top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 23, 2021



Ipagpatuloy natin ang pagbibigay ng kahulugan sa elementong Metal o Bakal na iiral ngayong 2021.


Tandaang sa pinakamabuti at pinakadalisay na katangian ng metal o bakal, ito ay nagiging ginto o pilak, habang sa pinakamapanganib at nakatatakot niyang katangian, ang metal ay maaaring maging matalim na espada o baril na nakamamatay.


Tandaan ding ang pera at ginto na kumakatawan sa elementong metal ay nagiging daan din upang magkaugnay ang mga tao, na nagdudulot ng pag-unlad at kasaganaan sa larangan ng negosyo at kalakalan. Kaya naman asahan nang ngayong Year of the Metal Ox, itatala ang unti-unting pag-angat ng kabuhayan, hanggang sa tuluyan nang makaahon ang mundo sa naranasang pandemya noong 2020.


Sa taong ito, hindi rin dapat kalimutang pansinin ang mahahalagang gamit at katangian ng elementong bakal o metal:


Bakal ang humahawak at nagpapanatiling nakataya ang anumang istruktura na ating namamasdan sa palagid tulad ng mga pangunahing sasakyan at naglalakihang gusali at iba pa.


Kung ang bakal ay gagawing container o lalagyan, ito rin ang humawak ng mahahalagang uri ng likido tulad ng tubig, langis at iba pa.


Ito rin ang humahawak at nagiging daluyan ng super-megawatts na elektrisidad na dumadaloy sa mga kabahayan at malalaking industriya.


Iba’t ibang uri rin ng metal ang nasa loob ng computer set, cell phone at iba pang mahahalagang gadgets at kasangkapang pang-araw-araw nating napakikinabangan at ginagamit.


Dahil dito, tulad ng naipaliwanag na, sa taong ito ng 2021, ang lahat ng binanggit na may kaugnayan sa katulad ng negosyo o kalakal na pangunahing pinaggagamitan ng metal ay makararanas ng pag-unlad at kasaganaan.


Sa pamamagitan naman ng analogy, sinasabing ang metal o bakal ang siya ring humahawak ng emosyon o damdamin ng isang tao. Kaya naman ngayong 2021, kung hindi hahawakan ang damdamin, maaaring maganap ang mararahas na pagdedesisyon sa mga pangunahing leader ng mundo na maaaring maging mitsa o simula ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig.


Sa kabilang banda, maaari ring magsama-sama ang mga pangunahing leader sa larangan ng kalakal o negosyo sa buong mundo o bansa upang isulong ang pagkakaisa sa lalo pang ikagaganda at ikauunlad ng buhay ng bawat tao, hindi lamang sa mundo kundi sa buong universe.


Kumbaga, sa taong ito, maaaring mag-contribute ang mayayamang negosyante upang maisakatuparan ang aragan at malawakang paglilinis ng dumurumi o pumapangit na mundo at maging friendly ulit ang kapaligiran upang masaya at masarap na matirhan ulit ang planet earth.


Maaari rin namang ngayong Year of the Metal Ox, magsasama-sama ang mayayamang negosyante upang tuluyan nang matupad ang pangarap ng business magnates at riches men in modern history na sina Jeff Bezos at Elon Musk, na madali ng makapupunta at makalilipad ang mga tao sa ibang planeta upang makapagpatayo roon ng mas moderno, maligaya at high-tech na sibilisasyon bago tuluyang masira at mawasak ang planetang earth.


Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 21, 2021



Sa nakaraang isyu, sinimulan nating talakayin ang kahulugan ng elementong metal o bakal, na siya ring elementong iiral sa buong 2021.


Tulad ng huli nating paliwanag, bilang pagbabalik-aral, kung malinaw pa ang aking memorya ay natatandaan ko na ang huling diskusyon sa pagtalakay ng kahulugan ng elementong metal noong nakaraang isyu ay sinasabing ang metal ay sinisimbolo rin ng hugis na bilog.


