tubig.


Pang-apat, ang lupa ay kinokontrol ng kahoy. Hindi nabubuwal ang mataas na punong-kahoy dahil ang mga ugat nito ay nakatuntong o nakakapit sa lupa. Dagdag pa rito, ang punong-kahoy na ito ay umaasa rin sa nourishment o pataba na nakukuha niya sa ilalim ng lupa.


At panglima, ang kahoy ay kinokontrol ng metal. Itinutumba naman ng matalim na palakol o matalim na lagari na yari sa metal ang kahit na gaano kataba o kalaking punong-kahoy sa gubat.


Sa prinsipyong nabanggit, mapapansing walang “mahina o malakas na elemento”. Sa halip, tulad ng Yin at Yang ang mga elementong ito ay nag-e-exist o nananatiling nakadepende sa isa’t isa. Kung saan ang lakas at kapangyarihan ng bawat elemento ay halos pantay-pantay lamang at ang kanilang lakas o kapangyarihan ay nakadepende sa gamit nila o kung paano natin sila kokontrolin at gagamitin para sa ikauunlad at ikaliligaya ng pang-araw-araw na pamumuhay natin.


Sa katotohanan, ang limang elemento ay nakabilanggo sa napakalawak at mahiwagang ugnayan na nagpapanatili ng buhay at mga pangyayari sa mundong ito.


Kahit sa ating panloob na katawan, naniniwala ang mga sinaunang Chinese na dalubhasa hinggil sa medisina na ang limang elemento ay may kaugnayan din at katugon o katumbas na organ sa panloob na bahagi ng ating katawan. Tulad ng ang puso ay kinokontrol ng elementong fire. Ang baga o lungs ay kinokontrol ng elementong bakal o metal. Ang kidney o bato ay kinokontrol ng tubig o water at ang atay o liver ay kinokontrol naman ng Wood o Kahoy.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 14, 2021



Sa nakaraang isyu, inumpisahan na nating talakayin ang Metal Ox ngayong 2021.


At sa pagpapatuloy ng usaping ito, tandaang ayon sa Chinese Calendar, ang Year of the Metal Ox ay magsisimula sa ika-12 ng Pebrero, at ito ang unang New Moon o unang Bagong Buwan sa taong ito.


Ayon sa Chinese Astrology, sinasabing higit na maraming kakaharaping pagsubok ang Ox kung siya ay isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig, kaysa sa kapatid niyang Ox na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init.


Higit namang agresibo at determinado sa buhay ang Ox na isinilang sa umaga o araw, habang medyo kimi at tahimik ang kapatid niyang Ox na isinilang sa gabi o madaling-araw.


Ang Ox ay kilala sa pagiging matatag, buo ang loob at praktikal. Sinasabing dahil ang Ox ay sa lupa naninirahan at lupa ang pangunahin niyang gawain at pagsasaka ang kanyang ikinabubuhay, tulad ng planetang Saturn, ang kapalaran hinggil sa negosyo, komersiyo at pangangalakal ay tiyak na uunlad at lalago ngayong 2021.


Sa pangkalahatan, ganito ang dapat gawin upang managana at lumigaya ang ating buhay sa taong ito ng Metal Ox:


Dahil ang Ox o Baka ay kilala sa pagiging masikap at masipag, tunay ngang sa taong ito, upang magkabunga ang ating mga inaambisyon at pinapangarap, tulad ng Ox, kailangang tutukan natin ang responsibilidad ng bawat proyekto na ating gagawin o ilulunsad.


Sa ganitong paraan, ‘pag binubuhay natin ang “ugali ng Ox” o ginigising natin ang pagiging Baka sa ating panloob na pagkatao, mas madali tayong uunlad at sasagana sa taong ito.


Pinaniniwalaang tulad ng nakaraang taon ng Metal Rat, maraming mga pagsubok ang maaaring dumating muli ngayong 2021, kaya tulad ng Ox, kailangang manatiling matatag at palaging handa sa anumang pagsubok na darating.


Kung noong nakaraang Year of the Metal Rat ay maraming pagsubok na dumating sa ating buhay, ganundin ngayong 2021, ngunit ang kaibahan lamang sa taong ito, mientras mas malaki ang pagsubok, mas malaki rin ang nakalaang premyo at tagumpay na makakamit.


Kaya ngayong 2021, ‘wag kang matakot na may mga problema at pagsubok dahil sa sandaling nalutas mo ang lahat ng suliranin na ipupukol sa iyong kapalaran, malaking gantimpala naman ang ibabalik sa iyo ng langit, na hindi mo mapaniniwalaan dahil sa sobrang ganda at sobrang laki ng suwerte at magandang kapalarang iyong tatanggapin.


Dagdag pa rito, hinihikayat din ang bawat isa ngayong 2021 na ang mas bigyang prayoridad at plantsahing mabuti ay ang mga bagay na may kaugnayan sa tahanan at pamilya.


Sapagkat tinatayang sa taong ito ng Metal Ox, sa pagpapaganda ng tahanan, pagmamahalan at maayos na relasyon ng pamilya, lulutang, uusbong o magsisimula ang malalaking suwerte at magandang kapalaran, na surpresang darating sa buong taon.


Sa pagdedesisyon at pagsisimula ng mga bagong proyekto, hindi naman iminumungkahi na mag-eksperimento ngayong 2021. Sa halip, ang pinakamaganda pa ring negosyo at pagkakakitaan ay ‘yung mga dati mo nang ginagawa. Sa madaling salita, mas mainam na sa taong ito ng Metal Ox, manatili ka sa makaluma at dati nang diskarte o pananaw kaysa mag-iba ka pa ng gawain o mag-eksperimento ng kung anu-anong bagay na hindi mo naman tiyak ang kauuwian. Kumbaga sa isang magsasaka na nagtatanim sa bukid, upang matiyak ang isang mabunga at masaganang ani, panatilihin ang pagtatanim ng dati nang binhi, sa halip na mag-eksperimento ng hybrid na tiyak namang hindi magiging maganda ang resulta para sa taong ito ng 2021.