Kaya tulad ng baryang pera, walang sulok na kumakatawan sa walang pagod na pag-ikot at pagpapabalik-balik ng panahon, ang kalansing ng barya at lahat ng bagay na yari sa metal na may hugis bilog at tumutunog ay siguradong magbibigay din ng malaking suwerte, magandang kapalaran at walang kahulilip na kasaganaan sa buong taong ito.


Dagdag pa rito, sinasabi ring bukod sa lungs o baga na panloob na bahagi ng ating katawan, ang metal ay iniuugnay din sa palabas na bahagi ng ating nose o ilong. Dahil dito, pinaniniwalaan ding ang negosyong may kaugnayan sa pabango, lotion at iba pang produktong may “scents at aromas” ay tiyak na magki-click at kikita ng malaking halaga ngayong Year of the Metal Ox.


Bukod sa mga produktong may kaugnayan sa pabango at pampaganda, ang mga kalakal na ginagamitan ng hangin at oxygen at mga produktong may kaugnayan dito ay sadya ring magiging mapalad sa buong taong ito ng 2021.


Samantala, ang mapalad na lugar o direksiyon ngayong 2021 ay ang hilaga at hilagang kanluran o north, north-west na siyang direksiyong sadyang inilaan sa elementong metal.


Magiging mapalad naman ang kulay na white, gold at silver, na siyang likas na kulay na metal. Ganundin ang lahat ng kulay na metallic – ibig sabihin, lahat ng kulay na kumikinang, kumikislap at kulay na tila binudburan o hinagisan ng makikislap na mga butil ng metal.


Dahil ang elementong metal ngayong 2021 ay “Yin Metal”, matatandaang noong 2020 ay “Yang Metal” ang taglay animal sign na Rat, ibig sabihin, kung noong nakaraang taon ay sobrang agresibo ng mga pangyayari dahil ang Yang ay ikinukonsederang masculine type energy o positive type energy, sa panahong ito, ang mamamayani ay Yin Metal o feminine energy o negative energy.


Sinabing anumang maganap na pagsubok sa bawat indibidwal at maging sa buong mundo, ito ay hindi na gaanong magdudulot ng mabibigat na suliranin at problema dahil ang lahat ng mga pangyayari ay papagaanin na ng Yin Metal sa buong taon.


Kaya naman masasabing siguradong suwabeng-suwabe na nating malalagpasan ang mga kalamidad, pandemya at anumang trahedya na naranasan natin noong nakaraang taon.


Kung noong nakaraang taon ay namayani ang Yang Metal o “driven by the need to succeed”, ang Yin Metal naman ngayong 2021, ay “driven by the taste of success.”


Ibig sabihin, hindi na gaanong maghahangad ng malalaking pagbabago o biglaang tagumpay ang mga tao o ganundin ang bawat sitwasyon sa taong ito. Bagkus, ang hahangarin nang mga pangyayari at mismong kapalaran ay kung paano tatanggapin ang kasalukuyang sitwasyon, mapait man ito o matamis.


At habang ninanamnam ang bawat pihit ng pagbabago, ang lisan at dating ng pag-unlad, tinitiyak na ang higit na pahahalagahanng bawat isa ay ang maliliit ngunit manamis-namis na lasa ng ligaya at tagumpay sa buong taong ito ng Metal Ox.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 19, 2021



Sa nakaraang isyu, tinalakay natin ang tungkol sa limang elemento, at ito ay ang: (1) Water o Tubig, (2) Fire o Apoy (3) Wood o Kahoy, (4) Metal o Bakal at (5) at Earth o Lupa.


Natutunan din natin ang dalawang pangunahing uri o cycle ng natural na ugnayan ng ikot ng limang elemento at ito ay ang:


Una, ang “conducive relationship” o kaaya-ayang ugnayan ng mga elemento. Ito ay nauuwi sa matandang paniniwala ng mga Chinese na nagsasabing, “From metal, we get water. From water, we get wood. From wood, we get fire. From fire, we get earth. From earth, we get metal.”


Habang ang ikalawang uri o klase ng ugnayan ng mga elementong ito ay ang “controlling relationship” o ugnayang humahawak at pumipigil.


Sa ugnayang ito, ayon pa rin sa paniniwala ng mga sinaunang Chinese, sinasabing, “Metal is controlled by fire. Fire is controlled by Water. Water is controlled by earth. And Earth is controlled by wood.”


Samantala, dahil ang taong ito, ayon sa Chinese Elemental Astrology ay Year of the Metal Ox, ang unang tatalakayin nating mabuti, na sobrang mahalagang dapat n’yong maunawaan at matutunan upang magamit sa pang-araw-araw n’yong ikaliligaya at ikatatagumpay ng inyong buhay sa taong ito ng 2021 ay ang kahulugan ng elementong Metal.


Tandaang ang panahon ng autumn o taglagas, ganundin ang panahon ng gabi o medyo pagabi ay ikinukonsiderang panahon ng Metal. Kaya masasabing ang mapalad at favorable na season ngayong 2021 ay ang panahon ng fall o taglagas.


Kung nasa Pilipinas ka, madali mong malalaman kung panahon na ng taglagas. Kung mahilig kang bumiyahe at mapag-obserba ka sa iyong nadaraanan, ang panahon ng taglagas ay kapag napapansin mong medyo nahuhulog na ang mga dahon ng malalaking punong-kahoy sa kahabaan ng gilid ng mga kalsada at minsan pa nga ay makikita mo ring nagkukulay-kahel o dilaw na ang mga dahon.


Kapag nakita o napansin mo ang mga palatandaang nabanggit, maaalala mong kusa ang artikulo nating ito at masasabi mo sa iyong sarili habang bumibiyahe ka at nakaupo sa bus, “‘Yun pala ang sinasabi ni Maestro Honorio Ong na panahon na marahil ng autumn o taglagas sa ating bansa at ang nangingibabaw na elemento sa kapaligiran ay metal o bakal.”


Kasabay ng panahon ng taglagas ay ang manaka-nakang kalungkutan sa damdamin at puso ng ilang taong namumroblema sa kanilang buhay, lalo na sa salapi, pag-ibig at kalusugan kung saan ang malalim na pagtataka at kalungkutang ito ay senyales din ng elementong bakal o metal, na natural lamang na mararamdaman ngayong 2021.


Gayundin, kapag panahon ng taglagas, may mga indibibwal na inaatake ng asthma, hika o breathing problem kung saan ito ay mga natural na senyales ng gumagawak na impluwensiya ng elementong Metal sa ating kapaligiran. Kaya dapat ay ‘wag masyadong mag-alala dahil pagdating ng summer, kasabay ng pamumulaklak ng mga punong-kahoy at halaman, ang lahat ng mga suliraning ito ay kusa ring lumilipas at nagpaparamdam.


Dagdag pa rito, dahil sa mismong salitang metal o bakal, perse, ‘yan na nga mismo —likas na magiging panghatak ng suwerte o magandang kapalaran ngayong 2021 ang lahat ng mga bagay na gawa o yari sa metal, tulad ng pang-araro at lahat ng agricultural tools, gaya ng piko, pala, bareta at marami pang iba. Gayundin, ang lahat ng gamit sa paggawa ng jewelry o alahas at mga relo, mga kung anu-anong burloloy at kaek-ekan na yari sa bakal na ikinakabit bilang palamuti sa katawan ay sadyang magiging mapalad sa buong taong ito ng Metal Ox.


Kaya naman masasabing hindi lang panahong ng taglagas ang dapat nating asahan sa taong ito, bagkus, ito rin ang panahon o pagkakataong maaaring lumago at sumagana ang mga negosyong may kaugnayan sa agrikultura, pagmimina, entertainment, leisure o pamamasyal, adventures at iba pang mga gawaing may kaugnayan pagsasaya tulad ng perya, carnival, recreation and amusement parks at iba pang kauri nito.


Tandaan ding ang simbolo ng metal ay bilog. Kaya tulad ng baryang pera, walang sulok na kumakatawan sa walang pagod ng pag-ikot at pagpapabalik-balik ng panahon, ang kalansing ng mga barya at lahat ng yari sa metal na may hugis bilog at tumutunog ay siguradong magbibigay din ng suwerte, magandang kapalaran at walang kahulilip na kasaganaan sa buong taong ito ng 2021.


Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page