Mahalaga rin sa taong ito ang salitang konsentrasyon. Ibig sabihin, bigyang-atensiyon mo ang isang gawain na ibig na ibig mong gawin at ‘wag nang gumawa ng iba pang proyekto, lalo na kung hindi mo naman maibibigay ang iyong 100% na atensiyon dahil ngayong Year of the Metal Ox, hindi puwedeng mag-iba ng gawain at paghiwa-hiwalayin ang iyong oras, enerhiya at resources dahil kapag ganyan ang nangyari, siguradong magiging sablay ang iyong ginagawa na magreresulta ng iyong kalungkutan at kabiguan.


Ang pakikipagtalo, pakikipagdebate at pagpilit ng katwiran ay hindi rin dapat manaig ngayong 2021. Sa halip, anumang hindi pagkakasundo ng mga ideya at balakin ay hindi dapat manaig sa taong ito ng Metal Ox.


Kung saan, mas mainam na ipatupad ay kung ano ang dati nang ginagawa, ‘yun na lang ang sundin at lalo pang pagbutihan. Sa ganyang paraan, ‘pag hindi nag-eksperimento at naghanap ng bagong paraan, pero pinagbubuti ang dati nang kinamishanan at ikinaunlad ng negosyo, higit kang magiging masagana at madaling aasenso ang iyong kabuhayan sa taong ito ng 2021.


At panghuli, hindi rin dapat magmadali at magpadalos-dalos ng pagkilos at pagdedesiyon ngayong Year of the Metal Ox. Tandaang tulad ng isang matikas at matiyagang Baka, dahan-dahan niyang binubukang ang bukid at painot-inot na inaararo ang lupa, walang anu-ano at natatapos niya ito nang maluwalhati at maligaya.


Ganundin ang dapat ngayong 2021, dahan-dahan at inot-inot mong ipatupad ang lahat ng iyong mga balakin at pangarap sa buhay at makikita mo na bago matapos ang taong ito, siguradong makakamit mo ang isang maligaya at masaganang pag-aani.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 12, 2021



Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang tungkol sa suwerteng kulay para sa 2021. Sa ating pag-aanalisa, lumalabas na may dalawang pangunahing kulay na magiging mapalad sa ngayong Year of the Metal Ox.


Una, dahil ang likas na elemento ng Ox ay lupa o earth, lumalabas na yellow o dilaw ang isa sa pangunahing magiging mapalad na kulay ngayong 2021. At dahil bukod sa likas na elemento ng Ox na earth ang 2021 ay may sarili ring taglay na elemento, ito ay ang elementong metal at ang likas na kulay ng metal ang white o puti. Gayunman, dahil ang kahulugan ng puti sa Ancient Chinese ay hindi masyadong kagandahan dahil ito ay nagbabadya ng pagluluksa at kamatayan, mas mainam kung ang secondary color ng metal ang ating gagamitin sa taong ito ng 2021.


Ang mga secondary colors na kaakibat din ng elementong metal ay ang gold, gray, silver at iba pang kulay na hinango o kakulay ng metal, kaya puwede rin ang kulay na aluminum, stainless, chrome, alloy, copper at iba pang kauri nito.


At kung gagamit ng kulay na puti ngayong 2021, ang dapat o mas masuwerte ay ang gumamit ng mga kulay na puti na may kaunting shade tulad ng “cream” o “dirty white”. ‘Yung iba naman, pinapatakan nila ng kaunting pula ang white upang lumutang ang bahagyang pagka-pink nito o patak ng kaunting green o berde upang kumulay ang masarap sa matang mint green o puti na pinatakan ng kaunting asul upang lumutang ang sky or aqua-blue na kulay.


Ngayong alam n’yo na ang paggamit ng mga suwerteng kulay sa taong ito, tatalakayin na natin ngayon ang mismong magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong 2021.


Ang uunahin natin ay ang tungkol sa prediksiyon o maaaring magiging kaganapan ngayong taon.


Alalahaning ang taong ng Metal Ox ay magsisimula sa ika-12 ng Pebrero 2021 kung saan sinasabing Ox ang ikalawa sa 12 animal signs sa Chinese Astrology at ang Ox ay kumakatawan din sa Western zodiac sign na Capricorn, na nagtataglay ng planteang Saturn.


Ang mapalad na oras ng Ox ay mula ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng madaling-araw, sa direksiyong hilaga at hilagang-silangan o north at northeast.


Kung ikaw ay isinilang noong 1913, 1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009 at 2021, ikaw ay kabilang sa mga taong nagtataglay ng animal sign na Ox.


Pinaniniwalaang higit na maraming kahaharaping pagsubok ang Ox kung siya ay isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig, kaysa sa kapatid niyang Ox na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init. Higit namang agresibo at determinado sa buhay ang Ox na isinilang sa araw, habang medyo kimi at medyo tahimik lang ang kapatid niyang Ox na isinilang sa gabi o sa madaling-araw.


Sinasabing ang Ox ay kilala sa pagiging matatag, buo ang loob at praktikal, at dahil ang Ox ay sa lupa naninirahan at lupa ang pangunahin niyang gawain at pagsasaka ang kanyang ikinabubuhay, tulad ng planetang Saturn, ang kapalaran hinggil sa negosyo, komersiyo at pangangalakal ay tiyak na unti-unting uunlad, lalago at magtatagumpay sa taong ito ng 2021.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page